"WHAT ARE you doing here?"
Natawa si Maeve sa nababaghang tanong na iyon ni Landis. "Wala ba akong karapatang pumasok dito sa kusina?" pabiro niyang tugon.
"Hindi naman. Nakasuot ka ng apron. Nagluluto ka." Waring takang-taka nga si Landis. "'You need some help?"
Pinigilan ni Maeve ang akmang paglapit ni Landis sa kalan upang silipin marahil ang kanyang iniluluto. "Hep. Doon ka sa counter. Maupo ka roon. Ikukuha kita ng inumin."
Nagtataka at bahagya mang nababaghan, tumalima si Landis. Suminghot-singhot pa ang binata. "Spaghetti sauce?" hula nito.
Naitirik ni Maeve ang mga mata. "Yep."
"Edible?"
Pinamaywangan ni Maeve si Landis. Hindi nakaligtas sa kanya ang totoong pag-aalinlangan sa tinig nito. "I am offended!" Ngunit hindi siya gaanong seryoso.
Banayad na natawa si Landis. "Ikaw itong nagsabi na hindi ka nagluluto."
"Pero hindi ko sinabi na hindi ako marunong. Limitado ang kaalaman ko sa pagluluto pero hindi naman ako nakakalason. Nakakain naman. Baka nakakalimutan mo, nanilbihan ako sa pamilya ng tiyuhin ko sa napakahabang panahon."
"The jury is still out on that. Mamaya ako sasan-ayon sa sinabi mong iyan kapag natikman ko na ang spaghetti mo. Hindi mo naman kailangang magluto, Maeve. I can do all the cooking. Just sit in one corner and do your thing."
"Ikaw ang nakatokang maghugas ng mga pinagkainan." Hinalo ni Maeve ang spaghetti sauce.
Pinauwi na ni Sir Magdiwang ang karamihan sa mga staff upang makasama naman ng mga ito ang pamilya sa Pasko. Tuwang-tuwa ang lahat dahil sa malaking Christmas bonus na natanggap. Hanggang sa Pasko ay sila-sila na lang ang gagawa sa bahay. Bago naman umalis ang itinuturing na mayordoma ng bahay ay siniguro nitong kompleto na ang mga kakailangan nila para sa Noche Buena. Kahit yata isang baranggay ang pakainin nila sa dami ng pinamili nito sa grocery store ay maaari.
Natapos na rin ni Maeve ang mga kailangan niyang gawin. Naibalot na niya nang maganda ang kanyang mga regalo at nailagay na sa ilalim ng Christmas tree. Sabik na sabik na si Maeve sa Pasko. Masarap pala sa pakiramdam ang ganoon.
"Sa tuwing nakakatapos ako ng manuscript, nagluluto ako ng pasta," kaswal na pagkukuwento ni Maeve kay Landis. "Noon ay naging tradisyon ko ito. Kapag nakita ni David na nasa loob ako ng kusina at nagluluto, alam na niyang nakatapos na ako ng isang nobela. Hindi ko alam kung kailan ang huling pagkakataon na ginawa ko ito." Pasta dishes ang maituturing na "specialty" ni Maeve sa kusina. Hindi siya gaanong masarap magluto ng mga ulam.
"So aasahan kong ipagluluto mo 'ko palagi sa tuwing matatapos ka sa isang nobela?"
Nakangiting tumango si Maeve. "Kung magugustuhan ng panlasa mo ang spaghetti na ihahanda ko ngayon."
"I'm gonna love it."
"Ang bilis mong magbago ng isip, ha."
Tinulungan siya ni Landis sa pag-aayos ng hapag. Ang binata na rin ang gumawa ng inumin. Spaghetti and meatballs ang kanyang iniluto. Mukhang perpekto naman sa paningin at panlasa niya ngunit kinabahan pa rin siya. Mataman niyang pinagmasdan si Landis sa unang subo nito. Hindi pa man nagsasalita ang binata ay humulas na ang kaba sa kanyang dibdib, gayunpaman. His eyes lit in pleasure. Higit pa iyon sa sapat para kay Maeve.
Natural na lang marahil sa isang babae na maghangad ng approval sa mga lalaking mahalaga sa kanilang buhay, o kahit na sa mga taong nakapaligid. Natural ding makaramdam ng kasiyahan at kakontentuhan kapag nakamait ang approval na iyon.
BINABASA MO ANG
12 Gifts of Christmas: The Gift
Romance"This something special that's going on between us, sinisiguro ko sa 'yo na hindi magtatapos ngayong Pasko." Parehong nakatanggap ng tsekeng may malaking halaga sina Maeve at Landis bago ang unang araw ng Disyembre. Ang kapalit ng malaking halaga na...