DAHAN-DAHAN siyang pumikit. Hinintay niyang lumapat sa mga labi niya ang mga labi ng lalaking pinakamamahal niya, ang lalaking kay tagal niyang hinintay at muling nagpatibok sa puso niya. Naram-daman niya sa init ng halik nito ang pagmamahal sa kanya. Ano pa nga ba ang mahihiling niya? Naglandas na ang mga luha sa kanyang mga mata. Tears of joy, as they called it.
"I love you, Allie," masuyong sabi nito.
Ilang saglit pa silang nagsalo sa halik bago niya naramdaman na unti-unting lumayo ang mga labi nito sa mga labi niya. Ngumiti siya at dahan-dahang dumilat para makita niya ang mukha nito. Nginitian siya nito...
"Rosalie! Rosalie! Hoy, bakla! Gumising ka na diyan!"
Napabalikwas siya ng bangon. Parang ang boses ng kaibigan niyang si Rolando dela Rosa o mas kilala sa tawag na "Olay" ang naririnig niya. Naiinis na nagkamot siya ng ulo. Bitin na naman kasi ang panaginip niya. Makailang beses na niyang napapanaginipan ang tagpong iyon mula nang lumipat siya sa bagong apartment niya isang linggo na ang nakalilipas. Nabaling ang atensiyon niya sa pinto nang marinig niya ang malakas na pagkatok doon ni Olay.
"Allie!"
"Oo na! Nariyan na!" sabi niya at saka siya dali-daling bumaba ng kama. Binuksan niya ang pinto at bumungad sa kanya ang isang nakapamaywang na bading.
"Hay, naku, bakla! Forty-eight years bago ka nagising," reklamo nito.
"Tse! Ikaw pa ang may ganang magreklamo, ikaw nga itong nang-iistorbo."
"Excuse me," paingos na sabi nito. "For your information, tanghali na, nakahiga ka pa rin."
Awtomatikong napatingin siya sa wall clock. Alas-diyes na ng umaga. Napasarap pala ang tulog niya. Naalala uli niya ang lalaki sa panaginip niya. Hindi malinaw sa panaginip niya ang mukha nito pero naramdaman niya ang init ng halik nito. Napangiti siya at napahawak sa kanyang mga labi. Iyon na yata ang pinakamatamis na halik na naranasan niya kahit sabihin pang panaginip lang iyon.
"Ay, 'ayan na... Ngumingiti ka na naman diyan nang mag-isa. Ano'ng meron?" usisa nito.
"Remember iyong ikinukuwento kong panaginip sa 'yo?"
"Yes. What about it?"
"Napanaginipan ko uli kanina 'yong lalaki. The same scenario, girl. I felt his lips. Pero blurred pa rin ang face niya."
"Ay, ang chaka naman ng panaginip mo. Ayaw pa ring magpakilala ni Mr. Dream Boy. Baka naman siya na ang future husband mo."
Natigilan siya sa huling sinabi nito. Nakaramdam siya ng pamilyar na kirot sa kanyang puso. Biglang namasa ang mga mata niya. Napansin yata iyon ng kaibigan niya.
"Ay, sorry, Allie," hinging-paumanhin nito.
BINABASA MO ANG
The Tanangco Boys Series 1: Darrel James Luciano
RomanceNang dahil sa naudlot na kasal ni Allie ay mas pinili niyang lumayo. Sa tulong ng matalik niyang kaibigan ay natagpuan niya ang katahimikang hinahanap niya at unti-unti ay nakalimutan niya ang masaklap na kapalaran sa buhay pag-ibig. Pero ginulo na...