NAALIPUNGATAN ang labindalawang taong gulang na si Tiffany nang makarinig ng kalabog mula sa labas ng kanyang silid. Alanganin siyang bumangon. Hindi pa man siya lumalabas ay alam na niya kung anong dahilan ng mga lagabog na iyon. Marahil ay nagtatalo na naman ang kanyang mga magulang.
Nang muling makarinig ng kalabog ay tuluyan na siyang bumaba sa kama niya at sumilip sa labas ng kanyang silid. Hindi niya matanaw ang mga magulang niya ngunit mas malinaw naman na niyang naririnig ang mga boses ng mga ito.
"Ang kapal talaga ng mukha mo! Dito mo pa dinala ang babae mo! Kahit kailan talaga ang kapal ng mukha mo!" sigaw ng mommy niya.
"Shut up! Pinag-usapan na natin ito noon hindi ba? Bakit ngayon aangal angal ka? We both know we don't love each other!" sigaw din ng daddy niya. Napakapit si Tiffany sa pinto. Palaging sa ganoon nauuwi ang usapan ng mga ito. Bagay na labis niyang ipinagtataka. Hindi ba dapat ang mag-asawa ay nagmamahalan?
Maya-maya pa ay narinig niya ang malakas na pagbagsak ng pintuan, pagkuwa'y ang mabigat na yabag. Nakita niya ang mommy niya. Bakas pa rin ang galit sa mukha nito.
"Mommy," tawag niya rito.
Lumingon ito sa kanya ngunit hindi nagbago ang ekspresyon sa mukha nito. "Matulog ka na. Lumayas na naman ang walanghiyang ama mo. Kaya ikaw, pagtanda mo, huwag na huwag kang kukuha ng lalaking gaya niya," malamig na sabi nito at nagpatuloy sa pagpasok sa silid nito. Mula nang magkaisip siya ay hiwalay na ang silid ng mga ito.
Hindi siya nakaimik sa sinabi nito. Kapag kasi ang daddy niya ang nakakausap niya ay palagi naman nitong sinasabing huwag na huwag siyang lalaki na gaya ng mommy niya.
Muli niyang isinara ang pinto at bumalik sa kama. Kahit ayaw niya ay nakaramdam siya ng sakit sa kalamigan ng mommy niya sa kanya. Sinasabi na lamang niya sa sarili niya na marahil iyon ay dahil galit ito. Ngunit bigla niya ring maiisip na kahit naman noon ay ganoon na ito sa kanya. Kung minsan tuloy itinatanong niya sa sarili niya kung anak ba talaga siya ng mommy niya. Ngunit hindi naman maipagkakaila ang pagkakahawig nila. Kaya siguro, hindi lang talaga siya mahal ng mommy niya.
Ang daddy naman niya, mas madalas na wala kaysa nasa bahay. Kung bihira siyang kausapin ng mommy niya, mas bihira siya kausapin ng daddy niya. At tuwing umuuwi ito ay palagi niya itong nakikitang may kasamang babae. Madalas lang namang magkulong ang mga ito sa silid ng daddy niya.
Mula pagkabata ang yaya niya lang ang kasabay niyang kumain, ang naghahatid sa kanya sa school, ang umaattend ng meeting niya sa school at kung anu-ano pa. Madalas din tuloy nagiging tampulan siya ng tukso ng mga kamag-aral niya. Madalas ay napapaiyak siya ng mga ito. Ngunit wala siyang ibang masabihan ng sakit na nararamdaman niya. Walang panahon ang mga magulang niyang makinig sa kanya. Kaya madalas ay sinasarili na lamang niya ang mga iyon.
Kung tutuusin, hindi naman sila matatawag na pamilya. Para lamang silang tatlong taong nakatira sa isang bahay. Parang mga nangungupahan na hindi magkakilala. At siya, kahit na may magulang siya, pakiramdam niya ulila siya, pakiramdam niya matagal na siyang naabandona. Paanong hindi? Ni hindi nga alam ng mommy niya na dumating na ang unang buwanang dalaw niya. Nang makita niyang may dugo sa palda niya ay napaiyak siya. Ngunit hindi niya iyon magawang sabihin sa mommy niya dahil mainit ang ulo nito.
At ang daddy niya... sa totoo lang ay hindi niya alam kung anong silbi nito sa buhay niya. Basta ang alam niya ay binibigyan siya nito ng pera sa tuwing lumalabas ito at ang kasama nito sa silid nito.
Napatitig siya sa kisame. Noon, tuwing nag-aaway ang mga ito at tuwing naiisip niya ang mga pagkukulang ng mga ito ay napapaiyak siya. Ngunit ngayon ay kataka-takang walang luhang lumalabas sa mga mata niya. But she can still feel the pain in her heart. Siguro, naramdaman ng mga mata niya na ayaw na niyang umiyak. Hinding-hindi na siya iiyak kahit kailan. Ipinapangako niya sa sarili niya na wala ng pwedeng magpaiyak sa kanya.
BINABASA MO ANG
MY LONELY STAR
Romanzi rosa / ChickLitTiffany del Valle seemed to have all the things any woman would wish for: beauty, fame, and wealth. Ngunit sa kabila niyon ay hindi siya masaya. She wanted something that she had never experienced since she was a child: love. Hindi niya naranasang m...