DILIM ang sumalubong kay Lia pagpasok sa loob ng silid. Wala na ang matingkad na liwanag na nasaksihan niya noong unang pasok niya roon. Tanging ang liwanag na nagmumula sa dala niyang kandila ang siyang gumagabay sa kanya. Hinagilap niya ang markang bilog. Tumapak siya roon at umupo. Tahimik siyang naghintay.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at inusal ang orasyong ipinakabisa sa kanya ni Mang Celso. Saka niya sinambit ang pangalan ng demonyo.
"Dantalion..."
Naghalo ang lamig at init sa hanging yumakap sa kanya. Muli niyang naramdaman ang pamilyar na pamimigat ng katawan. Naroon din ang sensasyong tila dinidilaan ng di nakikitang apoy ang kanyang balat, partikular ang birthmark niya sa likod. Hindi siya kumportable sa kinauupuan pero pinanatili niyang kalmado ang sarili. Gaya ng bilin ni Mang Celso, hindi siya dapat magpakita ng kahinaan o takot sa harap ng demonyo.
"Narito ka upang pigilan ang iyong kamatayan?" narinig niyang nagsalita ang makapangyarihang boses na animo umahon mula sa hukay. Magaspang at malalim. Nakakapanindig-balahibo.
Sa pagmulat niya ng mga mata ay nakita niyang kusang nagkaroon ng apoy ang mitsa ng mga kandilang nakapalibot sa markang bilog na tila ba pinitikan iyon ng kung anong mahika. Sa kanyang harapan ay lumitaw ang pamilyar na mukha ng lalaki. Nakakaakit ang anyo, ngunit nagtataglay ng mga matang nakapangingilabot. Namumula ang mga iyon ngayon!
"Ang medalyon na iyan." Dumako ang tingin nito sa kuwintas na nakasabit sa kanyang leeg. Isang mapaglarong ngisi ang gumuhit sa mamula-mula nitong mga labi. "Takot kang mabasa ko ang iniisip mo, tama?"
Tahimik pa rin siya. Hindi niya alam kung sa paanong paraan niya ito sisimulang kausapin. Hindi ganoong kadaling makaharap ang isang demonyo. Malayong-malayo ito sa normal na buhay na kanyang kinalakhan. Pinilit niyang kumbinsihin ang sarili na supilin ang takot na nagbabadyang umahon mula sa kaibturuan niya. Inipon niya ang lahat ng tapang at humugot ng malalim na hininga.
"Anong dahilan ng pagtawag mo sa 'kin?" pasensyosong tanong ni Dantalion na hindi pa rin naaalis ang ngiti sa mga labi.
"Gusto kong makipagkasundo," deretsahang saad niya.
Lalong lumawak ang ngiti nito. "Alam mong buhay pa ang kasunduan namin ni Aurora, hindi ba? Buhay mo at buhay ng iyong magiging anak ang akin pang hinihintay."
"Gusto kong gumawa ng bagong kasunduan."
Kiniling nito ang ulo at tila ba naaaliw itong pagmasdan siya. "At bakit ako papayag sa gusto mo?"
"Dahil maaaring hindi mo makuha ang kaluluwa ko."
Bahagyang naningkit ang mga mata ng demonyo. "Hmm... Anong ibig mong sabihin, Lia?"
Inilabas niya ang punyal na itinago niya kanina sa loob ng damit. Itinapat niya iyon sa kanyang dibdib.
Humalakhak ang demonyo. "Sa tingin mo ba'y maililigtas mo ang mga buhay na nakasangla sa akin kapag ginawa mo iyan?"
Maliit siyang ngumiti. "Alam kong hindi. Pero mas lalong hindi mo makukuha ang kaluluwa ko, at nang magiging anak ko. Hindi ba't iyon ang mas kailangan mo?"
Napalis ang ngiti sa mga labi ng kaharap. Matalim siya nitong tinitigan.
"Ano? Hindi ka pa rin ba papayag sa gusto ko? Kung gano'n, mabuti pang tapusin ko na ito." Itinaas niya ang punyal at akmang itatarak iyon sa kanyang dibdib nang marinig ang pagpigil ni Dantalion.
"Sandali!" Naninimbang ang tingin na ipinupukol nito sa kanya. Maya-maya ay nagsalita itong muli sa pormal nang tono, "Pumapayag ako. Sabihin mo ang gusto mong mangyari."
BINABASA MO ANG
11TH CONTRACT
HorrorDocumentary report tungkol sa mga supernatural beliefs lamang ang pakay nina Lia sa Antipolo. Pero hindi inaasahan na ang pagpunta nila roon ang magiging simula ng pagtuklas niya sa isang lihim ng kanyang pagkatao. Isang bagay ang kailangan niyang...