LABIS na nasindak si Lia matapos basahin ang pahinang iyon ng diary. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nabasa. Naramdaman niya ang pagtayo ng kanyang mga balahibo. Ni hindi agad siya nakapagsalita. Ramdam niya ang paghihirap ng loob ng taong sumulat niyon.
"Anong klaseng ina ang mag-aalay ng buhay ng sarili niyang anak?" Kahit si Gino ay labis ding nagulat sa kanilang binasa.
"Isang inang tuluyan nang lumimot sa Diyos," malumanay na sagot ni Lola Rosalya. "Kung babasahin ang ibang pahina sa diary na iyan ay malalaman n'yong kailanman ay hindi nakatanggap ang taong sumulat niyan ng pagmamahal na galing sa isang ina."
"Pero bakit niya ginawa ang bagay na 'yon?" naguguluhang tanong niya.
"Wala akong ideya. Kahit ang kawawang anak niya'y hindi rin alam ang totoong dahilan."
Sumeryoso muli ang tinig ni Gino, "Kamatayan ng mga kasama niya ang kanyang hiniling sa demonyo. At siyempre, buhay din ang magiging kapalit noon."
"Tama. Base rin sa kuwentong pinagpasa-pasahan ng sumunod na mga henerasyon, may mga pagkakataong nakakapagluwal ang babae ng lalaking sanggol. Pero kapag dumating ang panahon na magsilang na siya ng babae ay kinukuha na rin agad ang buhay niya," paglalahad ng matanda.
"At lahat ng sanggol na babaeng ipinanganganak ay nagkakaroon ng kakaibang balat sa likod. Alam kong mayroon ka din no'n, Lia."
Napalunok siya. "Iyon nga raw ho ang tatak ng demonyong tinawag ng kultong iyon." Hindi niya alam kung paano tatanggapin ang lahat ng kanyang mga nalaman tungkol sa kanyang pagkatao at sa mga ninuno niya. Ngayon lang nagiging makatotohanan ang lahat. Ang masaklap pa'y alam niyang mamamatay din siyang katulad ng iba at ang kanyang kaluluwa ay mapapasakamay ng isang demonyo.
Napabuntung-hininga si Lola Rosalya. Ginagap nito ang mga kamay niya. "Nalulungkot ako para sa'yo, hija. Kung mayroon lang tayong pwedeng gawin ay ibibigay ko ang lahat ng tulong na makakaya ko."
"Malaking tulong na ho ang ginawa n'yo ngayon, Lola." Ngumiti siya. Kahit papaano ay masaya siyang makaramdam ng pag-aalala ng isang ina sa katauhan ni Lola Rosalya.
"Pero baka ho may paraan pa para maputol ang kontrata ni Aurora sa demonyo," ani Gino.
"Hindi ko alam kung mayroon ngang paraan. Sa totoo lang, ilang beses kong sinubukang pigilan si Soledad na umibig sa lalaki at magpakasal. Pero sunud-sunod na kamalasan ang dumating sa buhay ko. Sa huli'y hindi rin napigilan ang pagsilang sa ina ni Lia."
Lumalim pa ang naging kuwentuhan nina Lola Rosalya at Lia. Samantalang si Gino ay tinawagan si Alysson upang ipaalam dito ang mga bagay na natuklasan nila. Napag-usapan din nila ang susunod na gagawing hakbang upang matulungan siya.
Nagpasalamat sila kay Lola Rosalya at nagpaalam. Pero bago nila marating ang gate ng bahay nito ay nahagip ng mga mata ni Lia ang isang lalaking nakatayo sa likod ni Lola Rosalya. Magandang lalaki ito na nakasuot ng itim na damit. Nakapangingilabot ang tingin nitong nakapako sa kanya.
Nakaramdam siya ng kakaibang init. Nakakapasong init.
Napakislot siya nang maramdaman ang kamay ni Gino sa kanyang balikat. Tigagal siyang napalingon dito.
"Are you okay?"
Tinanguhan niya si Gino. Nang muli niyang balingan si Lola Rosalya ay nag-iisa na lamang ito.
***
GINISING si Lia ng mahinang pagyugyog sa kanyang mga braso."Lia," pagtawag ni Manang Linda sa kanya.
BINABASA MO ANG
11TH CONTRACT
TerrorDocumentary report tungkol sa mga supernatural beliefs lamang ang pakay nina Lia sa Antipolo. Pero hindi inaasahan na ang pagpunta nila roon ang magiging simula ng pagtuklas niya sa isang lihim ng kanyang pagkatao. Isang bagay ang kailangan niyang...