MARAMI nang mga estudyanteng nahawakan si Ginoong Kristofer Magdiwang sa halos tatlumpong taon ng kanyang pagtuturo sa high school. Marami nang mga estudyante ang tumatak sa kanya. Sa kabila ng katandaan, naaalala pa rin niya ang karamihan sa kanyang mga naging paborito. Iyon ang tumatakbo sa kanyang isipan sa kasalukuyan habang binubuklat ang isang lumang yearbook. Alam niya kung saan napunta ang ilan sa mga estudyante na naroon. Alam niya ang naging pagbabago sa buhay ng ilan sa mga ito. Laking pasasalamat siya sa pagliit ng mundo dahil sa mga nauusong social networking sites.
Ang pagiging guro ang naging buhay ni Kristofer sa mahigit kalahati ng kanyang buhay. Ang isang pribadong paaralan ang naging tahanan niya. Ang mga estudyante ang kanyang naging pamilya. Kapamilya na dumarating at umaalis pagkatapos ng school year. Kanyang naaalala na madalas niyang sabihin sa sarili na wala nang makakasorpresa sa kanya pagkatapos ng maraming taong pagtuturo. Kahit na nakatalikod ay alam niya kung sino ang nakikinig o hindi, alam niya kung sino ang nangongopya at kinokopyahan. Kabisado na niya ang bawat kalokohan ng mga lalaki at ang bawat kadramahan ng mga babae. Alam rin niya kung nagsisimula nang umusbong o bumukadkad na ang isang romantikong relasyon sa pagitan ng isang babae at isang lalaki.
Sa unang tingin pa lamang, alam na ni Kristofer kung sino ang matalino, ang madiskarte, ang maarte, ang titibo-tibo, ang binabae, ang atleta, ang friendly, ang masungit. First day had always been fun for him. Sa paraan pa lang ng pag-introduce ng isang estudyante sa kanyang sarili ay marami nang nalalaman si Kristofer tungkol sa estudyante.
Isa si Kristofer sa iilang guro na totoong "calling" ang pagtuturo. Mula pagkabata ay iyon na talaga ang nais niyang gawin sa buong buhay niya. Marami ang nagsabi sa kanya na sa kakayahan at talino niya, malayo ang kanyang mararating. Hindi niya ginustong makarating sa kahit na saan. Masaya na siya sa kanyang kinalalagyan. Siyempre ay may mga pagkakataon din na nalulungkot siya, lalo na tuwing bakasyon at ramdam na ramdam niya ang pag-iisa. Ngunit lumilipas din naman ang lungkot katulad ng paglipas ng summer. Magsisimula ang bagong school year at makikilala niya ang panibagong batch ng kanyang tuturuan.
Limang taon na mula nang tumigil siya sa pagtuturo. Isang hindi inaasahang suwerte ang dumating sa kanya at ginugol niya ang nakalipas na limang taon na gawin ang mga bagay na matagal na niyang nais gawin sa kanyang buhay. Pinuntahan niya ang mga lugar na sa mga larawan lang niya nakikita dati. Binili niya ang mga bagay na ni sa pangarap ay hindi niya inakalang mabibili niya sa lifetime na ito. Kanyang nabatid na kaya rin naman pala niyang maging maligaya kahit na paano sa labas ng silid-aralan.
Ngunit pagkalipas ng tatlong taong pagliliwaliw ay nangulila rin siya sa buhay na buong puso niyang minahal. Kaagad niyang na-miss ang pagtuturo. Na-miss niyang makahalubilo ang mga estudyante. Handa na siya sa pagbabalik kahit na sinabing matanda na siya para magturo ng high school, nang hindi inaasahang balita ang dumating sa kanya. Hindi niya naituloy ang pagbabalik sa pagtuturo.
Napangiti si Kristofer nang maalala ang kanyang reaksiyon sa balitang iyon. Nagulat siya, nasaktan, hindi makapaniwala, nagalit, at sa wakas ay natanggap din niya na ganoon talaga ang buhay. Nagpasalamat na lang siya sa napakalaking biyaya na ipinagkaloob sa kanya. Nagpasalamat siya sa masayang buhay. Nagpasalamat siya sa ikalawang pagkakataon na hindi ipinagdamot sa kanya. Nais niyang isipin na nagawa niya nang mahusay ang role niya sa mundong ibabaw. Nais niyang paniwalaan na nakatulong siya sa paghulma sa isipan at pagkatao ng ilang kabataang dumaan sa kanyang silid-aralan. Ngunit iba ang sinasabi ng kanyang puso. Hindi pa sapat ang mga nagawa niya. Waring may kulang pa.
"Sigurado ka ba sa bagay na ito, Kristofer?"
Nginitian ni Kristofer si Alicia, ang kanyang accountant, financial adviser, assistant, cook, at nurse paminsan-minsan. Isa si Alicia sa mga naunang batch na kanyang tinuruan. Nang mangailangan siya ng mapagkakatiwalaang accountant at financial adviser ay kaagad siyang lumapit sa dating estudyante na nanatiling malapit sa kanya sa mga nakalipas na taon.
BINABASA MO ANG
12 Gifts of Christmas: The Gift
Romance"This something special that's going on between us, sinisiguro ko sa 'yo na hindi magtatapos ngayong Pasko." Parehong nakatanggap ng tsekeng may malaking halaga sina Maeve at Landis bago ang unang araw ng Disyembre. Ang kapalit ng malaking halaga na...