Part 4: Gareth

5.1K 160 0
                                    

ILANG segundong nakatitig lang si Gareth Montalvo sa wineglass sa harap niya. Animo ay tuod siyang nakatayo lang pagkatapos ibaba ang telepono. Bakit ba puno ng mga unexpected calls ang buwang iyon? At hindi lang iyon mga simpleng tawag kundi mga tawag na may dalang masamang balita.

Una ay ang aksidenteng pumatay sa mommy niya...

Mariing pumikit si Gareth. Tila pait at talim ng lason ang gumuhit sa kanyang dibdib. Kumalat ang sakit na iyon hanggang sa magsikip ang paghinga niya. Pahablot niyang niluwagan ang kanyang neck tie. Tatlong buwan na ang lumipas pero hindi nabawasan kahit katiting ang sakit. Pakiramdam nga niya ay mas nagiging miserable siya sa bawat araw na lumilipas. Naalala niyang isang linggo siyang halos wala nang malay sa kalasingan dala ng gabi-gabing pag-inom. Hindi niya kinaya ang labis na kalungkutan nang mga unang gabing mag-isa na lang siya.

Dalawang buwan ang lumipas, nagkaroon siya ng dahilan para patuloy na mabuhay—ang balikan at harapin ang walang kuwenta niyang ama na nang-iwan sa kanilang mag-ina noon para sa ibang babae. Haharapin niya ang ama para ibalik ang sakit ng loob na ipinaramdam nito sa kanilang mag-ina mula noong fourteen years old lamang siya.

Subalit hindi pa man nauumpisahan ang mga plano ay tinanggap na ni Gareth ang regalong para sa kanya na iniwan ng kanyang ina sa best friend nito—isang video clip na nagbibilin na bumalik siya sa kanyang ama dahil iyon daw ang dapat. Hindi nagbigay ng paliwanag sa mga sinabi ang mommy niya, ang binanggit lang ay magiging masaya raw ito kapag sinunod niya ang gusto nito.

Mas sumidhi ang galit ni Gareth. Alam niyang may ginawa ang daddy niya na nagpabago sa isip at damdamin ng mommy niya. Hanggang sa huling pagkakataon ay tila alipin pa rin na napapasunod ng kanyang ama ang kanyang ina. He hated his father all the more for that.

Labag man sa loob ay sinunod ni Gareth ang bilin ng kanyang ina. Hinarap niya sa unang pagkakataon si Gaelle Montalvo. Gusto niyang humalakhak nang walang laman nang sabihin ng kanyang ama na isang malaking pabor ang kailangan nito mula sa kanya.

His father wanted him back because he was the one suited for the position he would vacate soon, not because he needed him as his son. Humalo ang sakit sa galit. Gusto niyang sugurin ang ama na kalmadong nakaupo sa silya para saktan, para sabihin kung gaano ito kawalang kuwentang ama, para isigaw sa mukha nito kung gaano sila sinaktan ng mommy niya, at kung paano sinira ng kanyang ama ang magandang tingin niya sa mundo noon.

Ngunit mas piniling manahimik ni Gareth. Agad niyang naisip na tanggapin ang trabaho para sirain ang lahat ng pinaghirapan ng daddy niya—ang magandang image nito sa trabaho, ang respeto ng mga tao, ang kompanyang pinahahalagahan nito. Gusto niya ring durugin ang pride at puso ng kanyang ama. Iyon ang plano hanggang sa tinanggap niya ang tawag ni Auntie Glaire—na malapit sa kanilang mag-ina—at ipinaalam ang masamang balita.

May sakit ang kanyang ama, malubha ang lagay ng puso sa kasalukuyan.

Nagulo ang mga plano ni Gareth. Paano niya sisirain ang isang taong walang kalaban-laban? Sa loob ng isang linggo ay ilang beses niyang natagpuan ang sarili sa puntod ng kanyang ina. Paulit-ulit niya itong kinakausap para ilahad ang maraming bagay na gumugulo sa kanyang puso.

Kagabi naman, sa kawalan ng mapupuntahan ay natagpuan ni Gareth ang sarili na nasa loob ng isang simbahan. Wala siyang ginawang kahit ano. Hindi siya nanalangin, tahimik lang siyang nakatitig sa altar, at pinakikiramdaman ang katahimikan. Pagkalipas ng mahabang sandali ay natagpuan niya ang sarili na umiiyak nang tahimik, nagbalik sa kanya kung gaano naging miserable ang buhay niya sa mga nakalipas na taon na wala siyang kilalang emosyon kundi galit. Puno ng pait ang puso niya na hindi na nagkaroon ng espasyo sa kanyang dibdib ang mga positibong emosyon.

Nagtapos ang gabing iyon na nag-pass out na naman siya sa kalasingan.

Ngayon, sa ikatlong buwan ng impiyernong sitwasyon ni Gareth ay tinanggap niya ang tawag mula kay Auntie Glaire—lumipad na ito patungo sa States kasama ang daddy niya. Kailangan na niyang tuparin ang usapan nila. Kailangan na niyang magpakita sa Rayos at ituloy ang mga trabahong iniwan ng kanyang ama.

Bigla niyang dinampot ang wineglass at marahas na ibinato sa dingding kasabay ng malakas na pagsigaw na nilunod lang ng malakas na rock music na pumupuno sa apat na sulok ng silid...

Calle Amor PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon