MAAGA palang ay bumangon na si Hannah, kailangan niyang mag-submit ng monthly end reports sa Head Office kaya hindi siya puwedeng ma-late sa trabaho.
Dumeretso siya sa kusina para magtimpla ng kape nang maabutan sa veranda si Lola Concha. Hinihintay na naman nito ang pagsikat ng araw, nakagawian na iyong gawin ng abuela. Hinahayaan nalang nila ito, maya-maya ay babalik din naman ito sa pagtulog.
Nilapitan niya ang abuela at malambing na niyakap mula sa likuran nito. "Good morning, 'La," magiliw niyang pagbati.
"Morning, apo." Ngumiti ito.
Naupo siya sa tabi ni Lola Concha. "Nami-miss niyo na naman po ba si Lolo?"
Marahan itong tumango. "Walang segundo na hindi siya laman ng isipan ko," usal nito.
Ilang sandali lang ay sumilip na ang haring araw. Pinagmasdan niya ang matamis na ngiti nito habang yakap ang sarili.
"Alam mo bang walang kasing-ganda ang pagsikat ng araw sa Albay habang tanaw mo ang Mayon? It was majestic, Hannah." Bakas sa mga mata nito ang pananabik na muli iyong mapagmasdan. "Sana ay makita ko ulit ang bukangliwayway sa lugar na iyon bago man lang ako pumanaw."
"Lola naman, eh!" Sumimangot siya. "Aabot pa kayo ng one hundred at makikita niyo pa ang magiging apo niyo sa 'kin."
Mahina itong tumawa. "Eh, kailan pa kaya iyon? Wala ka ngang nobyo, ni manliligaw ay wala."
She pouted. "Siyempre, kayo ang priority ko kaya saka na ang lovelife kapag magaling na kayo."
Kasalukuyang nagda-dialysis sa sakit na diabetes ang abuela, habang tumatagal ay humihina na ang katawan nito at lumalabo na rin ang paningin.
Ginagap nito ang kaniyang palad. "Salamat sa lahat ng pagsasakripisyo mo, napakasuwerte namin ng Mama Helen mo sa'yo," wika nito. "Pero mahaba na ang nilakbay ko sa mundong 'to, napapanahon na para sarili mo naman ang isipin mo." Parang may tumusok sa kaniyang mga mata, nagpapaalam na ba ito sa kaniya?
"Lola naman, eh. Huwag naman kayong magsalita ng ganyan," naiiyak niyang sabi.
Tumawa ito. "Huwag kang mag-alala, apo. Wala pa naman akong nakikitang puting liwanag."
"Lola!"
"Biro lang." Napasinghap siya, saka nagsumiksik sa abuela para yumakap dito. Nagbuntong-hininga ito. "Kung maibabalik lang sana sa atin ang dati nating lupain sa Albay, nakapanghihinayang lang na nawala iyon." Nasa High School palang yata siya ay naririnig na niya iyon sa abuela.
Pinilit niyang ngumiti kahit ang totoo ay nais na niyang umiyak. Ayaw niyang nalulungkot ito, she loved her grandmother so much na handa siyang kalimutan ang pag-aasawa para lang alagaan ito.
"Huwag kang mag-alala, 'La," sabi niya. "Your wish is my command!" Napatingin ito sa kaniya. "Pupunta ako ng Albay at pagbalik ko, ikaw na ulit ang may-ari ng lupaing iyon."
"ABA, mukhang maglalayag ang bruha, ah!" puna ni Girllyne nang makita ang hawak niyang Leave Request, katatapos pa lang niyang papirmahan iyon sa HR Officer. "Saan ka pupunta?"
"Sa Albay," sagot niya, walang bahid ng excitement at saya ang pagkakasabing iyon ni Hannah. Inumpisahan niyang buklatin ang ilang folders na nakapatong sa kaniyang desk at nag-tipa para sa ihahabol na reports bago siya umalis.
"Ano'ng gagawin mo do'n?" usisa nito.
Nagtataka marahil ang kaibigan dahil alam nito na todo-kayod siya para sa pamilya at wala siyang panahong magbakasyon. Imbis na ipanglalakwatsa ay ipambabayad nalang niya iyon sa ospital.