Dinala ako ni Ali sa isang night market, napakaganda rito lalong-lalo na ang mga ilaw tapos may iba't ibang bilihing pagkain pa, may mga ukay-ukay din sa gilid at bandang tumutugtog."Mga ilaw sa daan, nakikisabay sa liwanag ng buwan,
Habang ako'y nakatingin sa kawalan nang hindi mo pansin." awit ng bokalista ng bandang tumutugtog.
"Paborito ko iyon ah." wika ni Ali at lumingo-lingo siya upang hanapin kung saang direksyon nakapwesto ang banda habang ako naman ay napa-indak din sa pinapatugtog ng banda.
"Mga taong nalampasan ng apat na gulong na akin ngang sinasakyan,
Sa inipong usok ay bitin na nakaipit sa gitna at pang-bituin." sabay ko sa banda at napatingin naman sa akin si Ali.
"Tama nga sila, maganda boses mo." wika ni Ali at kumunot ang noo ko.
"Huh?" naguguluhan kong wika, tumawa lamang siya sa aking winika't nagpatuloy sa paglalakad.
"Magkapareho kaya tayo ng paaralang pinapasukan." wika ni Ali habang ang kaniyang mga kamay ay nasa kaniyang mga bulsa. Nagulat naman ako sa kaniyang sagot dahil hindi ko pa siya nakikita sa paaralan namin.
"Ano na bang baitang mo?" tanong ko habang sumusunod sa kaniya. "At pangkat?"
"Baitang 12 pangkat Carnelian." sagot niya at natigilan ako, ibig sabihin magkaklase sila ni Lucas?
"Bakit?" tanong ni Ali sa akin nang natigilan ako sa kaniyang sagot, "Malayo naman din kasi ang gusali ng kagawaran ng baitang 11 at 12 kaya hindi tayo gaanong nagkikita—este hindi talaga tayo nagkita."
"Nagkikita nga kami ni Lucas—" wika ko subalit pinutol ito ni Ali.
"Teka, Lucas? Tama ba ang pagkakarinig ko? M-Magkaibigan kayo?" tanong ni Ali at tumango naman ako.
"Kaibigan mo iyong gagong iyon—"
"Huwag mo nga siyang murahin!" sigaw ko kay Ali, "Ano bang problema mo?!"
"Nakikipagkaibigan ka sa gagong iyon? Adik yun—" sambit ni Lucas ngunit sinigawan ko nanaman siya.
"Sabi ng huwag mo siyang murahin!" galit na galit kong sigaw subalit galit din si Ali.
Hinila ako ni Ali at dinala sa lugar ng walang katao-tao dahil pinagtitinginan na kami ng mga tao.
"Naguguluhan na ako, Ali, bakit mo ba siya ginaganyan?" kalmado kong tanong sa kaniya.
"Maniwala ka man o hindi ngunit sasabihin ko parin ang totoo sa iyo, Agnes." seryosong wika ni Ali, "Pero bago ko sabihin, bili muna tayo, ano bang gusto mo?"
Napairap ako sa kawalan, pabitin itong topak na ito.
"Barbecue sapat na." tipid kong wika at tumungo na kami sa nagbebenta ng barbecue.
Nang makabili na kami ng pagkain ay umupo kami sa isang bangkito ng night market kung saan masisilayan mo ang napakalaki at magandang pine tree na may mga ilaw.
"Simula baitang 11 ay magkaklase na kami ni Lucas." panimula ni Ali habang ako ay kumakain ng barbecue. "Transferee siya noong baitang 11 kami at ang sabi ng karamihan ay nagmamarijuana raw siya." dagdag ni Ali at muntik na akong mabulunan.
BINABASA MO ANG
Hanggang sa Kaibuturan ng Mundo [COMPLETED]
Non-FictionIsinulat ni Jannen Lomanta Date Started: August 15, 2020 Date Finished: September 15, 2020 DISCLAIMER Ang kwentong ito ay gawa lamang ng kathang-isip ng may-akda at hindi ito hinango sa tunay na buhay o karanasan. Ang mga pangalan, tauhan, negosyo...