[Kabanata 10]

53 8 13
                                    


[Kabanata 10]


Palagay ko ay natigil nang sandali ang aking paghinga. Nanikip at kumirot ang aking puso, na-estatwa ako sa aking kinalulugaran.

Ang tanging nagawa ko lamang ay titigan siya habang papalapit sa p'westo ko, hindi ko alam kung bakit naging ganito ang reaksyon ng aking katawan. Ang nasisiguro ko lang, umaapaw ang kagustuhan na makita siyang nasasaktan at nahihirapan!

Hanggang salita na nga lang ba ako?

"A-Ate," banggit niya at dun na ako natauhan.

Tumayo ako, nangangatog ang dalawang tuhod. Ramdam ko ring nanunubig ang aking mga mata. Ngunit hindi naging dahilan iyon upang siya ay itulak, rason kung bakit nakasalampak siya ngayon sa lupa. Narinig ko ang daing niya, pero hindi siya umalma.

"Ilang ulit ko bang sasabihin sa'yo na 'wag mo 'kong tawaging Ate huh?!" Dinuro-duro ko siya. "Hindi mo 'ko kapatid at kailanman hindi kita ituturing na kapatid! Ganyan ka na ba talaga kabobo para hindi maintindihan 'yan ha?!" Nanginginig ang aking mga labi. At bumubuhos ang mga luha sa aking pisngi.

Sobrang sakit, mapapahabol-hininga ako sa sobrang sakit. Kailan ako mamamanhid?

Naranasan ko na pagmalupitan ng sariling ama, naranasan kong masaksihan ang pagkawala ng isa kong kapatid. Naranasan kong mag-isang lumaban sa hamon ng buhay sa panahong muntik nang sumuko si Nanay. Naranasan ko ang hirap nang dahil hindi buo ang aming pamilya.

Hindi ko ba deserve na sumaya? Kung hindi e' bakit nandito siya? Para pasakitan kami? Sana siya na lang 'yong namatay!

Hinintay ko ang kanyang sagot, walang dumating. Hindi sinadyang mabaling ang paningin sa suot niyang uniform. Tangina talaga.

"Masaya ka na ba Mishella? Masaya ka na dahil kita mo 'to, ako nakikita mo?! Hirap na hirap na! Habang ikaw, masaya dahil may mama at papa ka na sumusuporta sa'yo, masaya ka dahil nag-aaral ka rito—sa section na kung tutuusin para lang sa mayayaman!"

Ang galit na dinadala, mas lalo lamang tumindi.

"Pwede ba Mishella, mawala ka na lang? Pwede ba, ikaw na man ang mahirapan?" Nangingitngit man ako sa galit, hindi ko iyon idinaan sa sigaw—kalmado ako nang sinabi iyon.

Sa ano pa bang paraan maipapahayag na galit ka? Maliban sa pag-iyak, ang sumigaw, at magmura? Ano pa't gagawin ko!

Lahat kasi nagawa ko na, ang sasabog na lang ang hindi.

Ang nakakabaliw pa, sabay na nagparamdam ang galit at sakit!

Pinipiga ang aking puso, sugat-sugat na, hindi man lang hinayaang maghilom. Dahil pagkatapos sugatan, may mananakit na paparating na naman.

Umaasa akong malapit na ang aking pagsabog, para tuluyang maging pira-piraso, kasunod niyan ay ang mawala... sa mundo. Nawalan na ako ng pag-asa na gagaling pa mula sa pagkakasakit.

Pero...

Hindi! Hindi maaari. Nandiyan pa si Nanay at si Ellena. Paano sila 'pag nawala ako? Sino ang magpapahinahon kay Nanay kapag galit siya? Sino ang gagabay, sasaway, at mag-aalaga kay Ellena tuwing wala si Nanay? Hindi, ayoko munang... mawala. Kaya dapat, lumaban ako, magpatuloy!

Gayunpaman, taliwas ang sinunod ng aking katawan, napa-upo ako dulot nang nanghihinang tuhod, lumaylay ang aking mga kamay na tipong tinakasan na ng dugo. Naririnig ko rin ang taas-baba kong hinga, ano bang tawag sa nararamdamang ito?

Kapaguran ba at sakit? Parang may eksaktong kataga talaga, hindi ko mawari kung ano...

Nawaglit na sa aking isipan na nasa paaralan pa pala ako—kami. Umalis ako dahil sa pagka-inis sa naging parusa ni Maam, para kumalma pero ito at ganito ang dinatnan.

Lost Acceptance [On-going]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon