DAIG pa ni Allie ang tinamaan ng kidlat. Hindi siya maaaring magkamali, si Darrel ang sumagot sa tanong ni Jared. Matagal man niyang hindi narinig ang boses nito, kailanman ay hindi niya iyon maipagkakamali sa iba. She would never forget his deep, soft, baritone voice. Naging abnormal ang tibok ng kanyang puso. Parang binuhusan siya ng isang baldeng malamig na tubig. Hindi siya makagalaw sa kinauupuan niya. Mabuti na lamang at nakatalikod siya. Kahit paano ay hindi nito nakikita kung ano ang hitsura niya. Parang nanuyo ang lalamunan niya kaya inisang-lagok niya ang natitirang beer sa baso niya. Pero hindi iyon nakatulong para may lumabas na boses mula sa kanya.
Patakbong sinalubong si Darrel ng mga kaibigan nila, maliban kay Roy na kanina pa tahimik sa isang tabi.
"Pare, kumusta na? Bakit ngayon ka lang nagpakita?" tanong ni Vanni.
Hinintay niyang sumagot si Darrel pero wala siyang narinig. "Olay, uuwi na muna ako," paalam niya. Hindi na niya hinintay ang sagot nito. Tumayo na siya at nakayukong naglakad. Hindi na rin siya nag-abalang tingnan ang mga ito dahil natatakot siya sa maaaring maging reaksiyon niya. Baka lundagin na lang niya ng yakap si Darrel. Ayaw niyang mapahiya uli kaya mas mabuting siya na ang umiwas. Isa pa ay ayaw niyang umiyak sa harap nito at sa harap ng mga kaibigan niya.
Paglabas niya ng gate ay saka bumagsak ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Parang may puwersang humihila sa kanya na bumalik at kausapin si Darrel. Nilabanan niya iyon. Hanggang sa may narinig siyang sigaw mula sa pinanggalingan niya. Napatakbo na siya pabalik. Naabutan niyang nakalugmok sa lupa si Darrel at may bahid ng dugo ang gilid ng mga labi nito. Sina Victor at Jared naman ay hawak si Roy na parang pinipigilan ito.
"Ano'ng nangyayari dito?" tanong niya.
Nagpumiglas si Roy. Nang makakawala ay pinagpag pa nito ang isang kamay. "Wala naman. Ginising ko lang ang sira-ulo kong kaibigan," kaswal na sagot nito at saka nito minura si Darrel. "'Langya, pare! Ang tigas ng panga mo, ah! Ang sakit!"
Tinulungan ni Vanni na tumayo si Darrel. Ngumisi ito at parang walang nangyaring tinapik si Roy. Nagkatawanan na ang lahat maliban sa kanya. She decided to leave. Sa tingin niya ay wala na siyang papel doon. Hindi siya ang binalikan ni Darrel kundi ang mga kaibigan nito. Muli ay nakalabas na siya ng bakuran ng bahay ni Olay. Her tears started to fall. Again. Masakit mang tanggapin pero parang wala na siyang puwang sa puso ng nobyo niya.
Lord, ang sakit naman nito! aniyang patuloy pa rin ang pagtulo ng mga luha.
"Allie!"
Napahinto siya sa paglalakad nang marinig ang pagtawag sa kanya ni Darrel pero nanatili siyang nakatalikod.
"Let's talk," pakiusap nito.
She could smell his scent kaya alam niyang nasa likuran na niya ito. She wiped her tears away. "Is there anything else to talk about? Hindi ba wala na? O baka may nakalimutan ka pang sabihin sa akin?"
"I'm sorry," sinserong sabi nito.
"For what?"
"For running away from you. For not accepting things. For being so foolish. For acting like a jerk. And for hurting you so badly."
Napapikit siya. Doon na tuluyang kumawala ang lahat ng kinikimkim niyang emosyon. Tinakpan niya ng mga kamay ang kanyang mukha at saka siya humagulhol ng iyak. Kay tagal niyang hinintay ang pagkakataong iyon. Pero hindi niya alam kung ano ang dapat niyang isipin at gawin.
Hinawakan nito ang magkabilang balikat niya at saka siya pinihit paharap dito. "I was damn hurt after everything. Naging questionable ang lahat sa akin. Pakiramdam ko ay walang totoo sa lahat ng ipinakita mo sa akin. I'm sorry kung naniwala agad ako sa mga sinabi ng gagong ex mo. Hindi man lang kita hinayaang magpaliwanag. Hindi ko agad naisip na kailangan ko ring pakinggan ang side mo. Instead, iniwan kita sa Baguio at hindi na binalikan. I went back to Manila. I was so hurt to the extent na hindi ko na naisip na baka ikaw rin ay nasasaktan sa mga nangyari."
BINABASA MO ANG
The Tanangco Boys Series 1: Darrel James Luciano
RomanceNang dahil sa naudlot na kasal ni Allie ay mas pinili niyang lumayo. Sa tulong ng matalik niyang kaibigan ay natagpuan niya ang katahimikang hinahanap niya at unti-unti ay nakalimutan niya ang masaklap na kapalaran sa buhay pag-ibig. Pero ginulo na...