9

2.3K 78 2
                                    

NARINIG NI Maeve ang malamyos na musika na nanggagaling sa piano habang pababa siya ng hagdanan nang umagang iyon. Alas-diyes na at alam niyang huli na siya sa agahan. Papasikat na ang araw nang mapagpasyahan niyang magpahinga. Paggising niya ay nais niyang ipagpatuloy ang pinagkakaabalahan ngunit naalala niyang hindi siya nag-iisa sa bahay na iyon. Kagabi ay kinatok siya mismo ni Landis sa silid. He wanted to know if she wanted dinner.

"I'm working on something. Hindi ako nagugutom," ang nakangiti niyang sabi bago niya isinara ang pintuan.

Ngayong umaga lang niya naisip na baka na-offend niya ang binata. Hindi sanay si Landis sa klase ng kanyang buhay bilang manunulat. Hindi pa sanay ang binata sa kanyang dismissal at mood change. Bago niya isinara ang pintuan ay nakita niya ang confusion at kaunting pag-aalala sa mga mata nito. Pagkatapos ng kalahating oras ay muli siyang nakarinig ng katok sa kanyang pintuan. Isang kawaksi na may dalang pagkain ang nasa labas. Nagpasalamat at tinanggap niya ang pagkain, pagkatapos ay nagmamadaling isinara ang pintuan.

Sinundan ni Maeve ang pinanggagalingan ng magandang musika habang kinakabisa ng kanyang isipan ang mga sasabihin kay Landis. Natigil siyang bigla sa palalakad nang masilayan si Landis. Hindi niya malaman kung bakit nagulat pa siya nang makita ang binata na nakaupo sa harapan ng piano. Sino ba ang kanyang iniisip na tumutugtog niyon? Noong high school sila ay kasapi si Landis sa choir. Nalaman nila na hindi lang isang jock si Landis. Maganda ang tinig nito at kaya nitong tumugtog ng piano at gitara.

Landis was playing for Sir Magdiwang now. Pamilyar kay Maeve ang melody ngunit hindi kaagad mahagilap ng kanyang isipan ang title ng kanta. She kept her distance and watched Landis play. He looked like he was enjoying himself. Nakaupo naman si Sir Magdiwang sa isang couch at nakapikit ang mga mata, ninanamnam ang ganda ng musika.

Nagawi sa kanya ang mga mata ni Landis. Ginawaran siya nito ng isang napakatamis na ngiti. Halos awtomatiko ang pagganti ni Maeve ng ngiti. Ramdam niya ang pagbabago ng tibok ng kanyang puso. Ramdam niya ang masidhing pakiramdam na lumapit at ipulupot ang kanyang mga braso sa leeg ni Landis, pagkatapos ay hagkan ang pisngi nito. She found it hard to supress the urge.

Natapos ni Landis ang piyesa nang hindi nawawala sa sarili si Maeve. "Good morning!" ang masiglang pagbati sa kanya ni Landis.

Pinagbigyan na ni Maeve ang kagustuhan ng katawan na lumapit kay Landis. "Mahusay ka pa rin," aniya. Naaalala niya na madalas niyang hangaan ang binata sa tuwing tumutugtog kapag may okasyon sa kanilang eskuwelahan noon. May pagkakataon na naiimbitahan din ang grupo nito na kumanta sa simbahan at madalas na si Landis ang tumutugtog ng gitara o piano.

"Thanks. Medyo kinakalawang na nga," tugon ni Landis.

Naupo si Maeve sa tabi ni Sir Magdiwang sa may sofa. "Mahusay pa rin kahit na kinakalawang na," ang nakangiting sabi sa kanya ni Sir Magdiwang. "Play another piece, Landis. Mula nang mabili ko ang piano na iyan ay wala nang gumamit. I was thinking of giving it away nang maalala kong marunong ka palang tumugtog."

Nagpaunlak naman si Landis. Nagsimulang tumipa ang mga daliri nito sa ivory keys. Napangiti si Sir Magdiwang nang makilala ang piyesa. "Looking In the Eyes of Love."

Sandali siyang nilingon ni Landis bago ibinalik ang buong atensyon sa piano. Waring may mainit na likido na pumuno sa dibdib ni Maeve habang hindi maalis ang tingin niya kay Landis. Bahagya siyang nahihirapang huminga ngunit kakatwang hindi niya maituturing na discomfort ang nadarama. Kulang siya sa tulog at hindi pa siya nakakapagkape ngunit pakiramdam niya ay buhay na buhay siya.

Halos wala sa loob na ibinuka niya ang bibig. She mouthed the lyrics.

Nang matapos ni Landis ang piyesa ay tumayo na ito sa bench at sinamahan sila ni Sir Magdiwang sa sofa. Inakbayan siya nito. Imbes naman na mailang at lumayo ay kaswal pang inihilig ni Maeve ang ulo sa balikat nito. She was comfortable. She felt a little better when he was near her. Hindi na niya hinayaan na makapag-isip siya nang husto, kung tama ba o mali ang kanyang inakto. Baka kapag na-filter nang husto ng isipan niya ang mga nagaganap ay mawala ang magandang pakiramdam na iyon.

12 Gifts of Christmas: The GiftTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon