Chapter 8

7.2K 169 1
                                    

"NANDIYAN pa ba?" tanong ni Carlo kay Pete sa cell phone. Nasa apartment niya ang lalaki, ine-entertain si Valerie, one of his flings na nagtatrabaho sa isang five-star hotel.

"Oo. Ang kulit, hindi raw siya aalis dito hangga't hindi ka dumarating. Kinukulit akong samahan siya riyan sa farm," sabi ni Pete, halatang iritado na rin.

"'Wag na 'wag mong gagawin 'yan. Magsosolian tayo ng kandila. Sabihin mo, malayo itong farm, tatawid pa ng dagat."

Ayon kay Pete, nang makausap niya ito sa telepono kaninang hapon, pinuntahan daw ito ni Valerie. Nagpasama ang babae kay Pete papunta sa Lian dahil gusto siyang makausap.

Alam ni Pete na pinagtataguan na niya ang babae kaya itinimbre na sa kanya. Iyon nga lang, hindi nito nagawang iwan si Valerie sa Maynila dahil mapilit talaga. Sa apartment na lang ni Carlo nito iniuwi ang babae.

Kaya ngayon, hatinggabi na ay nasa kubo pa rin si Carlo, nilalamok at antok na antok.

"Ano'ng gagawin ko rito? Kausapin mo na lang kaya," suhestiyon ni Pete.

"'Kulit 'yan, eh. Hindi naman puwedeng kausapin. Kapag nakita ako niyan, lilingkisin agad ako. Hindi ako makakapanlaban—" Napadungaw siya sa bintana ng kubo dahil nagsisipagsigawan ang mga tauhan nila.

"May tama! May tama ang aswang!" sigaw ng isa na sumama sa mga nagroronda.

"Ano 'yon?" tanong ni Pete, narinig din pihado ang sigawan.

"'Yong mga nagroronda. Nahuli na yata ang aswang. Alam ko na! Sabihin mo riyan, kay Val, sumama ako sa ronda. Hindi mo 'kamo ako ma-contact." Pinindot na niya ang end button para hindi na makaangal si Pete.

Bumaba na siya.

"Nahuli n'yo ba ang aswang?" tanong niya sa lalaking nakasalubong.

"Nakatakbo, Sir, nagpunta riyan sa lumang bahay sa tapat."

Pagkarinig niyon ay tumakbo na rin siya palabas ng gate. Nagkatipun-tipon nga ang mga nagroronda sa labas ng bahay ni Coco. Parang takot naman ang mga itong basta na lang pumasok.

Lumapit siya sa kapitan ng barangay. "Ano ho ang nangyari?" tanong niya.

"Papasukin na namin itong bahay. Diyan nagtago ang aswang. May tama na, kaya hindi makakatakbo 'yon."

"A-ano ho ang hitsura ng aswang?" kabadong tanong ni Carlo.

"Aso. Asong malaki, itim na itim," sabi ng kapitan.

"Pasukin na natin, Kapitan! Baka makapaminsala pa ang aswang na 'yan!" wika ng isang lalaki.

"T-teka ho!" sabi niya, pero parang hindi na rin siya sigurado sa sasabihin.

Kanina lang ay nakakita siya ng pagkalaki-laking aso at itim na itim. Nang sundan niya iyon sa kusina ng lumang bahay, isang babaeng nakatuwad sa sahig ang nakita niya na unti-unting tumayo, parang nag-transform at wala na sa paligid ang aso.

Aswang nga kaya si Coco Artiaga?

Ang ganda naman, anang isang panig ng isip niya. Hindi mukhang aswang. Mukhang engkantada!

"Tayo na ho, Kapitan! Pasukin na natin!" sigaw muli ng mga nagroronda.

Sa pagkamangha niya, may ilan nang kalalakihan na sumampa sa bakod, may mga dalang flashlight at pinatulis na kawayan.

Tutuhugin si Coco!

"Teka ho, Kapitan. Hindi pa ho tayo sigurado," awat niya; pero dahil mayroon nang mga nanguna, nagsisunod na rin ang ilang natitira sa labas, kinakalampag ang gate. Parang hindi na kayang kontrolin ng kapitan ang mga kasamahan.

Mabilis siyang nagdesisyon, payuko siyang pumuslit. Kung may nakakita man sa kanya na patungo sa likod ng bahay, iisipin lang siguro na kaisa siya ng mga iyon.

Tiningala niya ang pader, tinantiya. Pingas-pingas naman ang ilang bahagi niyon. Pumili lang siya ng medyo mababa na at lumundag. Kapos pa rin, pero nakakapit naman siya. At dahil siguro sa adrenalin rush kaya nakalipat siya sa kabila, pagulong na bumagsak sa loob ng bakuran.

Agad siyang bumangon. May ilan nang kalalakihan na nasa loob din at paakyat na sa hagdanan. Sa likuran siya ng bahay tumakbo, nakita ang hagdanang bato roon. Umakyat siya at binalya na lang ang pinto roon.

Pagkatapos ng tatlong pagbalya, bumigay ang pinto. He was now inside the house. Madilim sa loob niyon.

"Coco!" tawag niya.

Ungol lang ang narinig niya. Sa isang iglap, a hairy creature jumped on him, pinning him on the floor at once.

"Helppp!" sigaw niya. Katapusan na yata niya sa mundo.

Bud Brothers Series Book 3: Red Roses For A Blue Lady (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon