Part 18: The Deal

4.3K 138 1
                                    

SA PANLABINTATLONG araw—isang araw bago matapos ang dalawang linggong palugit na nasa proviso—ay ikinasal sina Jasmin at Gareth sa bahay ng isang judge na kilala rin ng mag-amang Davides. Magkasamang dumating si Daniel at ang ama nitong si Tito Douglas. May witness sila na noon lang din nakilala ni Jasmin.

Isang secret marriage ang kinalabasan ng seremonya dahil walang alam ang mga magulang ni Jasmin. Saka na lang niya ipaliliwanag ang lahat. Wala namang dapat ipag-alala ang mama at papa niya. Alam naman ng mga magulang niya na dati pa ay naging extension na ng Rayos ang bahay ni Sir G. Hindi na bago sa kanyang ama't ina ang madalas niyang pagpapalipas ng gabi roon. Hindi naman matanong ang kanyang mga magulang basta ipinapaalam lang niya kung nasaan siya. Saka na lang niya ipaliliwanag ang naging desisyon.

Sa dokumento mula kay Gareth na pinirmahan ni Jasmin ay nakasaad ang ilang kondisyon nito sa kasal nila. Mali ang naisip niyang prenuptial agreement ang gusto ni Gareth na pirmahan niya bago sila ikasal. Mga kondisyon nito ang nilalaman ng "kontrata."

Simple lang naman ang mga gusto ni Gareth. Una, sa itemized list na nabasa ni Jasmin ay walang dapat makaalam na kasal na sila. Pangalawa, hindi siya makikialam sa personal activities nito. Pangatlo, uuwi siya sa bahay ni Gareth tatlong beses sa isang linggo. Pang-apat, gagawin niya ang trabaho sa Rayos gaya noong si Sir G pa ang kanyang boss. Panlima, anumang oras na tawagan siya ni Gareth ay kailangan niya itong puntahan. Pang-anim, puwede niya itong awayin pero bawal gumamit ng kahit anong nakakasakit na armas. At pampito, bawal lakasan ang boses kung aawayin niya si Gareth—natawa siya sa huling dalawang kondisyon. Hindi niya alam kung seryoso ang groom-to-be o nakatuwaan lang na idagdag iyon.

Pinirmahan ni Jasmin ang kontrata at ipinasa kay Daniel. Ginawa nga ni Gareth ang sinabi na pakakasalan siya pagkatapos niyang pirmahan iyon.

Hindi nila sinundan ang proper ceremony. Hindi nila hinagkan ang isa't isa, pinirmahan lang nila ang mga dapat pirmahan at tapos na ang kasalan.

Umuwi si Jasmin sa bahay nila pagkatapos. Kinabukasan ay pumasok siya sa opisina na parang walang nangyari. Tuloy lang ang trabaho niya tulad ng dati. Inakala niyang magpapatuloy lang silang ganoon ni Gareth, mali siya. Pagkaalis ng lahat ng mga kasama nila ay lumabas ito ng private office at lumapit sa mesa niya.

"MWF, sa bahay ka uuwi," kaswal na sabi ni Gareth. "Dalhin mo ang mga dapat nating tapusin. May tatawagan lang ako, hintayin mo ako sa kotse." At inilapag sa mesa ang susi ng kotse.

Bumalik na sa opisina si Gareth bago pa man makasagot si Jasmin. Napatingin siya sa desk calendar—Wednesday pala ngayon.

Tumawag si Jasmin sa bahay nila habang nagliligpit siya ng gamit. Si Daniel naman ang tinawagan niya habang palabas na siya ng Rayos. Hindi sinasagot ng kaibigan ang tawag kaya hanggang nasa parking area na siya ay sinusubukan pa rin niya itong tawagan. Magkausap sila ni Daniel nang dumating si Gareth sa parking area. Dumiretso sa kotse si Gareth kaya mabilis siyang nagpaalam kay Daniel. "Paalis na kami, Dan. 'Call you later, okay?" Nagmamadali siyang sumakay sa passenger seat.

"Si Atty. Davides ang kausap mo kanina?"

Tumango lang si Jasmin. Naninibago siya kay Gareth. Bakit kaya kalmadong-kalmado ito? Hindi nang-aaway at mas madalas ay tahimik. Mas kinakabahan tuloy siya. Kung sa weather, mas mapanganib ang bagyong kasunod ng sobrang katahimikan. "May hindi pala tayo napag-usapan, Mr. Montalvo—Sir,"

"'Gareth' kapag tayong dalawa na lang, Jasmin."

Kamuntik nang manlaki ang mga mata niya sa narinig. May iba talaga kay Gareth na hindi niya matukoy kung ano. Hindi siya sanay na kalmado ito at tahimik lang. Hindi kaya may masama itong binabalak?

Pinausad na ni Gareth ang sasakyan. "What is it?"

"Ang arrangement natin."

"Arrangement?"

"Pumayag ako sa mga kondisyon mo na hindi man lang ako nabigyan ng chance na magbigay ng mga kondisyon ko. Sa papel lang tayo kasal kaya malinaw dapat ang mga do's and don'ts natin."

"Hindi na kailangan 'yan." Eksaktong nakalabas na sila sa building. "Wala akong kukunin sa 'yo na hindi mo gustong ibigay. And If you want my father's wealth, sabihin mo lang, ibibigay ko nang hindi mo kailangang magdalawang-salita."

Mahabang segundong napamaang si Jasmin. Mayamaya ay hindi na siya nakatiis. "May lagnat ka ba? O ibang espiritu kang nasa katawan ng boss ko?"

Hindi siya pinansin ni Gareth, dinagdagan lang ang speed ng kotse.

Calle Amor PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon