Part 6: Remembering...

4.4K 142 1
                                    

ANG TAGAL nakatulog ni Jasmin nang gabing iyon. Si Gareth Montalvo ang iniisip niya habang nakatitig sa kisame. Wala siyang ideya sa hitsura nito ngayon dahil ang nag-iisang picture na nasa desk ng boss niya ay noong thirty-nine years old lang si Sir G at eleven years old si Gareth-ang larawang dahilan kung bakit pamilyar sa kanya ang mukha ng boss niya. Nakilala niya sa larawang iyon ang mag-ama. Si Gareth ang batang nagbigay sa kanya noon ng ice cream kapalit ng flower necklace niya.

Naalala niyang nagtanong siya kay Sir G kung bakit iyon ang tanging larawang nasa office nito. Malungkot ang naging pagngiti ni Sir G kasunod ang sagot sa mababang boses. "Sa larawang 'yan huminto ang magagandang alaala, Jasmin."

Hindi alam ni Jasmin kung ano ang ibig sabihin ni Sir G at hindi na rin siya nagtanong. Ang alam lang niya ay mag-isa itong namumuhay sa napakalaking bahay na isang hardinero at isang kasambahay lang ang kasama. Madalas siyang nasa bahay ng boss niya dahil sa mga trabahong iniuuwi nito at kailangan ang tulong niya. Halos silid na nga niya ang isang guest room doon na tinutulugan niya. Hindi na siya nito pinapayagang umuwi nang late.

Nakilala ni Jasmin si Sir G bilang mabuting tao kaya hindi niya maisip kung paanong humantong sa isang broken family ang pamilya nito. Base sa natatandaan niya noong seven years old siya ay malapit sina Sir G at Gareth. Isang loving na ama si Sir G para sa kanya kaya hindi niya maisip kung bakit hindi nito kasama ang pamilya-hanggang nang gabing iyon na napakuwento ito sa kanya. Naghiwalay pala si Sir G at ang asawa; at si Sir G ang masama sa paningin ni Gareth. Hindi binanggit ng boss niya ang totoong dahilan ng hiwalayan. Ang binanggit lang ay ang pagmamahal nito sa nag-iisang anak sa kabila ng lahat.

Bago nakatulog si Jasmin ay binubuo niya sa isip ang mukha ng isang lalaking pamilyar ang itim na itim na mga mata...


Calle Amor PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon