PAG-ALIS ni Landis ay nagkulong na uli sa loob ng silid si Maeve. Pagkalipas ng dalawang oras ay lumabas siya ng silid upang may makasama si Sir Magdiwang sa tanghalian. Ayaw niyang nag-iisa ang dating guro. Kay Sir Magdiwang nanggaling ang suhestiyon na kausapin si Landis. Dahil sa ginoo, kahit na paano ay nabuksan na ni Maeve ang puso at isipan sa ilang posibilidad. Nakalma ang ilang damdamin. Naalala niya ang sinabi nitong isa siyang frustrating case. Hindi pa naman marahil huli ang lahat upang maging malapit silang dalawa sa isa't isa. Hindi nila nagawa noon, ngunit kaya nilang gawin ngayon.
Inalis ni Maeve sa kanyang isipan ang posibilidad na limitado na ang panahon ni Sir Magdiwang. Ayaw na niyang protektahan ang kanyang sarili. Masasaktan at masasaktan din naman siya kahit na ano ang gawin niya. Hindi niya ganap na maididistansiya ang sarili sa ibang tao. Hindi niya maaaring tanggihan ang pakikipagkaibigan at pagmamalasakit na inaalok sa kanya.
Maeve realized she could be a tough girl. She would deal with things. Hindi na siya iiwas o magtatago. Marami na siyang napagdaanan. Marami nang nawala sa kanya. Marami na rin naman siyang napatunayan at napagtagumpayan. May mga nawala mang mahahalagang tao sa kanyang buhay, mayroon din namang nananatili at mayroon din siyang nakakatagpong mga bagong tao.
She received so many wonderful gifts to treasure. Niregaluhan siya ni Sir Magdiwang ng pagkakataong maging masaya, pagkakataong makasalamuha ang ibang tao, at pagkakataong makita ang ibang mundo. Niregaluhan siya ni Landis ng magandang posibilidad sa pag-ibig at ng kaligayahan.
Pagbaba ni Maeve ay nalaman niyang mayroong bisita si Sir Magdiwang. Isang ginang na may napakaamong mukha. Bakas pa rin ang kagandahan sa kabila ng abuhing buhok at visible wrinkles sa mukha. Nang lumapit siya ay kaagad siya nitong ginawaran ng isang banayad at palakaibigang ngiti. Hindi maiwasang mapansin ni Maeve ang napakaamo nitong mga mata. May mga tao na sadyang nakakapalagayan kaagad ng loob sa unang tingin pa lang at isa ang ginang na ito sa mga taong iyon.
"Maeve come here," ang magaang pag-uudyok sa kanya ni Sir Magdiwang. Ngiting-ngiti ang ginoo at tila masayang-masaya. Waring sabik din itong ipakilala siya sa panauhin.
Kumislap ang rekognisyon sa mababait na mga mata ng ginang. Dahil doon ay mas napabilis ang paghakbang palapit ni Maeve. Halos wala sa loob ang pagguhit ng ngiti para sa panauhin.
"I'd like you to meet Mrs. Abando. Belen Abando. She's here to see Landis. Mrs. Abando, this beautiful girl here is Maeve."
Ilalahad sana ni Maeve ang kamay ngunit tumayo si Mrs. Abando at hinagkan ang kanyang pisngi. "It's my pleasure to meet you. I've heard so many good things about you."
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Maeve sa pagtataka. "You have?"
Nakangiting tumango si Mrs. Abando bago bumalik sa pagkakaupo. Halos wala sa loob na napaupo na rin si Maeve. Pamilyar ang pangalan ng panauhin ngunit hindi niya maalala kung kailan eksakto niya narinig at kung kanino.
"You are so lovely, Maeve. Ngayon ay lubos ko nang naiintindihan kung bakit ganoon na lang ang tono ng boses at ekspresyon ng mukha ni Landis habang ikinukuwento ka niya sa akin."
Waring may bombilyang biglang nagliwanag. This was Landis's friend. Kasama ni Landis sa support group si Mrs. Belen Abando. Nag-init ang pisngi ni Maeve sa kaalamang naikuwento siya ni Landis sa mga kasamahan at kaibigan nito. Naiilang siya ngunit sumibol din ang ligaya sa kanyang puso. He told them she was lovely.
"Thank you," tugon niya sa munting tinig, hindi sigurado ang kanyang tono. She felt a little awkward. Ano ba kasi ang akmang tugon sa mga ganoong papuri? "Wala po si Landis dito. May aasikasuhin daw po, Mrs. Abando. Pero babalik din daw po kaagad." Nasisiguro ni Maeve na nasabi na iyon ni Sir Magdiwang ngunit hindi na talaga niya alam kung ano ang sasabihin.
BINABASA MO ANG
12 Gifts of Christmas: The Gift
Romance"This something special that's going on between us, sinisiguro ko sa 'yo na hindi magtatapos ngayong Pasko." Parehong nakatanggap ng tsekeng may malaking halaga sina Maeve at Landis bago ang unang araw ng Disyembre. Ang kapalit ng malaking halaga na...