"DAD, I'm okay," paninigurado ni Lia sa amang kausap sa telepono. Nasa labas siya ng kotse. Paminsan-minsan ay sinusulyapan niya ang mga kasamang nakatayo sa harap ng gate ng gusaling pinuntahan nila sa Antipolo. Sinisimulan nang kunan ni Alysson ang labas ng building gamit ang video camera nito; samantalang si Gino ay kanina pa nakatutok ang mga mata sa hawak na iPad. Malamang ay nagbabasa na naman ito ng mga artikulo tungkol sa kababalaghan.
Naroon sila ngayon para sa documentary report project nila sa school. Tungkol sa mga supernatural at paranormal beliefs ang temang kailangan nilang i-cover. Suhestiyon ni Gino na sa bayang iyon sila pumunta dahil mas interesting daw ang kuwentong makukuha nila roon. Pumayag na rin siya kahit wala siyang kaide-ideya sa kung anong meron sa lugar na iyon at sa sinasabi ng binata na isang lumang kapilya.
"Lia, I'm just worried about you. Hindi ako sanay na palagi kang naga-out of town," sagot ng kanyang ama.
"Dad, I can't avoid it. Mass Com ang course ko."
"Iyon na nga eh. Kung ako lang ang masusunod, hindi 'yan ang ipapakuha ko sa'yo. Mas mapapanatag ang loob ko kung sa mga computer-related courses ka na lang nag-enroll. Gaya ng Kuya Luke mo. Computer Engineering ang tinapos at maganda ang nakuhang trabaho. Sa opisina lang siya at hindi kailangang mag-travel kung saan-saan."
Napabuntong-hininga si Lia. Sa ganito palaging humahantong ang usapan nila ng ama sa tuwing may kailangan siyang puntahan na malayong lugar. Kahit nasa third year college na siya at nakatuntong na sa tamang edad, hindi pa rin naaalis sa daddy niya ang pagiging overprotective nito sa kanya.
Kung tutuusin, hindi naman niya masisisi ang ama. Nag-iisa lamang siyang anak na babae at bunso pa. Idagdag pa na may history sa linya ng kanyang ina na ang lahat ng mga anak na babae ay namamatay nang maaga. Pero karaniwan naman daw iyong nangyayari kapag nagsilang na ito ng isang sanggol na babae-katulad nang nangyari sa mommy niya noong araw ng kapanganakan niya.
Weird pakinggan, pero kahit minsan ay hindi siya nagkainteres alamin ang mga detalye ukol sa bagay na iyon. Hindi naman kasi siya katulad nina Gino at Alysson na may pagka-mystery lover. May mga bagay pa rin kasi siyang hindi pinaniniwalaan.
"Sandali lang naman kami rito, Dad. You don't need to worry. Besides, kasama ko si Gino."
Hindi na umangal pa ang ama. Nagiging kampante lang naman ang daddy niya kapag si Gino ang nagiging kasama niya sa mga lakad sa school. Matalik na kaibigan ng daddy niya ang papa ni Gino, kaya't mga bata pa lang ay magkakilala na sila ng binata.
"Okay, I'll hang up na. But make sure to call me after that. I love you, baby. Take care."
"I love you too, Dad," sagot niya saka pinutol ang tawag.
Gumala ang kanyang paningin sa kabuuan ng gusaling yari sa purong laryo at hindi napinturahan. Malaki iyon at maraming bintana. Abandonado, na tila ba sinadyang hindi tapusin ang konstruksyon doon. Hindi iyon mukhang haunted, kaya nagtataka siya kung bakit dito pinili ni Gino na gawin ang documentary report nila.
Sinipat niya ang relo. Alas-tres na ng hapon. Kailangang matapos sila nang maaga dahil ayaw niyang salubungin siya sa bahay ng walang katapusang pangaral ng daddy niya.
Binuksan niya ang pinto ng passenger's seat at hinagilap ang digital camera niya. Nang madampot iyon ay nilapitan niya ang dalawang kasama.
"How's the conversation with your dad?" tanong ni Alysson na may mapang-unawang ngiti sa mga labi. Close sila ng dalaga at kabisado na rin nito ang ugali ng kanyang ama.
"Walang bago. My dad is still overreacting," sagot niya habang tinatantiya ang magandang anggulong kukunan sa larawan ng gusali.
"Don't say that! Alam mo namang nag-aalala lang sa'yo si Tito," sabad ni Gino.
"You know what, konti na lang talaga at para ka na ring si Kuya," asik niya sa binatang nakayuko pa rin sa screen ng iPad. Sa totoo lang ay mas papasang kapatid ni Luke ito kaysa sa kanya. Parehong seryoso ang dalawa at parehong nagmana sa kanyang ama pagdating sa pagiging istrikto sa kanya. Naiinis siya sa ideya na sobra kung protektahan siya ng mga lalaki sa buhay niya. Ayaw na ayaw pa naman niya na tinatrato siyang parang bata. Kaya ba hindi rin muna siya nagbo-boyfriend kahit maraming lalaking gustong manligaw sa kanya. Tama na muna ang stress na nakukuha niya mula sa tatlo.
"Ahm guys, hindi pa ba tayo papasok sa loob?" pag-iiba ni Alysson sa usapan.
"Kailangan muna nating hintayin si Mang Celso," ani Gino nang mag-angat ng mukha.
"Sinong Mang Celso?" walang siglang tanong niya.
"Padala siya no'ng kagawad na nagbigay sa 'kin ng permit para dito. Siya raw ang mismo ang nage-escort sa mga historians at mga taga-media na gustong makita 'yong chapel."
"Pero wala naman akong nakikitang chapel dito ah."
"Of course, it's hidden." Nagkibit-balikat ito.
Napamaang siya. "Hidden?"
Sasagot pa sana si Gino nang may dumating na lalaking sakay ng motorsiklo. Tumigil ito sa tapat nila saka inalis ang suot na helmet. Sa tantiya ni Lia ay nasa singkuwenta anyos na ang lalaki. Matigas ang hulma ng mukha at maangas ang datingan. Nagpakilala itong si Celso.
Nagsindi ito ng sigarilyo. "Kayo ba 'yong mga estudyante?"
"Opo," sabay-sabay nilang tango.
Nagpakawala ito ng marahas na hangin. Para bang hindi welcoming ang aura nito. "Bakit naman sa dinami-dami ng lugar na pwede n'yong puntahan, eh ito pa ang napili n'yo?"
"Interesting ho kasi ang history ng chapel na nandito," si Gino ang sumagot.
Mapang-uyam na tumawa ang lalaki. "Interesting? Ano ba'ng akala n'yong makikita rito? Beach? Playground?"
Nakaramdam si Lia ng pagkairita. Para kasing nanunuya ang lalaki sa kanila. Babanat na sana siya nang magsalitang muli si Gino.
"Hindi naman ho. Ito lang po kasi ang napili naming perfect subject para sa documentary project namin."
Pasimple niyang tinapunan ng matalim na sulyap si Gino. Kahit kailan talaga ay hindi niya maintindihan ang binata. Kalmado pa rin kahit iniinsulto na.
"O siya, pumasok na tayo sa loob at nang matapos kayo agad. Importanteng hindi tayo abutin ng alas-sais ng gabi rito." Nagpatiuna ito ng lakad patungo sa gate.
"Bakit ho?" curious na tanong ni Alysson.
Sandaling huminto si Mang Celso para lingunan sila. Pero sa halip na sumagot ay bumuga lamang ito ng usok sa harapan nila at nagpatuloy sa paglalakad.
"Asshole!" pigil ang inis na sambit niya.
"Ssh! Hayaan mo na," saway ni Alysson at pinisil ang kanyang braso.
"He's right though," seryosong wika ni Gino mula sa likuran nila. "Hindi tayo pwedeng abutin ng alas-sais. Delikado."
BINABASA MO ANG
11TH CONTRACT
HorrorDocumentary report tungkol sa mga supernatural beliefs lamang ang pakay nina Lia sa Antipolo. Pero hindi inaasahan na ang pagpunta nila roon ang magiging simula ng pagtuklas niya sa isang lihim ng kanyang pagkatao. Isang bagay ang kailangan niyang...