Chapter 4: Roll the Dice

247 20 11
                                    



Suot ng isang babae na may mahaba at itim na buhok ang isang puting sando na napapatungan ng itim ngunit maikling jacket, kita sa kanya ang magandang hugis at umbok ng kanyang dibdib. Ang kanyang buhok ay nakatali sa likod. Kita naman sa parte ng kanyang balikat ang dragon na tattoo. Suot niya ang isang pares ng itim na boots at grey na fit na pantalon. Tinatahak niya ang hallway ng isang mamahaling hotel. Sinisipat niya rin ang numero sa itaas ng bawat kwarto at nang makita ang numerong 314 sa pinakadulo ay agad siyang huminto. Tumingin siya sa kanyang relo sa kanyang kaliwang braso: 5:56 pm. Hinawakan niya muna ang pinto, tila nakikiramdam, alam niyang may mga tao sa loob. Saka niya naisip na hindi lamang siya ang inimbitahan ng estrangherong nagpadala sa kanya ng sulat. Ipinasok niya ang key card at agad naman iyong umilaw ng kulay berde, hudyat na bukas na ang pinto. Kinabig niya ang pinto at pumasok, tumingin sa paligid, tatlong tao ang naroon.


Isang bata na nakaupo sa sofa at tila nakatitig lamang sa kanyang harapan kung saan naroon ang isang malaking TV screen na mayroong countdown ng oras. Suot niya ang isang simpleng printed t-shirt na may anime character at maong na shorts. Ang isa naman ay may edad nang ginang, iritable siya habang palakad-lakad sa loob ng kwarto at nagyoyosi. Tila mamahalin ang kanyang damit, ang kanyang make-up ay sakto lamang sa kanyang makinis na mukha, alam niyang isang dating artista ang babaeng iyon. Ang lalaki naman na nakaupo sa isang mataas na upuan at nakaharap sa mesa na katabi ng isang wine rack at umiinom ng kaunting alak ay nakasuot ng isang puting longsleeves. Nakataas ang manggas ng kanyang longsleeves at nakatuck in. Itim ang kanyang slacks at makintab ang kanyang itim na sapatos. Nakatitig sa kanya ang lalaking iyon habang nakangiti. Umiwas naman ng tingin ang babaeng kadarating lang, seryosong nagtungo sa sofa katabi ng batang lalaki na nakatitig sa TV. May distansya ang kanyang pagkakaupo sa kanya, nagdekwatro siya at itinaas ang parehong braso sa sandalan ng sofa.


"Ikaw na ba ang huli? Haha...akala ko ako lang ah. Mukhang marami pala?" basag ng katahimikan ng lalaking umiinom ng alak. Hindi naman iyon pinansin ng babae. Bumuga naman ng kaunting usok ang ginang na naglakad patungo sa bintana ng hotel room bago nagwika.


"This is a waste of time!" wika niya.


"Relax ka lang Miss Amanda, kung gusto mo saluhan mo muna ako dito," paanyaya ng lalaking umiinom ng alak.


"I don't mingle with people like you! Excuse me," sagot ng ginang.


"Kung nakatanggap ka ng sulat, ibig sabihin magkalevel lang tayo. Isa pa hindi lang naman ikaw ang kilala noong panahon natin ah?"


"Oh shut up, I worked in the lime light, you worked in a...filthy circus. Perya ba ang tawag nyo do'n?" sagot ng ginang na si Amanda.


"Kung makapagsalita ka naman, eh laos ka na naman ngayon eh," pagbibiro ng lalaki bago uminom ng alak.


"Sinong tinatawag mong laos?!" inis na sambit ni ginang Amanda.


"Oh siya tama na nga...suko na ako. Eh itong dalawa naman nating kasama? Kayo..." wika ng lalaki habang nakatingin sa bata at kadarating lamang na babae na nakaupo sa malambot na sofa.


"Sino ba kayo? Sa tingin niyo bakit kaya tayo na'ndito?" tanong niya. Hindi naman sumagot ang dalawa na tumingin lamang sa kanya.

The HeistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon