CHAPTER FOUR
HINDI alam ni Odessa ang sasabihin isang araw na sorpresa niyang pinuntahan si Colin sa bahay nito.
Nakita niya ang address nito sa ID nito kaya alam niya. Gusto sana niyang dalawin ang mama nitong may cancer na tanging kasama nito sa bahay.
Hindi niya inaasahan ang nakita niya. Napakaliit ng bahay nina Colin. Wala iyong itaas at tila gawa lang iyon sa plywood. May malaking butas ang bahay na nagsilbing bintana, tinakpan lang ng tarpaulin na nangangampanyang kandidato. Kinakalawang na ang mababang yerong bubong at dahil bukas ang pinto ay natatanaw niyang hindi sementado ang loob.
"Colin..."
Sumilip siya sa loob ng bahay. Nandoon si Colin, nakaupo sa katre, minamasahe ang paa ng isang payat na payat na babae na tingin niya ay nanay nito. Nag-angat ito ng tingin at namilog ang mga mata nang makita siya.
"Odessa... bakit..." Wala itong nasabi.
"Dumadalaw lang ako," sabi ni Odessa, ngumiti. "Puwede bang pumasok?"
Parang doon naman natauhan si Colin. "Sige, pasok ka," sabi niya. Parang hindi malaman ng lalaki ang gagawin. Kumuha ito ng isang monoblock chair sa mesa malapit lang sa kama, kinuha ang bimpong nakasuksok sa short nito at pinagpag iyon.
Pumasok si Odessa. Kinailangan niyang yumuko dahil masyadong mababa ang bubong.
"Hindi ka naman nagpasabi na pupunta ka," sabi ni Colin, hindi tumitingin sa kanya, panay lang ang pagpagpag sa silya.
"Colin, ano, hindi mo naman kailangang pagpagin--"
"Pasensiya na madumi ang bahay," biglang sabi ng payat na babae, ang mama ni Colin. Nakatingin sa kanya ang tila wala ng buhay na mga mata nito. Pilit itong ngumiti. "Hindi na ako makalinis."
Ang tinig ng nanay ni Colin ay kakaiba, parang tuyot na tuyot ang lalamunan nito at para itong pinaparusahan niyon.
"Wala po 'yon," sabi ni Odessa. "Hindi naman po talaga ako nagpasabi, eh."
Hindi nagsasalita si Colin, pinupunasan na nito ang silya.
"Colin," sabi ni Odessa. Hinawakan niya ang kamay nito para tumigil ito sa ginagawa. Napatingin ito sa kanya at tila nahihiyang naglayo agad ng tingin.
"Marumi kasi," he said.
Hindi na lang nagsalita si Odessa. Umupo na lang siya sa silya. "Pasensya na hindi ako nagpasabi."
Tumango na lang si Colin, bago umupo. Nakasuot ang lalaki ng puting sando at itim na shorts. Gustong hangaan ni Odessa ang ganda ng katawan ng lalaki, pero mas natuon ang atensyon niya sa hiyang nakita niya sa mga mata nito.
"Pasensya na talaga sa bahay namin," sabi ni Colin, hindi makatingin sa kanya.
Hindi na sumagot si Odessa.
"Kagustuhan ka ba ng anak ko?" biglang tanong ng mama ni Colin.
Odessa assumed that "kagustuhan" means girlfriend. Nag-init ang magkabila niyang pisngi. "Ay, hindi po," sabi niya. "Kaibigan po n'ya 'ko."
Tumango-tango naman ang mama ni Colin. "Ano ba'ng pangalan mo?"
"Odessa po."
"Odessa," sabi ng mama ni Colin, nadagdagan ang sigla sa tinig. "Ikaw si Odessa?"
Alanganin siyang tumango at ngumiti.
"Ikaw 'yong laging kinukuwento nitong anak ko--"
"Ma--" tangkang pagpigil ni Colin sa ina nito.
YOU ARE READING
Shattered
General FictionIsang grupo ng mga rebeldeng sundalo ang bigla na lang pumasok sa isang mall at nagsimulang mamaril. They also took several hostages. Si Conrad Keith, ang isa sa mga sundalo, ay may limang hostage. Odessa, na pinagtaksilan ng boyfriend niyang si Col...