PASIMPLENG tinitigan ng babae ang mga kasamang nakatayong nakapalibot sa isa't isa. Nasa isang huwad na kapilya sila nang hatinggabing iyon, matiyagang naghihintay sa paglabas ng kasaping kasalukuyang nasa loob ng silid sa kanilang unahan. Labing-isa silang naroon.
Nakapagkit ang munting ngiti sa labi ng mga naunang pumasok sa silid. Ramdam niya ang pagdiriwang ng mga ito sa kaganapang matagal nang inaasam ng kanilang grupo. Humahalo sa malamig na hangin ang amoy ng kasakiman at pagkaganid ng mga ito. Ang simoy ng nabubulok na pagkatao. Mga nilalang na walang ibang inisip kung hindi ang sariling kapakanan. Mga kaluluwang karapat-dapat mabulok sa impyerno!
Magpakasaya kayo ngayon. Dahil mamaya, ako naman ang ngingiti, matatag niyang wika sa isip.
Maya-maya'y lumabas ang kasamahan nila mula sa silid. Tulad ng lahat, hindi rin maitago ang labis na pananabik ng lalaki. Hindi man nito sabihin ay batid niya kung ano ang bagay na hiniling nito. Nais ng lalaking magkaroon ng mataas na posisyon sa gobyerno.
Gusto niyang dumura sa kanyang harapan. Para sa kanya ay masahol pa sa insekto ang mga taong iyon. Mababaw at madaling tapakan.
"Ikaw na ang susunod," baling sa kanya ng pinuno ng grupo. Tumango siya bilang pagtugon saka humakbang patungo sa silid. Bago tuluyang pumasok sa loob ay sandali niyang tinapunan ng makahulugang sulyap ang mga kasamahan. Saka gumuhit ang isang mapagbantang ngiti sa kanyang mga labi.
Pagpasok sa silid ay sinalubong siya ng munting liwanag na nagmumula sa mga nakasinding itim na kandila. Nakapalibot ang mga iyon sa markang bilog na sadyang iginuhit sa sahig. Sa gitna noon ay may nakadibuhong hugis-tatsulok na pigurang pinalilibutan ng iba't ibang simbolo ng itim na ritwal.
Dahan-dahan siyang pumasok sa loob ng marka at umupo. Isang kakaibang uri ng papel ang nakalatag sa kanyang harapan. Kulay dilaw iyon at may magaspang na kayarian. Sa tabi niyon ay may nakalapag na punyal at isang pakpak na panulat na hinguot mula sa itim na ibon.
Sandali siyang pumikit at buong pagsambang umusal ng pangalan. Nang magmulat siyang muli ay nakita niyang iniluwa ng kadiliman ang katawan ng isang batang lalaking nasa sampung taong gulang. Nakaupo ito sa kanyang harapan, ang presensiya ay sumisigaw ng kapangyarihan at matandang kaalaman. Mapaglaro ang ngiti nito at nakapako sa kanya ang mapupulang mga mata nito. Maamo ang anyo ng bata ngunit sa loob niyon ay nagkukubli ang isang mapanganib at nakakatakot na nilalang.
"Alam ko kung ano ang gusto mong mangyari," sabi ng batang boses na may halong pananabik ang himig. Isang tipid na ngiti ang kanyang itinugon. Sa unang pagtapak pa lang niya sa silid ay alam niyang nabasa na agad ng tusong nilalang ang laman ng kanyang isip at puso.
Inangat niya ang punyal at tahimik na hiniwa ang kaliwang palad. Napakagat-labi siya nang makaramdam ng hapdi. Nagsimulang umagos ang pulang likido sa kanyang balat. Saka niya dinampot ang panulat at idinampi ang dulo niyon sa kanyang dugo. Sinimulan niyang isulat ang alok niyang kasunduan at makalipas ang ilang saglit ay lumitaw sa papel ang mga salitang isinulat gamit ang itim na tinta. Iyon ang sagot ng nilalang. Iyon ang kapalit na nais nitong hingin.
"Tinatanggap ko," walang kurap niyang saad saka nilagdaan ang papel.
Muling ngumiti ang batang lalaki. "Ibibigay ko ang iyong kagustuhan."
Sa puntong iyon ay nakaramdam siya ng matinding init sa kanyang likuran na tila ba dinidilaan ng apoy ang kapiraso ng kanyang balat. Napasigaw siya sa matinding sakit at napalugmok sa sahig. Matapos humupa ang hapdi ay tumulo ang mga luha sa magkabila niyang pisngi. Sumilay ang isang mapait na ngiti sa kanyang mga labi.
Katarungan... sa wakas.
BINABASA MO ANG
11TH CONTRACT
HorrorDocumentary report tungkol sa mga supernatural beliefs lamang ang pakay nina Lia sa Antipolo. Pero hindi inaasahan na ang pagpunta nila roon ang magiging simula ng pagtuklas niya sa isang lihim ng kanyang pagkatao. Isang bagay ang kailangan niyang...