KABANATA 7
HINDI NA nagtaka si Celestine nang may maabutan siyang abogado sa office ng Ninang Consuelo niya. Nandoon na rin ang ibang miyembro ng UDT maliban kay Mix dahil wala ito sa loob. Agad na lumapit si Joshua sa kaniya at binati siya. Gumanti siya rito at nanatiling nakatayo silang dalawa sa gilid ng ama.
"Kulang 'ata ang myembro?" tanong ng daddy niya. Naglipat-lipat ang mga mata nito sa lahat ng tao na nasa office.
"S-sir Del Buena, umalis lang po sandali si M-mix." Nauutal na sabi ni Jessie.
"And where did he go? Don't tell me pinuntahan pa niya ang Loreiyn na 'yon?"
"Hindi, amigo. Hindi gagawin ng pamangkin ko 'yan. Hindi niya ugaling maghabol sa taong iniwan siya." Rinig ni Celestine ang tinuran ng kaniyang ninang pero nanatili siyang nakatayo at nakatulala sa lamesang gawa sa salamin.
Malamig ang aircon na siyang lumulukob sa buong opisina pero tila pinagpapawisan ang mga magkakaibigan dahil sa tensyon. "Okay. P'wede ba kitang kausapin, amiga? 'Yung tayo lang dalawa," ani kaniyang ama dahilan para palabasin muna sila ng silid.
Nang makalabas sila at ang walong miyembro ng UDT ay nakahinga sila ng maluwag pare-pareho. Sakto namang dumating na si Mix na nagtitipa pa sa cellphone. Gulat itong napatitig sa kaniya. Nag-iwas lang siya ng tingin dahil naiilang siya sa presensya nito.
"Finally, you're here! Hinahanap ka ni Sir Del Buena. Sa'n ka ba galing?" tanong ni Jessie.
"May kinausap lang." Na kay Celestine pa rin ang mga mata nito. "Are you okay?"
Lumingon siya sa mga dating kagrupo upang matingnan kung sino ang posibleng tanungin ng binata. "Tinatanong ka ni Mix, Celest." Sinamaan niya ng tingin si Jio na tatawa-tawa.
Bumalik ang mga mata niya sa binata pero halos manigas siya sa kinatatayuan nang humakbang ito palapit sa kaniya at hinawakan siya sa pisngi.
"Alam ko na napanood mo ang interview ng Fantastic Troup at ni Loreiyn. I'm so sorry sa mga sinabi niya sa'yo." Bakas sa mukha nito ang pag-aalala. Siya naman ay nakatitig lang sa mukha ng binata.
'Namiss ko ang guwapong mukha ni Mix, sobra.'
Ramdam niya ang panginginig ng kalamnan niya lalo sa tuwing dadantay ang balat nito sa kaniya.
Bahagya siyang umatras at nagbaba ng tingin. Tumikhim siya saka nagsalita. "I-I'm fine. Don't worry."Bumuntong hininga ito bago muling nagsalita. "Wala na kami ni Loreiyn nung isang araw pa dahil nahuli ko siyang kausap sa cellphone si Red."
"Ano?"
"Shit! Bakit niya kausap 'yon?"
"Malandi pala talaga siya."
Kaniya-kaniya ng sinasabi ang bawat magkakaibigan pero siya ay mas piniling makinig na lang. "Narinig ko na balak niya talagang iwanan ang grupo at sasali siya kina Red." Tumahimik ang lahat. Walang nakapagsalita kahit na si Celestine. Ilang minuto rin silang naging tahimik tila nagpapakiramdaman sa isa't isa.
"Hindi ko aakalain na gano'n ang ugali ni Loreiyn." Nakatayo habang nakasandal sa pader si Precious habang nagsasalita. "Mukha siyang mabait. Sa apat na taon nating kasama siya ay gano'n na lang ang gagawin at sasabihin niya sa media? Ang sama niya!"
"Sabi ko na nga ba, may kulong tinatago ang babaeng 'yon. Kaya umpisa palang ayoko na sa kaniya!" singhal ni Gab habang nakapamulsa sa pantalon. "Buti pa 'tong si Celestine, iniwan man tayo noon, may maganda naman siyang dahilan."
Napapikit siya. Kung maiiwasan lang talaga, ayaw niyang balikan pa ang maling desisyon na ginawa niya. Wala rin siyang pinagkaiba kay Loreiyn.
Mang-iiwan sa ere at pabayang leader.