The Ending

158 7 0
                                    


NAKAKASILAW na liwanag ang sumalubong kay Lia nang magmulat siya ng mga mata. Kulay puti ang paligid. Hindi niya alam kung nasaan siya.

"Lia," narinig niya ang pagtawag na iyon ng isang pamilyar na boses. Ang daddy niya. Dahan-dahan siyang bumangon. Naroon din ang kanyang Kuya Luke, si Manang Linda at si Mang Celso.

Nilibot niya ng tingin ang paligid.

"Nasa ospital ka," wika ng kuya niya.

"A-Anong nangyari?"

"Nawalan ka ng malay at sobrang nanghina ang katawan mo. Si Mang Celso ang nagdala sayo rito."

Napatingin siya sa lalaking nakaupo sa may sofa. Nakangiti ito sa kanya. Sinabi rin nito na alam na ng kanyang pamilya ang lahat ng nangyari.

"S-Si Gino? Nasaan siya?" Binaha ng pag-aalala ang kanyang dibdib.

Si Manang Linda ang sumagot, "Nasa kabilang-"

Pero hindi na niya pinatapos sa pagsasalita ang matanda. Dali-dali niyang tinanggal ang suwerong nakadikit sa kanya at lumabas ng kuwarto. Ni hindi niya pinansin ang pagpigil ng mga tao roon sa kanya, o ang panghihina ng kanyang katawan. Isang bagay lang ang importante sa kanya at iyon ay ang masigurong ayos lang ang kalagayan ni Gino. Kailangan niya itong makita.

"Bakit nagmamadali ka? Saan ka pupunta?" Napatda siya sa lalaking nakasalubong sa may pintuan. Nakabendahe ang balikat nito pero maliban doon ay wala na itong natamong ibang injuries. Bumilis ang pagtibok ng puso niya nang masilayan ang ngiti ng binata. Pakiramdam niya ay kay tagal niyang hindi nakita si Gino.

Napaluha siya. "Ayos ka na ba?"

Maliit itong tumawa. "Nakita mo na ngang nasa harapan mo na 'ko eh. Saka mababaw lang naman 'yong sugat ko."

Niyakap niya si Gino. Sobrang takot ang naramdaman niya nang huli niya itong nakitang nakalupaypay sa sahig. Doon niya naisip na higit sa buhay niya'y mas hindi niya kakayaning ito ang mawala sa kanya.

Narinig niyang tumikhim ang kanyang ama mula sa likuran. "Masyado nang matagal 'yan ha."

Nagkatawanan silang lahat.

"Siyanga pala, may sorpresa ako sa'yo." Kumalas si Gino mula sa pagkakayakap sa kanya.

"Ano?"

Lumingon si Gino sa corridor. Naroon sina Lola Rosalya at Alysson na kapwa masigla ang mga hitsura. Niyakap din niya ang mga ito.

"Buti naman at ligtas na kayo."

"Masaya akong nagawa mong putulin sa wakas ang kasunduan," ani Lola Rosalya.

"Oo nga. At dapat lang kasi mumultuhin talaga kita kung sakaling nagpatalo ka," biro ni Alysson.

Napangiti si Lia. Sa wakas ay natapos na rin ang lahat. Bumalik na sa dati ang lahat. Naging successful ang documentary project na ginawa nila. Hindi na rin masyadong overprotective ang daddy niya sa kanya. Nalaman din niya kay Mang Celso na nawala na ang markang bilog sa tagong silid ng kapilya. Wala na ang demonyong si Dantalion sa mundo ng mga tao.

At siyempre, alam niyang malaya na siyang makakabuo ng sariling pamilya nang hindi kinakailangang mamatay siya nang maaga. Masaya na rin siya sa piling ni Gino.


Thirteen years later


TARANTANG nililibot ni Lia ang park upang hanapin ang nawawalang anak. Kanina lamang ay nasa tabi niya ito habang bumibili siya ng ice cream. Sandali lamang siyang nalingat at bigla na lamang itong nawala sa paningin niya. Sinakal ng matinding pag-aalala ang kanyang dibdib at hindi niya mapapatawad ang sarili kung sakaling may mangyaring hindi maganda sa bata.

Halos lumundag ang kanyang puso nang matagpuan itong nakatayo't nakaharap sa malaking puno. Tinakbo niya ang anim na taong gulang na anak at mahigpit itong niyakap. "Chelsea! Thank, God."

Tumalungko siya sa harap ng anak at hinaplos ang pisngi nito. "Hindi ba ang sabi ko, 'wag kang aalis sa tabi ko? Pinag-alala mo ako."

"Sorry, Mommy. Someone called me here. But when I followed his voice, bigla na lang siyang nawala."

Kumunot ang noo niya. "Who called you?"

"He said his name is Dantalion."

***WAKAS***

11TH CONTRACTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon