Chapter 8 - Aurora

104 5 0
                                    

"TEKA Lia, hindi mo ba talaga alam kung saan dito 'yong bayan na pupuntahan natin?"

"Hindi eh. Hindi pa kasi ako nakakapunta roon. Ang sabi lang sa 'kin ni Manang Linda, magtanong na lang daw tayo. Pagdating sa bayan, madali na lang daw mahahanap 'yong bahay."

"Doon tayo magtanong." Tumuro si Gino sa isang malaking tindahan ng pasalubong sa di kalayuan. Itinabi nito ang kotse saka sila bumaba. Nilapitan nila ang tindera.

"Ale, magtatanong lang ho, saan ho dito 'yong San Isidro?" si Gino ang nagtanong.

"Ah, doon pa 'yan. Mga dalawang bayan pa ang dadaanan ninyo."

"Sige ho, salamat," sagot naman niya. Agad silang bumalik sa sasakyan at binagtas ang kahabaan ng kalsada.

Mag-iisang oras na ang nakalilipas pero parang wala pa rin silang nakikitang kahit na anong bayan. Hindi nila alam kung dahil lang ba sa madilim ang paligid o talagang magubat lang ang bahaging iyon ng probinsiya. Maya-maya'y napansin nilang nagiging pamilyar ang paligid. Kapwa sila nagulat sa isang realisasyon.

"Gino, 'yong tindahan..."

"Nakikita ko nga. Nanggaling na tayo dito."

Itinabi ni Gino ang sasakyan. Sandali silang nag-isip.

"Naliligaw tayo," obserbasyon ni Gino.

"Tama nga 'yong sinabi ni Mang Celso. Talagang pinipigilan tayo ni Dantalion."

"Huwag kang mag-alala. Ang kaya lang ng mga demonyo ay manakot. Hindi niya tayo kayang pigilan nang tuluyan," matatag nitong wika.

"Didiretso ba tayo?"

"Kailangan." Ini-start muli ni Gino ang sasakyan pero sa pagkakataong iyon ay nagloko na ang makina. Bumaba silang pareho. Bitbit ang flashlight na kinuha ng binata sa compartment, nilapitan nito ang hood ng sasakyan at itinaas iyon upang masilip ang makina.

"Matatagalan tayo kapag inayos pa natin 'to," saad ng binata.

"Anong gagawin natin?" Nagsisimula na siyang makaramdam ng kaba dahil lampas alas-diyes na ng gabi.

"Don't worry Lia, we'll make it." Masuyong hinawakan ni Gino ang magkabila niyang braso. Kahit papaano'y nakaramdam siya ng lakas ng loob. "May nakikita pa 'kong mga jeep na dumaraan. Baka pwede tayong sumakay na lang doon."

Muli silang lumapit sa tinderang pinagtanungan nila kanina. Inasahan na nilang magtataka itong naroroon na naman sila. Sinabi na lamang nilang nasiraan sila.

"May mga jeep ba kaming pwedeng sakyan dito na dadaan ng San Isidro?"

"Ay, oo. Maghintay lang kayo diyan."

Kinuha nila ang mga gamit mula sa kotse at nag-abang ng jeep.

"Ilang minuto na tayong naghihintay dito, pero wala pa ring dumadaan," buntung-hininga ni Lia makalipas ang ilang sandali.

"Maghintay pa tayo."

Muli na naman siyang nakaramdam ng kakaibang lamig. Sa puntong iyon ay awtomatikong napadako ang tingin niya sa isang pigurang nakatayo sa gitna ng kalsada. Ang batang babae. Nakatingin ito sa kanya. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kanya kung sino ito at kung anong kailangan nito sa kanya. Ni minsan ay hindi naman ito nagparamadam ng kagustuhang masaktan siya. Kaya't natitiyak niyang hindi ito kampon ng demonyo.

"May jeep na," bulalas ni Gino habang pinapara ang sasakyan. At katulad ng dati, nawalang muli ang batang babae.

***

11TH CONTRACTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon