Chapter Four

4.3K 106 1
                                    

"'Mall tayo."

Nagulat si Elise nang biglang magsalita si Clint na nasa tapat niya. Nakasandal ito sa pader na katapat ng classroom nila. Katatapos lang ni Elise na mag-exam at isa siya sa mga naunang natapos kaya lumabas na siya ng classroom. Iyon ang huling exam ni Elise nang araw na iyon.

Wala silang usapan ni Clint na aabangan siya nito pero dahil madalas silang magkasama sa eskuwelahan ay hindi kataka-taka na bigla na lang siya nitong pupuntahan, lalo na at ganoon din naman siya rito dati, noong hindi pa nito sinasabi sa kanya na balak nitong ligawan si Daisy.

Mula kasi nang sabihin ni Clint iyon ay medyo umiwas na siyang makasama ito. Alam ni Elise na mas lalala lang ang nararamdaman niya para dito kung palagi silang magkasama at wala rin siyang balak alamin pa ang progreso ng panliligaw nito dahil hindi naman siya masokista.

Dalawa lang silang nasa hallway kaya medyo ramdam ang katahimikan sa pagitan nila.

"Wala ka na bang exam mamaya?" tanong na lang ni Elise kay Clint bago pa siya mailang nang tuluyan.

"Isa lang ang exam ko ngayon, 'di ba?" tila naaaliw pang sabi ni Clint sa kanya na para bang inaasahan nitong kabisado niya ang schedule nito sa bawat araw.

Kunsabagay, kabisado naman talaga ni Elise iyon, lalo na at requirement sa club nila ang magbigay ng kopya ng mga class schedule nila at siya ang nangolekta sa mga iyon.

"So, ano? Tara?" yaya uli ni Clint sa kanya.

Tatanggihan sana ni Elise si Clint nang bahagyang bumukas ang pinto sa likuran niya. It was Daisy.

"Ay, sorry," hinging-paumanhin ni Daisy sa kanya. Mukhang gaya niya ay natapos na rin nito ang exam nila.

"Hi, Daisy," bati agad ni Clint dito.

"Uy, kumusta?"

Naipakilala na noon ni Elise ang dalawa at kahit hindi madalas magkita ang mga ito ay magaan ang loob ng mga ito sa isa't isa. Madali rin kasi para kay Daisy ang makisama sa ibang tao. Natural na friendly ito kahit kanino. Kaso, hindi maiwasang mainis ni Elise, lalo na at tila wala na siya sa eksena kung mag-usap ang dalawa.

"Gusto mo bang sumama sa mall?"

"Naku, sorry magla-library pa 'ko, eh," sagot ni Daisy kay Clint.

"Okay lang. I'll wait for you."

Nainis na talaga si Elise. "I'll wait for you" ka diyan! Ang landi mo, ah, anang isip niya. Gusto niyang batukan si Clint kung puwede lang dahil alam niyang may ibang kahulugan para dito ang paanyaya nito kay Daisy. Hindi niya tuloy alam kung hinintay ba talaga siya nito, o sadyang ginagamit lang siya nito para makaporma kay Daisy. Nang hindi na makatiis si Elise ay mabilis na nagpaalam siya sa mga ito. Agad ding nagpaalam si Daisy na pupunta na sa library.

Hindi gustong makita ni Elise na sasamahan pa ni Clint si Daisy kaya tumalikod na siya at dire-diretsong lumabas ng eskuwelahan. Alam niyang hindi na siya ang pipiliin ni Clint na makasama. Masamang-masama ang loob niya pero wala siyang magagawa kundi ang maglakad na sambakol ang mukha. Malapit na siyang mapamura nang malakas dahil sa sobrang inis nang biglang may humawak sa magkabilang balikat niya mula sa likuran niya. It was Clint. Hindi niya akalaing hahabulin siya nito.

"Ba't mo ako iniwan?"

"Malay ko bang gusto mo pa pala akong kasama!" hindi na naitago ang tampo na sagot ni Elise rito.

Nginitian lang siya ni Clint at mabilis na itinulak siya habang nakahawak pa rin ang mga kamay sa magkabilang balikat niya. Ang nangyari tuloy ay kailangang bilisan ni Elise ang paglalakad kung hindi ay masusubsob siya.

Cupid's TrickTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon