KABANATA 2
KASABAY NANG mabagal na tugtugin na nagmumula sa kaniyang laptop ay sinabayan ito ni Celestine ng maingat na galaw. Kanina pa siya nasa ganitong paglilibang dahil bukod sa naiinip na siya ay namimiss rin niya ang pagsayaw.
Habang ginagawa niya ito ay hindi maiwasan na alalahanin ni Celestine ang nakaraan...
FLASHBACK
"GUSTO KO'NG sumayaw. Gusto kong bumuo ng grupo na siyang makikilala sa buong bayan ng San Ildefonso," aniya sa nobyong si Mix Caleb Romero. Nasa garden sila ng eskuwelahang pinapasukan at nagpapalipas ng oras habang free time.
"Kaya ka ba sumali sa Music club para sa dance troup?" tanong ng binata. Tumango siya kaagad at umayos ng upo.
"Iba ang nararamdaman kong saya kapag sumasayaw ako. Ang sarap sa feeling. Ewan ko ba!"
"Paano ang daddy mo? Alam mo na ayaw niyang sumasayaw ka."
Ang masayang mukha niya ay napalitan ng lungkot. Ang sinabi ni Mix ay may katotoohanan.
"Basta. Gagawa ako ng paraan para magkaroon ako ng grupo at magiging sikat ito. Kahit si daddy ay walang magagawa rito. Ipaglalaban ko ang pangarap ko," aniya.
END OF FLASHBACK
DALAWANG PATAK ng luha ang nag-unahan sa paglandas sa kaniyang mga pisngi.
'Wala akong nagawa sa pangarap ko. Wala akong nagawa para ipaglaban kay daddy ang gusto ko.'
"Senyorita Celestine, dumating na po ang Ninang Consuelo ninyo. Hinihintay na nila kayo sa baba," ani Teresita sa labas ng kwarto niya. Lumapit siya sa laptop niya at pinatay ito. Mabilis niyang kinuha ang towel at pinunasan ang pawis.
"Mag-aayos lang ako," aniya at pumasok sa banyo.
Nang makababa siya sa sala ay tawanan ng kaniyang ama at Ninang Consuelo ang nangingibabaw. Tumikhim siya upang kuhanin ang atensyon ng mga ito."Hija, mabuti at bumaba ka na," ani daddy ni Celestine. Tumayo ito at sinalubong siya pero linagpasan lamang niya ito.
"Ninang," bati niya sa kaniyang ina-inahan at nagmano rito. Ngumiti ito sa kaniya at yumakap.
"Kumusta ang balik-bayan kong inaanak? Ready ka na ba sa party mo sa Sabado? Pinaghandaan iyon ng ama mo kaya paniguradong bongga at puno ng mga sikat na tao."
Umupo siya sa sofa, katapat ng kaniyang ninang. Ang ama naman nito ay kausap ang maid na siyang pinagdadala ng makakain.
"Alam ni daddy na hindi ako mahilig sa party."
"But you love music, right?" singit ng ama niya. Nakaupo na ito sa isang solo sofa na halos nakapagitna sa kanilang magninang.
"Of course. Mas mahal ko pa ang musika kaysa..." Hindi na niya tinuloy ang sasabihin dahil baka mabastos niya ito. Humarap si Celestine sa kaniyang ninang na nakatingin lamang sa kanilang mag-ama. "By the way, ninang. Kumusta ang business mo?"
"Well, it's getting bigger and famous, at the same time."
"Really? Balita ko hawak mo na raw sina Manager Dory? Kayo pala ang sumalo sa kanila noong mga panahon na kinailangan ko silang iwanan," may bahid ng pagpaparinig sa ama ang kaniyang binitiwang mga salita.
"Yes, hija. Actually, ang daddy mo mismo ang kumausap sa'kin na kuhanin ko nga raw ang grupong UDT dahil pabagsak na ito noon."
Kumunot ang noo niya at nagtatakang napalingon sa ama. "What do you mean, ninang?"
"Alam mo naman kasi na ayoko talaga sa anak sa labas ng kapatid ko. Masyadong rebelde si Mix ngunit noon iyon. Mula nang umalis ka ay nagpursigi siya at ang buong grupo. Sa ngayon ay okay na kami kahit paano ng pamangkin ko." Bahagyang may kumirot sa puso niya. Aminado naman siya na pasaway ang lahat ng miyembro ng Breaking Steps noon—UDT ngayon. Iba-iba naman kasi ang dahilan nila.