KABANATA 8
NAKAYUKO LANG si Celestine habang panay ang kislapan ng ilaw ng mga camera sa kaniyang harapan. Nakaupo silang magkakaibigan ng magkakatabi. Siya ang pinaka nasa gitna habang katabi niya sa kanan si Mix, sa kaliwa naman ang ama.
Naramdaman niyang may humawak sa kaniyang palad at bahagyang pinisil iyon. Nagulat man ay kaagad din siyang nakabawi nang ngumiti Mix. Iyong ngiti na nagpapabilis ng tibok ng kaniyang puso.
"M-mix..."
"Relax. Everything will be okay, Celest." Tumango na lang siya nang marahan bago humarap sa mga tao.
"And now, we may start the live interview of Unbreakable Dance Troup. You can now ask them some questions pero hindi lahat lalo na kung pribado. Uulitin ko, kung pribado, hindi lahat masasagot," ani Ninang Consuelo niya sa mikropono. "And by the way, one at a time lang ang pagtatanong."
May mga bulungan sa paligid. Panay pa rin ang flash ng mga camera at alam niya nasa kaniya ang focus ng mga ito. May nagtaas ng kamay sa gawing likod at tinawag ito ng isang tumatayong host ng interview.
"Good day po sa lahat ng nandito. I'm Amethyst dela Torre of GMC network. Gusto ko lang sana itanong kay Engineer Celestine del Buena kung totoo ba ang balitang inagaw nito ang grupong UDT sa dating girl leader na si Loreign Sandoval?" Tumingin muna si Celestine sa mga kasamahan. Nang mapunta sa ama niya ang kaniyang mga mata, ngumiti ito at bahagyang tumango.
"Tell them the truth," turan nito.
Ngumiti rin siya saka hinawakan ang mikropono at itinapat sa bibig. "Ahm, before anything else... Good day to everyone." Huminga siya nang malalim saka nagsalita. "Hindi po totoong inagaw ko ang puwesto ni Loreiyn Sandoval bilang girl leader ng grupo. Dahil bago po siya, ako po muna. Umalis lang po ako dahil kinailangan kong mag-aral sa ibang bansa." Napuno ng bulungan ang buong silid na iyon. Tumango-tango ang unang nagtanong ay sinundan naman ng isang lalaki.
"E, totoo po bang iniwan ninyo sa ere ang grupo?"
Inalis muna ni Celestine ang hangin na nakabara sa kaniyang lalamunan bago sumagot."Kung pag-iwan sa ere ang tawag sa ginawa ko sa kanila, siguro ay oo. May dahilan naman ako kung bakit ko 'yon nagawa."
Sumunod pa ang isa.
"E, ano naman po ang masasabi ninyo tungkol sa kumakalat na issue na inagaw daw ninyo si Mix Rovero sa dalagang si Loreign Sandoval?" Lumingon siya saglit kay Mix. Nakatagilid ang ulo nito habang kagat-kagat ang gilid ng sariling labi.
"W-wala akong inaagaw. Kung ano man ang sa amin ni Mix noon, t-tapos na 'yon. Hindi ko alam kung ano ang issue na ginawang iyon ni Loreiyn—"
Hindi na naituloy ni Celestine ang sasabihin nang biglang magsalita si Mix gamit ang isa pang mikropono. Kung saan nito iyon nakuha ay hindi niya iyon alam."Wala kaming naging relasyon ni Loreign. For publicity lang ang lahat. Para lang sa fans." Malamig na sagot nito. Kitang-kita niya na nagngangalit ang bagang nito. Muling umugong ang bulungan sa buong silid.
"E, ano naman ang masasabi mo, Engr. Del Buena sa mga bashers mo na nagkalat online?" Nagkibit-balikat lang siya. Pilit pinakalma ang sarili at kunwari ay hindi apektado.
"I really don't care. Wala naman silang alam."
"Paano na ang pagiging engineer mo? Tuluyan mo na bang iiwan ito gaya nang pag-iwan mo rin noon sa grupo mo?" tanong ng isang may-edad na babae.
Bahagyang kumirot ang puso niya dahil sa tanong na iyon. Yumuko siya upang huwag makita ng lahat ang panunubig ng kaniyang mga mata."N-no. Hindi ko iiwan ang propesyon ko. Iyon ang pangarap ng daddy ko sa akin na pilit kong inaayawan noon pa man. Nang lumipad ako patungong New York City, sa pag-aaral ko binuhos ang buong atensyon ko. Hindi ko sasayangin ang effort ko nang mahabang taon at ayokong ma-disappoint ang daddy ko."