"GO."
Nagsalubong ang mga kilay ni Maeve sa narinig mula kay Hannah. Nagtungo sila sa isang malapit na restaurant pagkaalis nila sa bahay ni Sir Magdiwang. Doon nila itinuloy ang pag-uusap tungkol sa kakaibang hiling ng dati nilang guro at pati na rin ang kalagayan nito.
"Go," sabi uli ni Hannah kay Maeve, mas mariin at mas determinado.
Umiling si Maeve. "I can't. I have—"
"Makakapagsulat ka pa rin naman kahit na nasa ibang lugar ka, hindi ba?"
Umiling si Maeve. "Hindi. Hindi ako makakapagsulat kapag hindi ako gaanong komportable sa lugar. I've been a recluse for a very long time. Hindi na ako komportable sa mga taong hindi ko gaanong kilala. Hindi na ako komportableng may kasama sa bahay." Nakasanayan na niya kahit na paano ang pag-iisa ngunit hindi ibig sabihin niyon ay hindi na siya nalulungkot.
"Kilala mo naman sina Sir Magdiwang at Landis, hindi ba? Naniniwala ka sa kutob ko, hindi ba? Alam mo na marami ang nagsasabi na realible at trustworthy ang instinct ko. So pagkatiwalaan mo 'ko kung sasabihin ko ngayon sa 'yo na maganda ang kutob ko."
Muling umiling-iling si Maeve. "Don't encourage me. Kahit na sinong tipikal na tao ang tanungin mo, hindi papayag sa kalokohan na ito. Walang scientific basis ang kutob mo."
Napangiti si Hannah. "Kung lalapit ako sa isa sa mga taong ito at tatanungin kung ano ang gagawin nila kapag nalagay sa sitwasyon mo, alam ko ang isasagot nila. Papayag sila. Ura-urada. Hindi biro ang kapangyarihan ng pera, Maeve. Hindi rin biro ang charm at kaguwapuhan ni Landis. Shems, kung guwapo na siya noon, mas makisig at mas guwapo pa siya ngayon. Ganoon ang talagang guwapo. Lalaking-lalaki. Hindi pa-cute."
Marahas na napabuntong-hininga si Maeve. May punto marahil ang kanyang hipag ngunit ayaw niyang tanggapin. Kahit na may bahagi sa kanya ang nais pumayag, hindi pa rin niya maaaring hayaan ang sarili. "Kaya kong kitain ang ibinigay na pera ni Sir Magdiwang, Hannah."
Naitirik ni Hannah ang mga mata. "Hindi naman iyon ang dahilan kung bakit gusto kong manatili ka sa mansiyon."
"Kasasabi mo lang na makapangyarihan ang pera. Gagawin ng tipikal na tao ang lahat upang magkamal ng malaking salapi. They'd do anything crazy."
"Pero hindi ka kailanman naging tipikal na tao," ani Hannah. "I want you to do this for Sir Magdiwang. He's a great teacher. Siya ang tipo na hindi nakakalimutan ng mga estudyante. Mananatili ang mga values na itinuro niya. At nakakalungkot lang kasing isipin na mag-isa siyang nakikipagbuno sa cancer. Kung gusto lang niya, mananatili ako sa tabi niya hanggang sa araw ng Pasko. Kahit na wala siyang perang ialok sa akin. Ang kaso ay hindi ako ang gusto niya."
"Iyon nga ang dahilan kung bakit ayaw ko, Han. I know what it's like. I've watched your brother's battle. Pinanood ko kung paano siya nahirapan at nagdusa. Sa palagay mo ba ay gugustuhin ko uling maranasan ang lahat ng naranasan ko? Sa tingin mo ba ay kakayanin pa ng katawan ko ang lahat ng stress?" Naisip ni Maeve na iyon marahil ang dahilan kung bakit napili siya. She knew how it was like.
Natigilan si Hannah. Nabatid ni Maeve na hindi naisip ng hipag ang ganoon. Hindi nito naisip na baka hindi magiging madali para sa kanya ang kaalamang isang espesyal at mabait na tao uli ang magagapi ng cancer.
"He'd be alone," ani Hannah sa munting tinig kapagkuwan.
Waring may malaking kamay na pumisil sa puso ni Maeve. Hindi rin niya kaagad naisip ang bagay na iyon. Ang tanging mahalaga sa kanya self-preservation. Ang tanging nais niyang gawin ay umiwas upang maprotektahan niya ang sarili. Kahit na maraming taon na ang nakakaraan, hindi pa rin nagmamaliw sa kanyang alaala ang mga nangyari kay David. Hindi niya nakakalimutan ang lahat ng nadama niya noon. Ngunit tama bang sarili lang niya ang iisipin niya? Paano naman ang ginoo na nakikiusap? Paano ang dating guro na handang ipamigay ang milyon upang hindi lang mag-isa at malungkot sa Pasko?
BINABASA MO ANG
12 Gifts of Christmas: The Gift
Romance"This something special that's going on between us, sinisiguro ko sa 'yo na hindi magtatapos ngayong Pasko." Parehong nakatanggap ng tsekeng may malaking halaga sina Maeve at Landis bago ang unang araw ng Disyembre. Ang kapalit ng malaking halaga na...