Nagising ako ng may makapal na usok sa buong bahay.
Napabalikwas ako ng tayo dahil nakita kong nag-aapoy ang dingding at ibang gamit namin sa bahay.
Agad kong ginising ang lima ko pang kapatid at pinuntahan sila nanay sa kwarto nila.
Nakatira kami sa isang maliit na barong barong sa isang squatters area. Wala kaming naisalba kahit na ano sa bahay namin. Ang mga sarili lamang namin. Pero ang mahalaga ay walang namatay samin.
Nag-umpisa daw ang sunog sa isa naming kapitbahay na naputulan ng ilaw, kaya napilitang magsindi ng gasera at nakalimutang patayin.
Puro hiyawan at sigaw ang naririnig ko. Tulala lamang ako sa harap ng bahay namin. Sobrang hirap na nga namin ay ganito pa ang mangyayari sa amin.
Halos hirap na hirap sila nanay at tatay na ipundar lahat ng nasa loob tapos mawawala lang ng ganoon kadali.
Kasalukuyan palang akong napasok sa kolehiyo ay ganito na agad kasaklap ang nangyari sa amin.
Wala kaming nagawa kundi umuwi na muna ng probinsya at tumira sa lola ko.
Kahit na nag-aaral ako sa Maynila ay wala akong nagawa. Kahit naman magpa-iwan ako ay wala akong tutuluyan doon.
"Mama, pasensya na kung dito muna kami makikitira sa ngayon." Ani nanay kay lola.
Iginala ko ang mata ko sa lumang bahay na gawa sa kahoy ang karamihan ng gamit.
"Ano ka ba naman Angela? Dumito kayo kahit hanggang kailan ninyo gustuhin at tsaka maigi nga iyon at ng makasama ko naman ang mga apo ko." Sagot ni lola. Nagkatinginan kami at matamis akong ngumiti sa kanya, ganoon din naman siya.
Medyo kilala dito sa probinsya si lola dahil naging dating kapitan si lolo. Maayos naman ang pamumuhay dito. Pero hindi kuntento si nanay sa ganitong pamumuhay kaya nakipagsapalaran sila ni tatay sa Maynila.
Maging trabaho nila ay iniwan muna nila para ihatid kami dito sa probinsya.
"Via, aasikasuhin ko ang records mo sa school para makapagpatuloy ka na muna dito. Wag ka mag-alala anak, makakabalik ka din doon." Ani nanay na mukhang maiiyak na.
Alam kong sobrang dami ng nangyari kaya ayaw ko ng mag-alala pa sila.
Lumabas ng kusina si Tita Mabel dala ang isang pitsel ng juice at bingyan kami ng tig-iisang baso.
Napatingin ako sa mga kapatid ko. Alam kong sila ang mas naaapektuhan, pero wala talaga kaming magagawa.
"H'wag ka mag-alala 'nay! Susubukan ko mag-apply na student assistant, may mga suweldo po 'yon. Para makatulong ako. O kaya po mag-apply ako ng scholarship." Sabi ko at mukhang napanatag naman siya kahit paano.
"Bukas Via sasamahan kita sa Ignacio State University. Ipinagmamalaki 'yon ng San Ignacio." Ani Tita Mabel, kapatid ni nanay na bunso. Agad akong tumango at ngumiti.
Sabi nga nila, always look at the brighter side.
"Sige po, tita!" Masigla kong tugon. Hindi naman siguro ganun kasama ang nangyari sa amin.
Dalawang araw lang mamamalagi sila nanay at tatay dito dahil sa naiwang trabaho sa Maynila.
Isang electrician si tatay at isang mananahi si nanay. Sapat naman ang sahod kaso madami kaming magkakapit.
Ako ang panganay 18, si Kael ang sumunod, 15 taong gulang, si Dionne ay 12, si Loki ay 9 at ang bunso ay si Phoebe, 6 na taong gulang.
Masaya naman kami sa Maynila. Kahit minsan kapos, hindi kami pinapabayaang magutom nila nanay at tatay.
Kahit na ganito ang nangyari ay alam kong lahat ng ito ay may kahulugan.
There's always a rainbow after the storm.
