Chapter 2: Hustle Rush

259 28 3
                                    



"Anong plano mo?" tanong ni Attorney Rojo habang nakaupo sa malambot na sofa at nakatitig lamang sa binata. Nakatayo lamang si Rush sa harap ng isang salamin na pader, kita niya ang buong syudad sa kanyang harapan dahil sa taas ng palapag na kanyang tinutungtungan.


"Huwag mong sabihin na wala kang gagawin tungkol sa nangyari? Hindi matutuwa ang kuya mo," dagdag niya.


"Noong nawala sila mama at papa dahil sa nangyari, tatlong taon na ang nakakaraan, sinabi ko kay kuya na gagawa ako ng paraan. Ginawa ko nga. Walang mga pulis, walang otoridad. Ako lang ang gumawa ng paraan. Hindi ako pinayagan ni kuya. Naiintindihan ko naman. Magkaiba talaga kami. Kaya kinailangan kong mawala, taon ang binilang. Nagtago ako, pero sinigurado ko na hindi na makakaulit ang mga taong iyon. Pinagbayad ko sila ng malaki," kwento ni Rush. Tumingin siya sa mga mata ni Attorney Rojo. Tila kinakabahan naman ang attorney dahil sa kanyang narinig.


"Gusto ni kuya na kumilos ako sa paraang malinis, sa paraang legal. Pero hindi ako ganoon, mas gusto kong nakikita silang nagsisisi at nahihirapan," dagdag ng binata.


"Kaya uulitin mo ang ginawa mo? Sa pagkakataon ngayon hindi na para sa mga magulang niyo? Para sa kuya mo na?" tanong ng attorney. Ngumiti naman si Rush at tila nagliwanag ang kanyang mukha.


"Hindi. Tinalikuran ko na 'yon. Sa pagkakataong 'to iba naman," sagot niya. Naglakad siya patungo sa isang mesa kung saan nakapatong ang isang bote ng scotch, nagsalin siya sa isang maliit na baso at uminom nang kaunti.


"Hindi porket nawala ako ay hindi ko na alam kung ano ang nangyayari kay kuya. Siya na lang ang nag-iisa kong pamilya, kahit anong mangyari ay gagawa ako ng paraan para mabantayan siya," sambit niya. Kinuha niya ang isang remote, pumindot ng boton at nagliwanag naman ang buong kwarto dahil sa pagbukas ng malaking LED screen.


"'Yan ang mga nakalagay sa emails niya. Mga ilang death threat, pag-ipit ng mga casino at resort sa pera niya. Checking ng assets and liabilities na wala sa schedule, pagkwestyon ng korte sa ownership ng ilang casino," wika ni Rush. Ang lahat ng iyon ay makikita sa screen sa kanilang harapan. Nagulat naman si Attorney Rojo sa kanyang mga nakikita. Miski siya ay walang alam tungkol dito.


"At ano ang mapapala ng mga nasa taas kapag nawala na ang kuya ko?" tanong ni Rush.


Muli siyang pumindot sa boton ng remote. Lumabas naman ang ilang video ng mga balita kung saan pinalitan ng ilang mga casino ang ownership nito na minsan nang pinamahalaan ng kanyang kapatid bago pa siya mamatay. Ang ilang mga resort naman ay nagpalit din ng pamamahala. Nakangiti pa ang iilan sa mga ito habang nakikipagamay sa mga matataas na opisyal. Napabuntong hininga na lamang si Attorney Rojo bago umiling.


"Hindi mo rin ba 'yan alam?" tanong ni Rush.


"Alam ko. Pero hindi ko akalain na magagawa nila ito. Ang kuya mo ang nagtayo ng mga casino na 'yan sa Pasay. Siya ang tumulong sa mga taong iyan para magkaroon sila ng puwesto..."


"Pero sinaksak nila sa likod ang kapatid ko. Trinaydor nila. Tama ba?" Hindi agad nakasagot si Attorney Rojo. Pinapanood niya lamang ang video. Napatayo na lamang siya nang hindi na kayanin ang pinapanood.

The HeistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon