KABANATA 9
PARANG PINUPOKPOK ng martilyo ang ulo ni Celestine nang magising siya kinabukasan. Umungol siya nang gumapang ang kirot sa sintido papunta sa gitna ng mga kilay. Wala sa sariling sinabunutan niya ang buhok at bahagyang hinila-hila.
“Hang over?” Natigilan siya sa ginagawa at noon lang naisipan magmulat ng mga mata. Hinanap niya ang may-ari ng boses na iyon sa kabuuan ng silid.
“M-mix? What are y-you….” Hindi na niya nagawang ituloy ang tanong niya sa binata nang matitigan at masuri niya ang silid na kinalulugaran niya ngayon. “Where am I?” Nanlalaki ang mga mata niya nang mapagtantong hindi niya iyon kuwarto. Bigla siyang naupo at nahigit ang kumot.
“Lasing na lasing ka kagabi. Tinawagan ko si Tito Ben at sinabing dito muna kita itutuloy sa bahay ko.” Nakaupo ito sa isang silyang gawa sa kahoy na ang yari nito ay mahahalatang mamahalin. Tila hari itong nakaupo sa sariling trono.
“What? Pumayag siya?”
“Yes. That's why you're here.” Tumayo ito at dahan-dahang lumapit sa kaniya. Tumabi ito ng upo sa kama at biglang hinawakan ang kaniyang kamay.
Sa gulat ay hindi siya nakakilos. Puno ng pagtataka ang kaniyang nadarama. Aminado siyang gusto niya ito makausap upang linawin ang ilang mga bagay pero ang ginawa nito ay ginulo ang buong sistema niya.
Bumaba ang mga mata niya sa mga kamay nila. Gusto niyang bawiin ang kaniya pero hindi niya nagawa lalo na at umangat ito. Gamit ang dalawang kamay ay hinawakan ni Mix iyon at pinakatitigan.
“I missed holding your hand,” anito saka masuyong hinalikan ang likod ng palad niya. Nagdulot iyon ng kakaibang kuryente na dumaloy patungon sa dibdib niya. May biglang kumurot sa puso niya lalo na at magtama ang kanilang mga mata.
Umawang ang kaniyang mga labi nang makitang namumula ang mukha ni Mix.
“Kahit maraming taon na ang lumipas, i-ikaw pa rin, e!” saad nito bago suminghap ng hangin. Tila iyon ang paraan upang mailabas ang lahat ng bigat sa dibdib nito.
“M-mix,” nabasag ang kaniyang boses. Nangilid ang luha sa mga mata niya. Gusto niyang yakapin ang binata pero pinangungunahan siya ng takot.
“Ang sakit nang pagtalikod mo sa amin. Sa pangarap natin noon. Sa akin.” Namula ang mga mata nito bago yumuko.
Pumatak ang mga luha niya sa kaniyang mga pisngi. Hindi na siya nakapagpigil at humulagpos na ang kaniyang tunay na nararamdaman. “I'm s-sorry…I'm really sorry, Mix.” Hinawakan niya ang pisngi nito at mas umayos ng upo. Lumapit siya sa binata at yumakap dito.
‘Itaboy mo man ako, Mix ay ayos lang. Basta pormal na makahingi lang ako ng tawad sa'yo.’
Naramdaman niya ang paghawak nito sa kaniyang braso. Natigilan siya sa pag-aakalang aalisin nito ang yakap niya rito.
“M-mix?” Ganoon na lang ang gulat niya nang sumampa ito sa kama at niyakap siya nang buong-buo. Nanlalaki ang mga mata niya lalo na nang ilapat nito ang labi sa kaniya. Halos padampi-dampi at puno ng paggalang ang halik ni Mix sa kaniya pero nagdudulot ng kakaibang bagay sa sistema niya.
Gusto niyang magprotesta pero may umaawat sa kaniyang isip. Ang tibok ng puso niya ay walang kasing-lakas. Ang kaninang sakit ng ulo niya ay tila may mahikang nagpawala.
“I still love you, Celest,” bulong nito sa kaniyang tainga nang maghiwalay ang kanilang mga labi. Tinitigan niya ang mukha nito at ganoon din sa kaniya. Unti-unting nanlabo ang kaniyang paningin habang sinusuri ang mukha ng binata. “Do you still love me? Will you p-please come back to me?”