Chapter 6: Diamond Heist

252 18 10
                                    

"Ano bang plano?" tanong ni Miss Amanda. Kinuha ang yosi mula sa kanyang coat at sinubukan iyong sindihan ngunit kinuha agad ni Harry ang lighter mula sa kanya.


"Hey!"


"Sinabi nang masama 'yan sa bata," wika naman ni Harry.


Ngumiti lamang si Rush ngunit napatingin sa labas nang makita ang ilang mga pulis na pawang mga nakauniporme na dumarating. Hinaharang sila ng mga tao nang pasimple, maging ng mga staff ng kanyang cafe sa mataas na gusaling iyon na pagmamay-ari ng kanyang kapatid. Agad niyang sinara ang monitor at muling binuksan ang ilaw sa loob ng cafe.


"Hindi siguro ito ang tamang lugar," wika ni Rush. 


Tumango siya, tila nag-aanyaya na siya'y sundan. Agad namang hinila ni Rush ang isang gripo sa may cashier. Mukha lamang iyong gripo ngunit isa iyong switch para bumukas ang salamin na likod na parte ng cafe. Bumukas iyon nang kaunti at muling tumango si Rush habang nakangiti. Tumayo naman ang lima at pumasok sa loob ng lihim na pinto. Sinara ni Rush ang pinto nang sila ay makapasok na. Nagpaiwan siya sa cashier at umarte na parang walang nangyari. Saka lamang pumasok ang staff ng cafe at ang mga tao ay kumilos na para bang walang kamuwang-muwang. Muling nagkaroon ng musika sa loob at naglakad naman sa isang mesa si Rush at umasta na isang customer.


"Pasensiya na po sir. Naglinis lang kami ng kaunti kaya lumabas muna ang mga customer," paliwanag ng isang staff habang nakangiti.


Kinuha ni Rush ang isang dyaryo sa isang estante sa tabi ng kanyang mesa at astang nagbasa, nagmasid at tiningnan ang mga tao sa paligid na unti-unti ring nagsisiupuan, tumatawa at nagkukuwentuhan na tila ba walang nangyari. Doon niya na lamang napansin ang isang lalaki na patingin-tingin din sa paligid. Nakasuot siya ng isang jacket na humahaba hanggang sa kanyang hita. Matalas ang kanyang pagkakatingin sa paligid. Napansin niya marahil ang mga kape na kanina pa naroroon sa mesa ng mga customer. Iniisip na kung nagkaroon nga ng paglilinis sa lugar na iyon ay dapat wala na ang mga baso at ilang plato sa ibabaw ng kanilang mga mesa.


"Sir may kailangan po ba kayo?" tanong ng isa pang lalaking staff habang hawak sa kanyang kamay ang isang tray. Inilabas naman ng lalaking iyon ang kanyang ID na nakadikit pa sa kanyang wallet.


"Senior Investigator Ronald Karingal, CIDG," sambit niya sabay tago ng wallet sa bulsa.


"M-May problema po ba sir?"


"Gusto lang namin makausap ang may-ari ng buiding. Regarding sa case ni Mr. Ernesto Dela Tore," sambit niya.


"Ah pasensya na po. Pero wala po dito si Atty. Rojo eh," paliwanag niya.


Matalas ang pagkakatingin ni Rush sa imbestigador na iyon. Binaba niya nang bahagya ang dyaryo sa kanyang mukha at uminom ng kape. Napansin naman iyon ng imbestigador. Naningkit ang kanyang mga mata habang nakatingin kay Rush ngunit umakto lamang ang binata ng normal at tumingin pa sa labas at muling nagbasa ng dyaryo.


"Sinubukan nyo po ba siyang kontakin? Medyo mahirap po kasing habulin ang schedule ni attorney. Kailangan niyo pa pong gumawa ng appointment para lang makausap siya," paliwanag ng staff.

The HeistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon