CHAPTER THREE

8.2K 176 1
                                    

ALLIE could feel the positive energy in her veins. Maganda ang gising niya. Napanaginipan kasi uli niya ang misteryosong lalaking iyon. Ang higit na ipinagtataka niya ay kung bakit iisang scenario ang laging lumalabas sa panaginip niya. Hindi pa rin malinaw kahit na ang mukha niyon. Sino kaya ang lalaking iyon?


Sumulyap siya sa wall clock. Alas-nuwebe na pala ng umaga kaya medyo kumakalam na ang sikmura niya. At dahil wala siya sa mood na magluto, nagpasya siyang doon na lang kumain sa Rio's Finest. Habang naglalakad siya patungo sa kanto ng Tanangco ay may nadaanan siyang nagbebenta ng diyaryo. Bumili siya ng isang broadsheet. Kailangan niya iyon para sa pag-a-apply niya ng trabaho.


Pagdating niya sa Rio's Finest ay sinalubong siya ng masiglang pagbati ng mga crew. Hindi na rin siya nagtaka nang banggitin ng mga ito ang pangalan niya. Nakilala na rin siya ng mga ito dahil naging kaibigan na niya ang amo ng mga ito, bukod pa sa madalas siyang kumain doon dahil masarap ang mga pagkain na si Vanni mismo ang nagluluto.


"Good morning, Miss Allie! Ano po ang order n'yo?" tanong ng isang crew sa counter paglapit niya roon.


"One cup of black coffee and one blueberry muffin," sagot niya.


"Okay, Ma'am." Sinabi nito ang presyo ng mga in-order niya.


Pagkatapos niyang magbayad ay umupo na siya sa isang bakanteng mesa at doon sinimulan ang pagbabasa ng diyaryo. Abala siya sa pagbabasa nang may narinig siyang tumawag sa pangalan niya. Mula sa diyaryo ay nagtaas siya ng mukha. Nagtama ang tingin nila ni Jared. Kataka-takang hindi nito dala ang sketchbook nito na laging bitbit nito.


"Magandang umaga, Allie."


"Magandang umaga rin," ganting-bati niya. "Kumusta na?"


"Ayos lang. Job hunting?" tanong nito, sabay turo sa diyaryo na nakabukas sa classified ads section.


"Ha? Ah... Oo, eh. Kailangan ko nang makahanap ng work."


"Okay," tumatangu-tangong sabi nito. "Good luck. Sige, o-order na ako."


"Thanks."


Iyon lang at tumalikod na ito. Siya naman ay ipinag-patuloy ang ginagawa. Hindi niya naiwasang mapangiti tuwing nakakakita siya ng ad na tumutugma sa mga qualifications niya. Binibilugan agad niya iyon gamit ang dala niyang red ball pen. Naputol uli ang pagbabasa niya nang i-serve na ang mga in-order niya. Ibinaba niya ang ball pen at hinawakan ang tasa ng kape. Akmang iinom na siya nang biglang may tumawag sa kanya.


"Ay, kamote!" aniyang gulat na gulat. Sa sobrang pagkabigla ay muntikan na siyang matapunan ng kape. Bago pa siya mabuhusan ng kape ay ibinaba na niya sa mesa ang tasa.


"Oh, God! I'm sorry! Napaso ka ba?"


Natigilan siya. That voice... Isa lang ang kilala niyang nagmamay-ari niyon. Dahan-dahan siyang nagtaas ng tingin. Kumabog ang dibdib niya nang makita niya si Darrel at nagtama ang mga mata nila.

The Tanangco Boys Series 1:  Darrel James LucianoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon