Chapter 7: 6 of Diamonds - Part 1

235 16 10
                                    

"Attorney Rojo, Attorney Sebastian Rojo?" wika ni Senior Investigator Ronald Karingal. Kasalukuyan siyang tumatawag mula sa kanyang cellphone sa labas ng kanilang opisina.


"Yes speaking, sino 'to?" sagot naman ni Attorney Rojo mula sa kabilang linya.


"Pasensya na po sa abala sir. Tama po ba yung oras ng pagtawag ko?" tanong ng imbestigador.


"A-ah oo ayos lang. Nabalitaan ko nga na pumunta ka sa De Louvre Tower. Hindi yata tayo nagpang-abot kasi bago ka dumating ay ang araw naman ng flight ko. Na'ndito ako ngayon sa Cebu para sa mga meeting eh...ano ba ang atin?" wika ni Attorney Rojo. Napakapit naman siya sa kanyang panyo at pinahiran ang kanyang noo. Tila kinakabahan siya ngunit kinailangan niyang kumalma kundi ay mahahalata ang panginginig ng kanyang boses.


"Binuksan namin ulit ang kaso ni Ernesto dela tore, ang client niyo. Ako rin kasi ang nanguna sa pag-apila. May mga nakita kasi akong mga iregularidad. Hindi ko alam kung sobra na ang pagiging abala ko sa inyo pero...maaari po bang magtanong ng ilang impormasyon?" tanong ng imbestigador.


"A-ah oo wala namang problema. Bakit ano ba 'yon?"


"Alam ko pong medyo pribado ang last will and testament ni Mr. Dela Tore. Pero gusto ko lang din naman malaman ang ilang impomasyon na nakapaloob doon. Puwede niyo rin naman pong hindi sabihin, kung 'yon ang gusto niyo...para na rin sa ikatatahimik niya," wika ni Senior Investigator Karingal.


"Gaya ng sinabi ko rin noon. Wala na siyang kamag-anak, ang kapatid niya ay nawawala tatlong taon na ang nakakaraan. Ang last will niya...nakasulat doon na ang lahat ng mana ay mapupunta sa kanya. 'yon ay kung buhay pa nga ba siya," sagot ni Attorney Rojo. Napalunok siya ng kaunting laway at tila napangiwi at napapikit sa kanyang sinabi. Naningkit naman ang mga mata ng imbestigador at naglakad ng kaunti.


"Hangga't hindi pa dumarating ang kapatid niya, nasa akin ang pangangalaga ng lahat. Lahat ng natirang business niya ay sa akin nakapangalan," dagdag ni Attorney. Muli siyang napalunok ng laway at pinahid ang nagbubutil nang pawis sa kanyang noo. Sumenyas din siya sa waiter ng restaurant kung saan sya naroon na kung pwede ay dalhan siya ng iced tea.


"Ah ganoon po ba? Sige po naiintindihan ko po. Kung hindi niyo po mamasamain. Puwede po bang humingi ng kopya ng last will and testament niya?"


"Walang problema. Sige ipapadala ko sa'yo ngayong araw din," sagot ni Attorney Rojo.


"Sige po. Maraming salamat po Attorney. Makakaasa po kayo na ngayon...uusad na ang kaso ni Mr. Dela Tore. Salamat po sa pakikipagtulungan."


"Walang problema 'yon. Eh...alam mo na, isang taon na rin ang nakalipas. Siguro kung buhay pa siya...napatawad na niya ang mga taong gumawa noon sa kanya," may kalungkutang tono ni Attorney Rojo.


"Pero hindi pa rin natin puwedeng hayaan na pagala-gala ang mga taong gumawa noon sa kanya, Attorney. Hindi pa rin kami titigil, maraming salamat po," huling sambit ni Senior Inspector Ronald Karingal bago ibaba ang tawag.


Napatulala na lamang siya sa kawalan habang nagsasalubong ang mga kilay. Napailing siya at naglakad na lamang palayo. Sa kabilang linya naman, si Attorney Rojo ay halos kainin na ang yelo ng iced tea na kaka-serve lamang sa kanya. Napatitig siya sa mga numero sa kakatawag lamang na kausap bago i-save ang number nito.

The HeistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon