Part 8: Anger

4.7K 153 3
                                    

HALOS hindi huminga si Jasmin sa paglilitanya ng sama ng loob. Naroon sila ni Daniel sa loob ng kotse. Sinabi niyang huwag muna silang umalis. Kailangan niyang ilabas ang sama ng loob. Limang minuto yata siyang nagsalita nang halos hindi humihinga. Hanggang nang mga sandaling iyon ay hindi pa rin siya makapaniwalang anak ni Sir G ang nakaharap nilang lahat kanina lang.

Masyadong mabait at kagalang-galang ang dati niyang boss para maging anak nito ang animo ay galit sa mundong si Gareth. Tila wala sa bokabularyo ni Gareth ang respeto sa kapwa. Unang pasok pa lang ay tila gusto nang sirain ang magandang image ng ama nitong nirerespeto nilang lahat.

"Iniisip ko pa rin hanggang ngayon kung paano naging anak ni Sir G ang walang-modong lalaking 'yon, God..." Patuloy sa pag-iling si Jasmin, nakakuyom pa rin ang mga kamay. "Alam mo ba kung ano'ng unang sinabi niya? Instead na batiin kami ng magandang umaga, isang malutong na 'Get back to work, idiots!' ang pasalubong sa aming lahat!" Kahit hindi niya nakikita ang sarili ay nahuhulaan na niyang namumula pa rin ang kanyang mukha sa inis.

Hindi yata humupa ang inis ni Jasmin buong maghapon. Mas tumindi pa dahil tatlong beses siyang tinawag ni Gareth Montalvo na wala namang ipinagawa sa kanya—tinitigan lang siya mula ulo hanggang paa at paa pabalik sa ulo, pagkatapos ay iiling-iling habang nakataas ang isang sulok ng bibig at nang-uuyam ang tingin.

Nagawang pagpasensiyahan ni Jasmin ang unang dalawang beses pero sa ikatlong pagtawag ni Gareth ay handa na sana siyang makipag-away, hindi na niya kayang pigilan ang inis. Noon naman nagbigay ng utos si Gareth na para bang nahulaan na ang gagawin niya. Hiningi nito ang lahat ng trabahong naiwan ng ama at kailangang tapusin.

Kuyom ang mga kamay na bumalik siya sa kanyang mesa. Ilang segundong kinalma niya ang sarili sa kanyang puwesto bago nagpasyang bumalik sa private office ni Gareth. Sinadya niyang pabagsak na ilapag sa mesa ang detailed reports, book records, at mga folder na naglalaman ng mga ongoing project ni Sir G.

Tinawag uli siya ni Gareth nang nasa pintuan na siya. Bago pa man ito nakapagsalita ay inunahan na niya ng malamig na, "'Yan na lahat ang kailangan n'yong malaman, Mr. Montalvo. Kung may details na hindi n'yo maintindihan, itanong n'yo lang at ipaliliwanag ko. Marami akong reports na kailangang i-update, excuse me."

Tumalikod agad si Jasmin at sinadya rin niyang ibalibag ang pinto. Kung hindi lang dahil kay Sir G ay mas gugustuhin niyang ma-fire na lang kaysa makasama ang anak nitong wala yatang nakuha kahit kaunting kabutihan mula sa dati niyang boss.

"At ang sumunod niyang sinabi?" pagtutuloy ni Jasmin sa hindi maawat niyang kuwento. "Marunong talaga daw pumili ng babae ang daddy niya! Hindi lang 'yon, that ugly frog had the nerve to look at me as if I were the worst piece of trash on earth! Sabihin mo nga, mali ba ako ng pagkakaintindi sa sinabi niya? O tama ako—na iniisip talaga ng baliw na lalaking iyon na may relasyon kami ni Sir G, Dan?"

Marahang sumandal si Daniel sa kinapupuwestuhan sa driver's seat, kinamot ng hintuturo ang gilid ng noo—ang mannerism nito tuwing nag-iisip ng sasabihin.

Gusto ni Jasmin na hambalusin na lang ang kaibigan para mailabas ang galit niya pero nagpigil siya. Kailangan niya ng kausap nang mga sandaling iyon. Kung iiwan siya nitong mag-isa ay baka dumiretso siya sa bar at uminom para kumalma ang naghuhumiyaw niyang inis sa bago niyang boss slash frog enemy.

"Namuhay mag-isa si Sir G nang maraming taon," banayad na sabi ni Daniel, nakatutok ang tingin sa harap ng sasakyan. "Six years ago, nag-retire si Papa bilang lawyer ni Sir G. Kinuha niya ako bilang kapalit. Five years ago, dumating ka sa Rayos, four years ago, naging personal assistant ka niya—at simula noon, hindi na siya mag-isa. Ikaw na ang naging kasa-kasama niya. Hindi lang eight hours a day, iniuuwi pa niya ang trabaho sa bahay at isinasama ka niya, right?"

"Right."

"Four years na ikaw ang tanging babaeng iniuuwi ni Sir G sa bahay niya, tama?"

"Kaya nga assistant niya ako, 'di ba? Sa mga brainstorming niya with the department heads, kasama ako. Naiiwan na nga lang ako sa bahay niya pagkatapos."

"Pero ikaw ang visible sa madla—sa mga business gatherings, business meetings, company events ng Rayos, et cetera, tama?"

"Tama. Wait, ano'ng mga 'yon, leading questions, Attorney?"

"Jas, given those facts, at isang masamang utak na nasa bungo ng sinasabi mong ugly frog na anak ni Sir G, dapat ka pa bang magtaka na iniisip niyang may affair kayo ng ama niya?"

Napaisip si Jasmin. "Yeah, tama ka..."

"May affair nga ba kayo?"

"What?!"

"May affair nga ba kayo ni Sir G—hey, aw! Nagbibiro lang ako, Jas!" Kasunod ang naaaliw na tawa, pinigilan ni Daniel ang mga kamay niyang humihila sa malambot nitong buhok. "Itigil na natin ito, okay? Ang haba ng oras na sinayang natin sa paglalabas mo ng sama ng loob. Simple lang naman ang solusyon sa problema mo. Kung hindi mo kaya si Gareth, then quit! Hindi mo kailangang tuparin ang usapan n'yo ni Sir G kung magkaka-wrinkles ka naman. Umuwi na tayo. May kaso pa akong ire-review pag-uwi ko."

Umuusad na sila paalis ng parking area nang mag-ring ang cell phone ni Jasmin. Kinapa niya sa bag ang gadget. Unregistered number ang nagbi-blink sa screen. Napapakunot-noong tinanggap niya ang tawag.

"Kailangan nating mag-usap."

Nagsalubong ang mga kilay ni Jasmin, nakaawang ang bibig na napasulyap kay Daniel na umangat naman ang kilay nang saglit itong bumaling sa kanya. Nasa pagmamaneho na ang focus nito.

Hindi pa man nakasagot si Jasmin ay nagsalita uli ang lalaki sa kabilang linya. "Tungkol sa projected budget ng ads for the summer collection. In-approve ba ni Dad 'to bago siya nag-leave?"

Saka lang nakilala ni Jasmin kung sino ang kausap niya. "Mr. Montalvo—"

"Hell, who else could it be?" iritadong putol ni Gareth na ikinapaningkit ng mga mata ni Jasmin. Kasing-igsi ba talaga ng sasabog na mitsa ng dinamita ang temper ng lalaking ito?

"It's almost seven PM, Mr. Montalvo. It's an hour past working hours—"

"Pupuntahan mo ako sa bahay kung saan n'yo tinatapos ni Dad ang trabaho o ako ang maghahanap sa 'yo nasaang panig ka man ng mundo ngayon, Miss Lapuz?"

Nag-igtingan yata ang mga ugat ni Jasmin sa mukha sa sinabi ni Gareth. Paano ba niya matatagalan ang boss niyang laging naghahamon ng argumento kahit sa mga simpleng usapan na ang dapat lang naman nitong gawin ay makiusap?

Napahagod siya sa dibdib. Kung hindi niya pupuntahan ang bagong boss, ang pagtanggi niya ay siguradong idadagdag lang ni Gareth sa listahan ng mga dahilan ng maling hinala nito sa kanila ni Sir G. Hindi niya tinanggihan kahit minsan ang paghingi ng pabor ni Sir G na tapusin nila ang trabaho sa labas ng working hours schedule kaya siguradong big deal na naman sa anak ni Sir G na may masamang pag-iisip kung hindi niya ito pupuntahan.

Nagdesisyon si Jasmin. "I'm on my way, Mr. Montalvo—" Hindi na niya naituloy ang sinasabi dahil tinapos na ni Gareth ang tawag. Malakas siyang napaungol sa sobrang iritasyon. "Rude frog!"

Sinulyapan siya ni Daniel. "Ihahatid na kita, Jas. May meeting ako later with the defense team para sa next hearing ng current case namin kaya gustuhin ko man, hindi kita masasamahan sa nest ni Ugly Frog."

"Pero puwede mo akong sunduin kahit late na?"

"Sure. Puwede ako twelve AM onwards. Mag-iiba na lang ako ng way, mahirap nang masundan ng mga may galit sa akin."

Nasisiguro na ni Jasmin na ang ending niya sa gabing iyon ay hindi na tatawagan si Daniel para hindi na nito kailangang lumabas uli ng unit. Hindi niya gugustuhing maging dahilan ng kapahamakan ng kaibigan kung sakali.

Calle Amor PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon