"OH MY God!" bulalas ni Alysson nang makita ang balat niya sa may gulugod. Pagkapanganak sa kanya ay napansin agad ng kanyang pamilya ang kakaibang balat na ito sa likod niya. Ilang pictures pa nito ang ipinakita sa kanya nang magkaisip siya.
Nasa loob na sila ng kotse nang mga oras na iyon. Bahagya niyang itinaas ang t-shirt na suot upang maipakita ang kanyang likod sa dalawang kasama.
"Parehong-pareho nga," kinikilabutang saad ni Lia. Sinulyapan pa niya ang pahina sa libro ni Gino, umaasang magkakaroon ng pagkakaiba ang dalawang marka. "Anong ibig sabihin nito, Gino?"
"Hindi ko rin alam," naguguluhang tugon ng binata. "Karaniwang inilalagay ng mga demonyo ang tanda sa katawan ng taong nakipagkasundo sa kanila. Pero imposible namang naging involved ka sa mga ganoong bagay, Lia."
Saka siya may naalala, "Teka, ang sabi sa 'kin ni daddy noon, may ganitong birthmark din daw si Mommy. Same place. Nawala 'yon pagkatapos akong ipanganak."
"Parang nalipat," hinuha ni Gino. "Wait! Hindi ba't may history sa mother's side mo na per generation, namamatay nang maaga ang mga anak na babae?"
Maang siyang tumango.
"Are you saying na pwedeng may kinalaman ang pamilya ni Lia sa kasunduang ginawa kay Dantalion?" sapantaha ni Alysson.
"Hindi pa natin sigurado 'yan." Tumingin sa kanya si Gino, seryoso ang mga mata. "Mas mabuti pang alamin muna natin ang background ng pamilya ng mommy mo."
***
GABI na nang makabalik sila sa Maynila. Wala ang daddy ni Lia pag-uwi niya sa bahay. Biglaan daw itong ipinatawag sa opisina. Matapos kumain ay dumiretso siya sa kuwarto at nag-shower. Nang makapag-ayos ay pabagsak siyang umupo sa kama. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maalis sa isip niya ang mga nangyari sa araw na iyon. Ang kapilya, ang silid, ang batang babae... at ang marka ng demonyong katulad ng birthmark niya.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata. Kailangan niyang ikondisyon ang sarili. Kung dati ay binabalewala lamang niya ang bagay na sinasabing sumpa sa kanilang pamilya, ngayon ay nagkaroon na siya ng determinasyong alamin ang katotohanan. At alam niyang tutulungan siya ng mga kaibigan sa bagay na iyon.
Napahinga siya nang malalim. Nakaramdam na rin siya ng matinding pagod. Dahan-dahan niyang ibinagsak ang katawan pahiga sa kama, kasabay noon ay ang tuluyang pagpikit ng kanyang mga mata.
***NAALIMPUNGATAN siya nang makaramdam ng kung anong malamig na bagay sa likuran niya. Nakatagilid siya kaya't ramdam na ramdam niya ang paghagod niyon. Mayroon ding umupo sa gilid ng kama.
Si Daddy kaya? naisip niya.
Dahan-dahan niyang ipinihit ang katawan para lamang magulat nang ibang tao ang kanyang nakita. Napaatras siya sa pagkakahiga at noon humarap sa kanya ang batang babae.
Sinakluban siya ng takot pero hindi niya magawang mapabangon ang kanyang katawan. Hanggang sa dumako ang kanyang tingin sa mapuputla nitong mga labi. May sinambit ito ngunit wala siyang narinig.
Saka niya naramdamang bumukas muli ang kanyang mga mata. Nanaginip lang ba siya?
Nang masigurong naigagalaw na niya ang kanyang mga kamay ay dali-dali siyang bumangon sa kama. Nilibot niya ng tingin ang paligid. Wala ang bata.
"Panaginip lang!" habol-hiningang natampal niya ang noo. Nang mapabaling sa gilid ng kama ay ganoon na lamang ang panlalaki ng kanyang mga mata. Lubog ang isang bahagi niyon na para bang inupuan nang matagal.
BINABASA MO ANG
11TH CONTRACT
رعبDocumentary report tungkol sa mga supernatural beliefs lamang ang pakay nina Lia sa Antipolo. Pero hindi inaasahan na ang pagpunta nila roon ang magiging simula ng pagtuklas niya sa isang lihim ng kanyang pagkatao. Isang bagay ang kailangan niyang...