[Kabanata 18]

25 2 2
                                    

[Kabanata 18]

Panay ang haplos niya sa aking bisig habang nakahilig sa aking balikat. 'Aysus nagpapalambing. Hinayaan ko na lang, pakunswelo na rin.

"Ako lang ba Beh ang gumagawa sa'yo nito? Walang iba? Kunwari si Emerson gano'n. Haaay isa akong kawawang single." Ngumiwi ako sa sinabi niya. Itong si Jamie tinutulak akong umasa, tapos aasa rin ako, sa huli nganga.

Pinangungunahan ko na, ayaw ng masorpresa.

"'Wag nga 'yang pag-usapan," ani ko.

"Bakit naman? Kilig ka?"

Patuya kong inalis ang nakakapit niyang kamay. Nang mabasa ang kilos ko, mas lalo niyang idiniin ang katawan sa akin.

Ano bang nangyayari sa babaing ito? Tinutopak yata.

"Seryoso, 'di na'ko natutuwa—aray"

Napangiwi ako nang may marahas na sumagi sa aking kaliwang balikat. Aba, hindi man lang lumingon at humingi ng pasensya!

Kaya naman pala...

Busy ang lalaki makipag-unahan ng puwesto sa tricycle. Nang maka-upo na siya sa bubong nito, umukit ang prenteng ekspresyon. Masaya niyang narating ang kinalulugaran sa taas, lingid sa kaalaman niya, may nasaktan siya sa ibaba.

Nyemas! Nainis tuloy ako!

"Anyare?" Iling ang tinugon ko kay Jamie. Komprontahin ko na lang 'yong lalaki mamaya kapag nakita ko ulit. Panira ng umaga!

"Tagal ni Mirna 'no? Baka nag-make up pa 'yon, malulusaw rin naman sa init." Pabor nga sa'kin na wala pa siya, malamang 'pag narito na si Mirna, tampulan na naman ako ng tukso. Pagtutulungan nila akong dalawa. Nasa akin pa rin ngayon ang spotlight.

"Ang daya, dapat sabay tayong naghihintay. Nakikinita niya na siguro 'to! Pa'no kung dumating na service natin ta's wala pa siya, iwan na lang natin?" Hindi ko masundan ang mga maktol ni Jamie. Tango lang ako nang tango.

Bagaman maging ako ay may ideya na hindi matutupad ang usapang alas-siyete aalis. Ang pakiramdam na nasasakal sa bahay ang nagtulak sa akin na agahan ang pagpunta rito sa eskwelahan. Mas gugustuhin kong manatili rito kahit na hindi rin komportable kaysa sa bahay na maya't-maya ay dinadalaw ako ng pagkabigo.

Tahanan ngang itinuturing, pero pasakit ang dating sa akin.

Natapos lang ang dalawampu't-siyam ng Agosto na wala akong narinig na pagbati. Kalahating parte ay isinisisi ang sarili kung bakit walang may nakaalala maliban sa akin. Kung idineklara ko kaya sa harap nila, gagaan ang loob ko? Malabo. Ma-arte ako eh, nais kong kusa silang magbati, walang pilitan. Iyong natural at bukal sa loob. Asa pa 'ko.

Pamilya ko mismo ang nakalimot. Masisisi ko ba sila? Maaaring may sariling isyu silang kinahaharap kaya't nakaligtaan kung anong mayroon sa araw na iyon. Dapat naiintindihan ko kasi pinagdadaanan ko rin.

Pero hindi eh. Gusto kong unawain... Pinipilit ang sarili na ayos lang. Ngunit kada balik-tanaw ko kung paano bago sinalubong ang kaarawan, nagpipigil ako ng hagulgol at nagkasagutan kami ni Mishella, hinding-hindi magiging ayos iyon. Mas dumagdag pa ang hindi pagkilala sa espesyal na araw ko nina Nanay at Elena.

Lost Acceptance [On-going]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon