Magandang araw mga guwapo at magaganda! Alam kong marami na kayong natutunan sa mga naunang nabasa ninyo pero may matututunan pa kayo rito sa isa pa nating guest na lodi. Isa siyang published author, kung sino siya? Tara na!
***
----Writer's Information----
Facebook Name:
Xerun Salmirro
Wattpad Username:
Xerun Salmirro
Gender:
Male
***Winfour: Hello po! Maraming salamat po sa inyong pagdalo para sa mini-interview na ito. Kumusta po kayo?
Xerun:
Mabuti naman, Winfour. Maraming salamat sa interview na ito.Winfour: May mga nakausap na po ako na nauna, itatanong ko na lang din po ito sa inyo, gaano na po kayo katagal nagsusulat, may mga naging problema ba o hadlang, kung meron, paano n'yo po nilabanan o nilampasan?
Xerun:
Taong 2008, nang sumubok akong magsulat ng aking mga kuwento. Noong una ay mahilig lamang akong magbasa hanggang sa naisip kong sumulat ng kakaibang twist o ibang bersiyon ng mga kuwentong nabasa ko.
Minsan na akong nabiktima ng isang plagiarist. Inangkin niya ang isang kuwento ko at i-pi-nost sa isang FB Page. Agad kong kinausap ang admin at ipinatanggal iyon. Hindi ko na kinausap pa ang mismong plagiarist na pinsan mismo ng admin. Ipinayo ko na lang na pagsabihan ang dalagitang iyon.
Dahil sa mga nangyari, nabuo ang konsepto ng aking ikatlo at ikaapat na published book; ang Plagiarist 1 & 2.Winfour: Bilang isang published author, ano po ang mga advantage at disadvantage ng exposure ninyo sa madla?
Xerun:
Ang advantage, syempre mas marami na ang nakakakilala/ makakakilala sa akin. Kahit paano ay magkakaroon ako ng mga tagasuporta, na makakatulong upang mas lalo ko pang pag-igihin ang pagsusulat ng mga kuwentong makakatulong sa mga mambabasa.
Kung may disadvantage man, unti-unti na ring mababawasan ang aking privacy. Sa kabila nito, sa ngayon sa palagay ko ay misteryoso pa rin ako para sa ibang mambabasa.Winfour: May pressure po ba kayong nararamdaman? Kung meron po, nakakatulong po ba ito sa moral n'yo para mas ganahan pa kayo?
Xerun:
Wala namang pressure dahil puwede kong isulat kung ano man ang gusto ko. May magbasa man o wala sa mga iyon, ang mahalaga ay naipahayag ko ang kung ano man ang ipinaloob kong aral doon.Winfour: Lahat tayo may dahilan at may goal bilang isang manunulat. Sa palagay n'yo po, ano-ano po ba ang mga dahilan na dapat alamin para maabot ang isang goal?
Xerun: Para sa akin, una mong kailangang alamin ay kung gusto mo ba talaga ang goal na iyon. Gusto mo o nasa puso mo ba ang pagsusulat? Kung oo, iyon ang magiging pundasyon mo sa unti-unting pag-abot sa goal na iyon. Syempre, dagdagan mo ng sipag at tiyaga.
Winfour: Pawer!!! Sa pagsusulat po ng akda, iba-iba man ang genre, isa ang emosyon sa pinakamahalagang sangkap, may maipapayo po ba kayo kung paano mapapanatili o paano mapalilitaw ang emosyon sa isang akda?
Xerun:
Sa pagsusulat, tila unti-unti mong binubuhay sa iyong isipan ang mga tauhan o pangyayaring bahagi ng mga kuwentong naiisip mo. Upang maisakatuparan o mapagtagumpayan mo ang pananatili o pagpapalitaw sa emosyon sa mga kuwentong iyon ay dapat mula pa sa umpisa ay alam mo na kung ano ang mga mangyayari sa buong kuwento.Winfour: Paano po ba mag-build ng isang tauhan nang maganda ang kalalabasan?
Xerun:
Ibase mo ang mga tauhang iyon sa mga taong malalapit sa 'yo. Posibleng kaibigan, kapamilya o kahit sinong tao na mabubuo sa iyong imahinasyon sa oras na mailarawan mo siya sa iyong kuwento.Winfour: Matagal na rin itong pinagtatalunan ng mga kapwa natin manunulat. Sa tingin n'yo po, paano ba ang tamang pagbibigay ng critique at ano ang tamang pagtanggap ng critique?
Xerun: Wala pa akong karanasan sa parehong aspeto.
Pero sa aking palagay, ang mahalaga sa pagbibigay ng critique ay hindi mo dudurugin ang pangarap ng taong iyon sa pamamagitan ng sinabi mo sa kanyang mga akda.
Maluwag mong tanggapin ang mga sinabi sa 'yong mga kuwento, kung pakiramdam mo ay hindi nito nasira ang iyong pangarap. Sapagkat sa makakatulong ang mga iyon upang ikaw agy maging mahusay na manunulat.Winfour: Ano po ba mas mainam? Lamang ang utak sa pagsusulat, lamang ang puso o dapat na balanse lamang? Ako kasi, may time kasi na kapag nagsusulat ako e puro puso lang ang ginagamit ko, minsan naman puro utak, mahirap po kasi minsan balansehen.
Xerun: Para sa akin, dapat balanse lamang ang paggamit sa puso o utak sa pagsusulat sapagkat depende sa genre ng iyong kuwento kung ano ang karapat-dapat na lumamang.
May mga kuwentong puro 'puso' pero lumalabas pa ring maganda dahil sa ilang sangkap ng 'utak'. Ganoon din sa ilang kuwentong hitik sa 'utak' pero mapapaiyak ka pa rin dahil sa sangkap nitong 'puso'.Winfour: Kung meron ka pong tatlong kahilingan para sa Philippine Literature, ano po ang mga iyon?
Xerun:
Una, sana mas marami pang magsulat nang sa gayon ay magpatuloy ang ating literatura hanggang sa mga susunod na siglo.
Ikalawa, magkaroon ng angkop at katanggap-tanggap na karapatan ang mga manunulat para sa kanilang mga akda kahit pa ipinagkatiwala na nila sa mga publisher ang pagsasalimbag ng mga iyon.
Ikatlo, sana wala ng manunulat na hihila pababa sa isang manunulat na sa tingin niya ay mas angat sa kanya. Pareho lamang silang may mga pangarap kaya dapat na magtulungan pang abutin ang mga iyon.Winfour: Ano po ba ang maipapayo ninyo para sa mga manunulat na unti-unti nang nagkakaroon ng duda sa kakayahan nila bilang isang manunulat? Kahit ako, nararamdaman ko rin ito minsan.
Xerun:
Magpahinga ka muna kung pinanghihinaan ka na ng loob na ipagpatuloy ang iyong pagsusulat. Kung pangarap mo talaga ang maging isang ganap at kilalang manunulat, babalik-babalikan mo iyon. Muli kang magpatuloy at gawing gabay ang mga nangyari noong pansamantala kang nagpahinga. Sigurado akong mas magiging masaya ka na sa mga panahong iyon.
Nangyari na rin ito sa akin kaya hanggang ngayon ay patuloy akong nagsusulat kahit pa minsan ay walang nagbabasa ng aking mga kuwento. Alam kong darating din ang panahong may mga mambabasang maglalaan ng kanilang mga oras para sa mga iyon.Winfour: Panghuli po, ano-ano po ang dapat taglayin ng isang manunulat na may pangarap?
Xerun: Kung pangarap mo na maging isang manunulat na magkikintal ng mga aral sa puso't isipan ng mga mambabasa, kailangang maging matatag ka. Gawin mong gabay ang mga matututunan mo habang tinatahak mo ang iyong pangarap.
Winfour: Salamat po sa pagpapaunlak!!! Batid kong may makukuhang aral ang mga makakabasa nito. May nais po ba kayong i-promote? Libre lang po basta penge wanhandred. Haha.
Xerun: Maraming salamat din sa interview, Winfour. Ipagpatuloy mo lamang ang pagsusulat dahil makakamit mo rin ang iyong mga pangarap.
Available pa rin sa mga bookstore ang aking mga published books na Kuwentong Barubal Volume 2 at Plagiarist Book 1 & 2.
Malapit na ring mailathala ang aking I Know Who Killed Me Trilogy under LIB DARK. Sana suportahan n'yo pa rin ang mga iyon.***
PAWER!

BINABASA MO ANG
P A W E R
RandomMga pinagsama-samang reaksyon at opinyon ng mga kilala at hindi kilalang manunulat.