CHAPTER TWO

9.7K 216 7
                                    

NGALINGALING irapan ni Allie ang mga lalaking nakatingin sa kanya. Ano ba ang problema ng mga lalaking ito at parang nakakita ng aparisyon pagdating niya? Nagsisimula na tuloy siyang mainis. Hindi naman siguro siya mukhang taong-grasa. In fact, katatapos lang niyang maligo bago lumabas ng apartment. Buong umaga siyang nag-ayos doon kaya hindi na niya nabigyan ng oras ang pagluluto ng tanghalian. Nang makaramdam siya ng gutom ay niyaya niya si Olay na kumain sa Rio's Finest.


"Hoy, mga fafa! Huwag ninyong titigan ang friend ko at baka matunaw 'yan!" sabi ni Olay.


Noon lang tila natauhan sa pagkakatulala ang mga lalaki. Ang ilan sa mga ito ay halos sabay-sabay na nagtayuan at nag-uunahan pang lumapit sa kanila. Tatlo sa mga ito ang naiwan sa mesa at nakamasid lamang. Ang isa sa tatlong nakaupo ang nakakuha ng atensiyon niya. Ito na yata ang pinakaguwapo sa grupong iyon. He had the most expressive pair of eyes she'd ever seen in her life. Nakatingin din ito sa kanya. Kahit gusto na niyang alisin ang tingin dito ay tila hinihipnotismo siya ng mga mata nito.


"Olay, baka gusto mo kaming ipakilala sa kasama mo."


"Hay, naku, umarya na naman ang pagiging playboy mo, Victor," mataray na sabi ni Olay.


Hindi inintindi ng tinawag na "Victor" ang sinabi ni Olay. Binalingan siya nito at nginitian nang pagkatamis-tamis. Inilahad pa nito ang isang kamay sa kanya, saka ito nagpakilala. Medyo pamilyar sa kanya ang mukha nito. "Hi. I'm Victor Pineda."


Bago pa niya matanggap ang nakalahad na kamay nito ay may ibang kamay na umabot sa kamay niya.


"Miss, huwag kang masyadong dumikit diyan. Marami na 'yang pinaiyak na babae. By the way, I'm Ken."


"Hi," bati niya rito at saka uli niya binalingan si Victor. "Hindi ba ikaw 'yong model?" tanong niya.


"Yes. I'm glad you recognized me," sabi nito at saka siya nginitian. "And Ken, remind me later na irereklamo kita sa barangay dahil sa kasong paninirang-puri."


Sinita ang mga ito ng isa pa sa grupo. "Ang ingay n'yong dalawa. Baka gusto ninyong doblehin ko ang service charge n'yo." Nilingon siya nito. "Ako nga pala si Vanni, and I own this cute and cozy restaurant."


"Yeah, he owns it. Pero kuripot 'yan. I'm Dingdong," pakilala sa kanya ng isa pang lalaki.


"Hoy, teka, huwag n'yo namang takutin si Miss... Ano nga uli ang name mo?" tanong ng matangkad na guwapong lalaki na may hawak na sketchbook.


"Rosalie," sagot niya rito. "But you can me 'Allie.'"


"Nice name. Allie. I'm Jared. I'm a painter. Have you seen my latest paintings?" tanong nito habang nakangiti at nakatingin sa kanya.


"Jared, she's not asking you about your paintings," pambabara dito ng may hawak na professional camera. At saka ito nagpakilala sa kanya. "I'm Humphrey. I'm a photographer."

The Tanangco Boys Series 1:  Darrel James LucianoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon