[Kabanata 11]

61 9 6
                                    


[Kabanata 11]

"Walang tubig diyan sa kusina. Sa labas ka na maghugas ng pinagkainan Elise. Pagkatapos niyan, samahan mo kapatid mo maligo sa poso. Ewan ko ba't ano na naman ang ginawa ng kapatid mo at ang dungis-dungis na naman," ngumunguya pa nang sabihin iyan ni Nanay. Tumango ako sa ikalawang pagkakataon.

"Pero kung ayaw mo sa labas maghugas, mag-igib ka na lang ng tubig. Pwede ring—ganito na lang... Mag-igib ka dun sa may poso, punuin mo ang tab at ang isang balde, 'yong sa balde ang gagamitin ng kapatid mo, ang sa tab naman 'yan gamitin mong panghugas, para na rin—"

"Oo na Nay, alam ko na. At saka wala pa nga eh, kumakain pa nga lang tayo oh," sumabad na ako.

Alam ko naman kasi ang patutunguhan ng usaping iyon. Kasi naman, ikalawang ulit ng sinabi iyon ni Nanay, kabisado ko na ang gagawin.

"Iyon nga ang punto ko Elise. Sinabi ko na para alam muna ang gagawin mo pagkatapos nating kumain. Ki-hilig mo na 'atang pangunahan ako. 'Pag maulit pa iyan ipapalunok ko sa'yo dila mo."

Napahinto ako sa pagsubo at dahan-dahang yumuko.

Lahat na lang mali!

Labag man sa kalooban, pinili ko na lang na tumahimik baka kung magsalita pa ako lalong magagalit si Nanay, lalo rin akong masasaktan.

"Ang mga kabataan talaga ngayon hindi na humihinog ang pag-iisip. Dapat kung dumadagdag ang gulang niyo, gan'on din kung paano kayo mag-isip. Ni hindi na marunong rumespeto. Kung sa tingin nila 'yon na ang tama , iyon agad ang susundin at paniniwalaan. Iba ang tama sa madali, iba ang tama sa mabuti!"

Ayan na naman siya, 'kala mo may kausap siyang kumare niya. Ako, si Ellena saka si... Mishella lang naman ang kasama niya rito.

At ito ako, isang subo lang ang nagawa dahil nawalan na ako ng gana, pinilit ko na nga lang na lunukin iyon. Sayang at may natitira pang laman ang aking pinggan, ngunit alam kong hindi ko makakayang ubusin. Nyemas!

Si Nanay kasi eh!

"Ellena," mahinahong banggit ko ng pangalan niya. Mabuti na lang at katabi ko siya kaya madali kong nakuha ang kanyang atensyon. Bagaman, pinandilatan niya ako ng mata bilang sagot. Sungit.

"Sa'yo na lang oh," pakiusap ko, tinutukoy ang aking pagkain.

Sa kabutihang palad, tinanggap niya ang alok ko nang walang pag-aalinlangan—walang may sinabi. Napangisi ako, kaso nga lang biglang namang napawi...

Nang iginawi ko ang aking paningin kay Nanay, naabutan ko siyang nakatitig kay Ellena. Nyemas! Baka nakita niya ang pag-alok ko, ta's syempre si Nanay 'yan edi papagalitan na naman ako at magsasalita na naman siya na kesyo ganyan, kesyo ganito!

Pero hindi nangyari ang inaakala ko! Pagkatapos niya kasing tingnan si Ellena, sumunod na dumako ang kanyang paningin kay Mishella. Mariin ngunit walang emosyong titig.

Katulad namin, kumakain din si Mishella. Una, hindi siya nagkusang lumapit sa p'westo namin para kumain pero dahil inaya siya ni Nanay—na ikinabigla ko dahil si Nanay mismo—kaya siya kumakain ngayon. Ni hindi man lang umayaw o nagpumilit.

Si Mishella pa! Mula sa nanay niyang nagawang manulot ng lalaki kahit na may sarili ng pamilya. Nagpapakita lang na ang nanay na walang hiya gano'on din ang anak!

Lost Acceptance [On-going]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon