Simula

158 22 7
                                    

"Bagay rin ito sa iyo, anak" wika ng ina ng dalaga sabay abot sa kaniya ang isang damit pang-CPA. Pagkatapos nito ay naghanap nanaman siya ng ibang damit.

Hindi parin mawala sa isipan ng dalaga ang ginawa ng kaniyang ina kaya hanggang ngayon naiilang parin siya sa mga kilos nito. Alam ng dalaga na bumabawi lamang ang kaniyang ina upang hindi siya magsalita ukol sa mga kababalaghang ginawa ng kaniyang ina na nasaksihan niya.

"Ito mas maganda, anak, bagay na bagay sa kurbado mong katawan." wika ng kaniyang ina habang ang dalaga nama'y nakatitig lamang kawalan "Isukat mo nga, anak!"

Dahan-dahan namang kumilos ang dalaga at kinuha ang inihandang uniporme ng kaniyang ina. Kitang-kita ng dalaga sa mga mata ng kaniyang ina ang pagtataksil na ginawa nito. Huminga na lamang siya ng malalim, at tumungo na sa silid-bihisan.

Pagkalipas ng ilang oras.

Pagpasok ng dalaga sa kanilang paaralan ay bumungad ang kaniyang mga kaklase na abala sa pagbibihis at pag-uusap ukol sa kanilang mga ninanais na propesyon.

"Oh, De Mesa, bakit hindi ka pa nagbibihis?" tanong ng kaklase ng dalaga sa kaniya habang ang dalaga naman ay walang inilalabas na emosyon sa kaniyang mukha, tila'y wala siyang gana.

"Gusto niya siguro maging estudyante habang buhay." biro ng isa niyang kaklase at nagtawanan sila.

"Pero sayang! Si Ellena na ang pinili ni ginang Estrella para sa kulminasyon, ang tagal mo kasing dumating, De Mesa." wika naman ng isa at umupo na ang dalaga sa kaniyang pwesto.

Nagdadalawang-isip parin ang dalaga kung susuotin ba niya ang inihanda ng kaniyang ina kahit hindi naman talaga niya pangarap ang propesyong public accountant.

"Oy! Punta na daw tayo sa Libra Hall!" sigaw ng kaniyang kaklase at nagsilabasan naman sila.

"Magbihis ka na, De Mesa!" wika ng kaklase niya at tumango naman ang dalaga sa kaniyang kaklase at pilit na ngumiti.

Sumilip ang dalaga sa kabilang gusali, sa gusali ng STEM strand. Kadalasan sa kanila'y nakasuot pangdoktor, ihinyero, nars at iba pa. Sa kabilang gusali naman ay ang HUMSS strand at nakapang-guro, pulis, mamamahayag at iba pa sila.

Nakaalis na ang lahat ng kaklase ng dalaga at siya na lamang ang naiwan sa kanilang silid-aralan.

"Susuotin ko ba talaga ito?" tanong ng dalaga sa kaniyang sarili at umirap sa kawalan.

"Objection your honor!" biglang sigaw ng isang kalahok at nagsitawanan ang mga manonood.

"Iyan ang aking bibigkasin pagkatapos ng ilang taon!" wika nito, "sa kadahilanang nais kong bigyang hustisya ang mga pinatay, napagbintangan at ang mga nangangailangan nito."

"Nais ko silang ipaglaban!" dagdag nito at nagsihiyawan ang mga manonood. Pagkatapos nito ay pumasok na ang isang kalahok mula sa baitang 11.

"Nais kong," panimula ng dalaga at tumitig muna sa mga manonood, "maging isang entrepreneur paglaki." dagdag nito at nagsibulung-bulongan ang lahat.

"Responsibilidad nito ang pagpaplano para sa direktang operasyon ng isang kumpanya. Gumagawa ito ng polisiya, bumubuo ng layunin, nakikipagpulong sa mga kliyente at namumuhunan." dagdag ng dalaga. "Binabantayan naman ng isang entrepreneur ang lahat ng mga aktibidad na kasangkot sa mga produkto at serbisyo ng kumpanya, kabilang ang marketing, pamamahagi at pagbebenta."

"Pero.. sa totoo lang, hindi naman talaga ito ang ninanais ko, wala talaga akong tiyak na ninanais na trabaho paglaki." dagdag nito at nabalot ng katahimikan ang buong Libra Hall.

Panay taas leeg at papa  naman ang dalaga upang mas masilayan niya kung sino ang nagsasalita sa harapan... at si Ellena ito.

"Ngunit may tiyak na bagay akong ninanais. Sabi nga nila at pansin ko rin na may kakayahan ako rito sa pagiging negosyante kaya ito nalang ang pinili ko subalit ang ninanais ko lang naman talaga paglaki ay ang magkaroon ng maraming pera." wika ni Ellena at nagsiingay nanaman ang lahat.

"Mukhang pera siya, girl." wika ng katabi ng dalaga.

"Oo nga, kung ganiyan naman pala naghanap nalang sana siya ng sugar daddy." sagot naman ng isa.

"Maraming pera upang makatulong ako sa aking pamilya at lalong-lalo na sa mga nangangailangan." dagdag ni Ellena at muntikan ng masamid ang mga humusga sa kaniya na katabi ng dalaga, napatingin ito sa dalaga subalit inirapan niya lamang sila.

"Buti nga sa kanila." wika ng dalaga at ibinalik ang atensyon sa nagsasalita sa harapan.

Maya-maya'y tumungo naman ang dalaga sa pwesto kung saan naroroon ang kaniyang mga kaklase. Nanlaki ang kanilang mga mata nang makita nila ang dalaga na kakaiba ang suot.

"D-De Mesa?" nauutal at naguguluhang wika ng kaniyang isang kaklase habang ang dalaga nama'y ngumiti lamang sa kaniya.

Nakuha rin ng dalaga ang atensyon ng iba niyang kaklase at kamag-aral. Pagkalipas ng ilang minuto ay lumapit sa kanilang direksyon si ginang Estrella at pati ang guro nila'y nagtataka sa suot ng dalaga.

Sinenyasan ng guro ang dalaga na lumapit ito sa kaniya at sinunod naman ito ng dalaga.

"Ano nanaman ba ito, De Mesa?" wika ni ginang Estrella na tila may kasalanang nagawa ang dalaga.

"Hindi naman po diba masama ang ginagawa ko? Ito po kasi talaga ang ninanais ko kaya ito ang isinuot ko." magalang na wika ng dalaga at napag-isip-isip naman ang guro.

"Okey, hija, maaari ka ng bumalik sa iyong kinauupuan." wika ng guro at sumunod naman ang dalaga.

Bakit ba nagtataka ang karamihan sa suot ng dalaga? Bakit maraming napatingin sa kaniya? Bakit siya ngayon ang dahilan sa usap-usapan at bulung-bulongan ng kaniyang mga kamag-aral? Sa kadahilanang nakasuot siya ng isang magarang bestida at iniisip niya na siya'y isang ganap na aktor sa isang teatro o tanghalan ng Pilipinas.

Ito ang kaniyang pangarap, kaniyang ninanais, kaniyang kasiyahan, kaniyang minamahal subalit napakalaking hadlang ng kaniyang mga magulang. Makakamit niya pa ba ang kaniyang matagal na inaasam?

Hali na't samahan natin sa paglalakbay ang isang dalagang nais makamit ang kaniyang kalayaan at tunay na kanlungan hanggang sa kaibuturan ng mundo.

Hanggang sa Kaibuturan ng Mundo [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon