HINDI naiwasan ni Allie na makaramdam ng kalungkutan. Mahigit isang buwan na siyang naghahanap ng trabaho ay wala pa ring tumatawag sa kanya para sabihing natanggap siya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon dahil maganda naman ang work experience at credentials niya. Napabuntong-hininga siya. Paubos na ang savings niya. She needed to find a job as soon as possible.
"O, bakit nakabusangot ka riyan?" tanong sa kanya ni Olay. Naroon sila sa bakuran ng apartment niya at nakaupo sa silyang yari sa kawayan. Alas-kuwatro na ng hapon at nagme-merienda sila.
"Paano ba naman ako hindi sisimangot? Kahit isa sa mga in-apply-an ko, wala man lang tumawag kahit isa. Paubos na ang savings ko, girl. Ano'ng gagawin ko?" mangiyak-ngiyak na sabi niya.
"Don't lose hope, Allie. Ano'ng malay mo, biglang may tumawag sa 'yo this week."
"Sana nga, Olay. Sana nga." Bigla siyang nainis. Hindi niya mararanasan ang ganoong hirap kung hindi dahil sa talipandas niyang ex-fiancé. Kung naging honest lang sana ito sa kanya sa una pa lang, sana ay hindi sila umabot sa hiwalayan. O kung naghiwalay man sila ay baka mas madali niya iyong natanggap. Baka hindi siya nasaktan nang sobra-sobra. Idagdag pa ang kahihiyang inani niya dahil sa pagiging makasarili nito.
"Kung bakit ba kasi ako na nga ang niloko at napahiya, ako pa ngayon ang minamalas sa paghahanap ng trabaho? Napaka-unfair naman talaga!" patuloy na paghihimutok niya. Bigla ay tumulo ang mga luha niya. "Nakakainis!"
"Hay, naku, girl, huwag ka nang umiyak diyan. Pasasaan ba't magiging okay rin ang lahat. Just wait," pag-aalo sa kanya ni Olay. "Teka nga pala, kumusta na 'yong mysterious fafa sa panaginip mo?" pag-iiba nito sa usapan.
Pinahid niya ang mga luha sa mga pisngi niya. "'Ayun, wala pa rin siyang mukha."
"Grabe naman 'yan. Medyo matagal mo na rin siyang nakaka-date sa panaginip mo, ha? Until now, wala ka pa ring idea kung ano ang hitsura niya?"
"Ewan ko nga ba. Kahit ako, palaisipan sa akin kung sino ba talaga 'yon."
"Hindi kaya si Darrel 'yon?" panghuhula nito.
"Paano naman mangyayari 'yon?" diskumpiyadong tanong niya. Pero pilit na inisip niya kung si Darrel nga ba ang lalaki sa panaginip niya. Sumakit lang ang ulo niya dahil hindi talaga naging malinaw ang mukha ng lalaki. "Hindi, eh. Ewan ko. Malabo pa rin."
"Speaking of Mr. Dream Boy... Look who's coming," ani Olay. Inginuso nito ang gate.
Lumingon siya roon at nakita niya ang isang grupo ng mga lalaki na pawang nakasuot ng basketball jersey. By the looks of it, mukhang sa basketball court ang tungo ng mga ito. The ever-handsome Tanangco Boys who all looked so gorgeous in their jerseys and rubber shoes. Ngunit sa isa lang napako ang mga mata niya—kay Darrel. Naroon uli ang kakaibang pagkabog ng dibdib niya.
"Hi, Allie," bati nito sa kanya.
"Hello," ganting-bati niya rito.
"Wow! Talagang special mention ka pa, ha?" panunudyo sa kanya ni Olay. "Ano ba talaga ang score sa inyong dalawa ni Darrel? Marami ang nakakakita sa inyo na madalas kayong magkasama. Nanliligaw ba siya sa 'yo?"
"Gaga! Hindi, 'no," depensa niya. "Lagi lang talagang natitiyempo na nagkakasalubong kami o aksidenteng nagkikita somewhere. Mabait lang talaga 'yong tao."
"Weh! 'Di nga? 'Yong totoo?"
"Bahala ka kung ayaw mong maniwala."
BINABASA MO ANG
The Tanangco Boys Series 1: Darrel James Luciano
RomanceNang dahil sa naudlot na kasal ni Allie ay mas pinili niyang lumayo. Sa tulong ng matalik niyang kaibigan ay natagpuan niya ang katahimikang hinahanap niya at unti-unti ay nakalimutan niya ang masaklap na kapalaran sa buhay pag-ibig. Pero ginulo na...