Chapter 2 - The Chapel

125 8 1
                                    

MALAKI ang espasyo sa loob ng gusali. Mayroon iyong dalawang palapag at tanging mga kahoy, hollow blocks at iba pang mga construction materials ang makikitang nakasalansan sa tabi-tabi.

Naglakad sila sa mahabang pasilyo sa unang palapag. Ilang bakanteng silid din ang nadaanan nila.

"Ah, Mang Celso, anong building ho dapat ito?" tanong ni Alysson.

"Elementary school," payak nitong sagot.

Napahirit na rin siya ng tanong, "Eh bakit ho hindi natapos?"

"Tsk, palagi namang hindi natutuloy ang kahit anong establishment na itinatayo rito eh."

"Parang cursed po?" si Alysson.

"May kinalaman ho ba ito do'n sa lumang kapilya?" sabad ni Gino.

Tumawa si Mang Celso. "Bahala kayo kung ano'ng gusto n'yong isipin."

Napipikon na si Lia sa lalaki. Hindi lang dahil sa sobrang tipid nitong sumagot, kung hindi sa aroganteng paraan nito ng pakikipag-usap sa kanila. Paano nila magagawa nang maayos ang documentary report nila kung ganitong hindi cooperative ang guide nila?

Handa na sana siyang umangal sa asta ng lalaki nang bigla siyang tignan ni Gino para senyasang tumahimik. Kilalang-kilala na nito ang ugali niyang madaling uminit ang ulo.

"Marami na ring mga taga-media ang pumunta dito. May mga foreigners pa nga. Pero kayo lang ata ang unang mga estudyanteng bumisita rito para makita 'yong kapilya." Sige pa rin sa paghithit ng sigarilyo si Mang Celso. "Basta sandali lang kayo sa loob. Hindi kayo pwedeng magtagal."

Nakarating sila sa dulo ng pasilyo. May isang malaking pinto roon na nahaharangan ng rehas na bakal. Nakakadena iyon at sinasabitan ng malaking kandado. Kinuha ni Mang Celso ang susi mula sa bulsa ng pantalon at binuksan ang pinto.

Dilim ang sumalubong sa kanila pagpasok sa loob. May kinapa ang lalaki sa pader at sumindi ang maliit na bombilyang kulay dilaw ang liwanag. Sa harap nila ay may isa na namang pasilyo na mas maiksi kumpara sa una nilang dinaanan. Nang marating ang dulo ay tumambad sa kanila ang mas maliit na pinto. Binuksan din iyon ni Mang Celso.

At namangha sila sa kanilang nakita.

"So this is the century-old chapel, Gino?" amazed na sabi ni Alysson habang nililibot ng tingin ang paligid.

"Yes. Naitayo ito no'ng nineteenth century. Tama nga 'yong sabi nila. Ni wala man lang itong bitak. Nakapagtataka raw na hindi man lang ito naapektuhan ng lindol noong 1880, to think na 'yong mismong dating Boso-Boso church ay nagkasira," pahayag ng binata.

Iginala na rin ni Lia kanyang mga mata. Sapat ang liwanag na nagmumula sa maliliit na bintanang naroon upang makita ang buong lugar. Medyo mataas din ang bubong niyon at napakaluwang ng espasyo sa loob. May iilang bangkong yari sa kahoy, at sa gitnang bahagi ng sahig ay may nakaguhit na malaking araw. Kulay pula iyon.

Napadako ang kanyang tingin sa altar at nilapitan iyon. Isang mahabang mesang yari sa bato ang nakapuwesto roon. Mapapansin din ang bakas ng mga naupos na kandila sa ibabaw niyon. Mga kandilang pulos itim at pula lamang ang kulay.

Sa pag-angat ng ulo ay napansin niya ang nakasabit na krusipiho sa dingding. Payak na krus iyon na kulay itim at nakaukit sa gilid ang mga simbolong hindi niya maunawaan. Kahit sino ang tanungin ay sasabihing hindi iyon ang tipo ng krus na dinadasalan ng mga Katoliko.

Napaatras siya. Pakiramdam niya ay nagtaasan ang kanyang mga balahibo.

"Bakit gano'n 'yong krus... p-parang iba."

11TH CONTRACTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon