"'ETO na 'yong bahay." Itinuro ni Gino ang isang maliit na bungalow sa harapan nila.
Hinawakan ni Lia ang kamay ng binata. "Teka Gino, paano kung si Mang Celso naman ang sunod na mapahamak?"
"Magtiwala ka. Kung tama ang sinabi ni Alysson, alam ni Mang Celso kung paano poprotektahan ang sarili niya laban sa demonyo."
Lumapit sila sa bahay at kinatok ni Gino ang pinto. Ilang sandali pa'y binuksan na iyon ni Mang Celso at salubong ang mga kilay na nagpalipat-lipat ang tingin sa kanila.
"Kayo na naman?! Anong kailangan n'yo?"
"Kailangan ho namin ang tulong n'yo," magalang na tugon ni Gino.
Kumunot ang noo ng lalaki. "Akala ko ba'y tapos na kayo doon sa chapel? Bakit pinuntahan n'yo pa-"
"Tulungan n'yo ho kaming matalo si Dantalion," mabilis niyang putol sa sasabihin nito. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa.
Sandaling natigilan si Mang Celso saka muling pinatapang ang anyo. "Anong sinasabi n'yo d'yan?"
"Mang Celso, alam kong kayo lang ang makakatulong sa 'min. Buhay ko at buhay ng mga mahal ko sa buhay ang nakataya rito."
"Alam rin ho namin na kayo ang anak ng namayapang si Ambrosio Salazar," dagdag ni Gino.
Naninimbang ang tingin ng lalaki sa kanilang dalawa. Pagkuwa'y tahimik nitong niluwangan ang pagkakabukas ng pintuan para papasukin sila.
Namangha si Lia sa nakitang mga santong naka-display sa bawat sulok ng bahay. Sa sala ay may isang higanteng istante na pinagsasalansanan ng napakaraming libro. May altar din sa tabi na pinapatungan ng maraming kandila.
"Huwag n'yong isipin na dahil sa pinapasok ko kayo'y tutulungan ko na kayo sa kung anumang kalokohan 'yang pinasok n'yo," malamig nitong sabi na sumandal sa pasimano ng bintana at nagsindi ng sigarilyo.
"Hindi ho ito kalokohan," depensa niya.
"Kung nakikita n'yo, puro santo ang bahay na ito. Kahit gusto kong itago na ang mga 'yan, ibinilin ni tatay na huwag gagalawin ang mga iyan. Naiintindihan n'yo ba? Kung may katanungan kayo tungkol sa mga demo-demonyong 'yan, wala akong alam. Hindi ako katulad ng-"
"Noong pumasok tayo sa kapilya, sinabi n'yong hindi kami pwedeng abutin ng alas-sais ng gabi," mapanghamong putol ni Gino sa sasabihin ng lalaki. Nanunubok itong tumingin kay Mang Celso. "Sinabi n'yo iyon dahil alam n'yong iyon ang oras na karaniwang isinasagawa ang ritwal-at ang oras na lumalakas ang pagpaparamdam ng demonyong nasa loob ng silid na 'yon."
Naningkit ang mga mata ng lalaki, animo pinag-aaralan si Gino.
"Mang Celso, sigurado ho akong may alam kayo. Alam n'yong buhay pa ang espiritu ni Dantalion doon dahil sa isang kasunduang hindi pa natatapos. Nakikiusap kami. Kailangan namin ang tulong n'yo," pagsusumamo niya.
Iritable itong bumuga ng usok saka inigkas ang isang kamay sa ere.
"Sige, magsalita kayo."Si Gino ang nagsalaysay sa lahat.
"Hindi n'yo ba naisip na pati ako'y gusto niyo ring ipahamak?" Napapalatak si Mang Celso matapos marinig ang kuwento.
"Alam kong hindi kayo basta-basta magagalaw ng demonyo. Hindi ba't palagi n'yong suot ang medalyon na 'yan." Itinuro ni Gino ang kulay pilak na kuwintas na nakasabit sa leeg ni Mang Celso. "Napansin ko ho 'yan no'ng una namin kayong nakita. Ancestral talisman iyan na proteksyon laban sa mga demonyo. Meron rin ho ako niyan." Inilabas nito ang isang medalyon mula sa bulsa.
Napamaang si Lia. Kaya pala all this time na magkasama sila ni Gino ay hindi ito nagagalaw ni Dantalion. Kahit papaano ay nakahinga siya nang maluwag sa isiping iyon.
"Anong gusto n'yong mangyari ngayon?" tanong ni Mang Celso.
"Gusto po naming malaman kung paano mapuputol ang kasunduan," siya naman ang nagsalita.
Tumalikod ito sa kanila at humugot ng ilang aklat at kuwaderno mula sa istante. "Imposibleng mawasak ang kahit anong kasunduan kapag sa demonyo mo na ito ginawa." Inabutan sila nito ng mga libro. "Kung hindi kayo naniniwala, basahin n'yo ang mga 'yan. Maraming tao nang nakipag-kontrata sa demonyo ang sumubok bawiin ang kasunduan. Pero bigo silang lahat."
"Baka naman ho may iba pang paraan?" si Gino.
"Naiintindihan n'yo ba 'ko? Kahit ang aking ama at ang mga ninuno nami'y nagsabing wala ng ibang paraan. Kahit magdasal pa kayo ng ilang libong beses sa simbahan. Sa oras na makipagkasundo ang isang tao sa diyablo, isinuko na rin niya ang kanyang kaluluwa. Anumang kapalit ang hingin ng demonyo, sa oras na pumayag ang taong tumawag sa kanya, makukuha at makukuha nito iyon."
Nanlumo si Lia sa narinig. Naramdaman niyang gumuho ang lahat ng pag-asang kanina lamang ay pinakaiingatan niya.
"Maliban na lang kung may pagbabagong magaganap."
Napaangat siya ng tingin sa lalaki. "Ano hong ibig n'yong sabihin?"
"Mahilig makipag-kontrata ang mga demonyo sa tao. Basta't alam nilang malaki ang mapapala nila'y hindi sila tatanggi ano pa man ang hilingin sa kanila."
Natahimik sila.
Muling nagsalita ang lalaki, "Ano ba ang karaniwang ginagawa kapag nag-expire na ang isang kontrata?"
Si Gino ang sumagot, "End of service or... renewal of contract."
***
"BINABALAAN kita. Hindi basta-basta ang makipag-ugnayan sa mga demonyo. Isang pagkakamali ay hindi lang buhay mo ang maaaring makuha," maingat na paalala ni Mang Celso nang tumigil ang sasakyan nila sa tapat ng gusaling pinasukan nila noon. "Ibinahagi ko ang tanging paraan na alam kong makakatulong sa sitwasyon, pero nasa sa'yo kung paano mo iyon lalaruin sa isip mo."
"Huwag ho kayong mag-alala. Pinag-isipan ko ho ito nang mabuti," sagot niyang bakas sa mga mata ang determinasyon.
Kung ito lang ang tanging paraan, anang isip niya.
Umibis silang tatlo ng sasakyan. Kinuha nila ang kanilang mga gamit saka tinungo ang kapilya.
"Isuot mo ito. May isa pa akong proteksyon kaya hindi niya ako magagalaw panandalian." Iniabot ni Mang Celso ang medalyon nito sa kanya nang matapat sila sa pinto ng silid. "Kakailanganin mo iyan para hindi tuluyang mabasa ni Dantalion ang iniisip mo. Pero isang bagay ang kailangan mong tandaan."
"Ano ho 'yon?" Isinuot niya ang medalyon.
"Kahit anong mangyari, panatilihin mong panatag ang pagpintig ng puso mo. Hindi ka maaaring makaramdam ng matinding kaba o takot."
Kahit buo ang loob ni Lia sa ideyang naisip ay alam niya sa kanyang sarili na may takot pa rin siyang nararamdaman. Gayuman ay kailangan niya iyong paglabanan.
"Lia, kailangan mong lakasan ang loob mo. Napakadelikado ng bagay na ito. Pero nasa mga kamay mo ang kahihinatnan ng pagpasok mo sa loob ng silid na ito," wikang muli ni Mang Celso.
Mariin siyang pumikit at pilit na kinondisyon ang sarili. Si Gino, na kanina pa tahimik ay naramdaman niyang humawak sa kanyang kamay. Nang magmulat siya ay nakita niyang ibinaba nito ang mukha at hinagkan ang likod ng kamay niya. Nasorpresa siya sa ginawa ng binata ngunit aaminin niyang nakatulong iyon upang mapalakas ang kanyang loob.
"You can do this Lia," nakangiting sabi nito sa kanya.
"Malapit nang magalas-sais. Kailangan na nating maghanda," ani Mang Celso.
Inihanda nina Mang Celso at Gino ang mga itim na kandilang papalibot sa markang bilog. Iniwan ng dalawang walang sindi ang mga iyon saka lumabas ng silid.
"Pumasok ka na." May isang bagay pang iniabot si Mang Celso sa kanya. Maingat niya iyong itinago sa loob ng kanyang damit.
Inihanda niya ang kanyang sarili. Tanganang isang nakasinding kandila, buong loob siyang pumasok sa silid. Saka niyanarinig ang marahang pagsara ng pinto.
BINABASA MO ANG
11TH CONTRACT
HorrorDocumentary report tungkol sa mga supernatural beliefs lamang ang pakay nina Lia sa Antipolo. Pero hindi inaasahan na ang pagpunta nila roon ang magiging simula ng pagtuklas niya sa isang lihim ng kanyang pagkatao. Isang bagay ang kailangan niyang...