Part 14: Change

4.2K 138 0
                                    

"NAKABUNTIS si Kuya Joshua?"

"Buntis ang girlfriend ng kuya mo," malumanay na pagtatama ng ina ni Jasmin na si Mercy.

Nakamaang si Jasmin sa mga magulang na sinadya talagang hintayin ang pag-uwi niya para sa balitang iyon.

"O, ano'ng problema, 'Pa? Menor de edad ba si Ciella? Magti-thirty na iyon, eh. Kung malukot naman ang mukha n'yo ni Mama, parang makukulong si Kuya dahil nabuntis niya ang girlfriend niya. Nasa edad na pareho ang mga 'yon, alam na nila ang mga ginagawa nila. Hindi kayo dapat nagwo-worry nang ganyan na may family meeting pa tayo." Pumalatak pa si Jasmin. "Si Kuya talaga, ilang araw lang silang nagkasama ni Ciella sa trip, nagpabaon pa talaga ng sperm!"

"Jasmin," saway ng papa niya.

Natatawang tinutop ni Jasmin ang bibig. "Ano nga kasi ang problema, 'Pa?"

"Hindi ang buntis niyang girlfriend ang dahilan kaya tayo nag-uusap," anang ama niya sa seryosong tono. Kapag ganoon ang tono ng papa niya ay dapat na siyang makinig nang mabuti. Nahuhulaan na niyang may importante itong sasabihin. "Ang pag-uwi ng kuya mo."

"Pag-uwi!" bulalas ni Jasmin. "Anong pag-uwi, 'Pa? Uuwi sa Pilipinas si Kuya... for good?"

Nagtinginan muna ang mga magulang niya, bago uli siya tiningnan ng kanyang ama. "Binanggit ng kuya mo ang plano niya nitong huling tawag niya. Magpapakasal daw sila ni Ciella at gusto niyang kasama niyang lumaki ang magiging anak nila. Wala na siyang balak bumalik sa trabaho pagkatapos."

"Eh, bakit ho tayo may family meeting? Maraming kasalanan sa akin si Kuya Joshua mula mga bata kami pero hindi ko ho tatakasan ang kasal niya. Payag akong maging maid of honor, 'Pa."

"Gusto ng Kuya Joshua mong ilabas ng Calle Amor ang MJP, Jasmin. Sinimulan ko ang Mang Jay na kayong dalawa ng kuya mo ang nasa isip ko. Pinayagan ko kayong gawin ang mga gusto n'yo na nagawa n'yo na nitong mga nakalipas na taon. Ngayong gusto na ng kuya mong tutukan ang MJP, gusto kong maging bahagi ka rin. Sabay kayong magsimula, sabay kayong matuto, sabay n'yong harapin ang mga hamon sa negosyo—at sabay kayong magtagumpay, iyon ang gusto kong mangyari. Gusto kong makilala ako ng mga apo ko sa tuhod sa pamamagitan ng masarap na tinapay na matitikman nila."

Nanatili lang nakikinig si Jasmin.

"May pera ang Kuya Joshua mo para sa mga plano niya sa MJP," anang mama niya. "Pero hindi namin gusto ng papa n'yo na wala siyang ititira para sa sarili—para sa sisimulan niyang pamilya. Hindi biro ang kakabit na responsibilidad ng pagiging magulang, dapat sa lahat ng aspeto ay handa sila. Kakailanganin nila ng sapat na ipon para doon." Tiningnan ng mama niya ang kanyang papa na tiningnan naman siya.

"Magtulungan kayo ng kuya mo," sabi ng kanyang ama. "May ipon ka ba?"

Tumango si Jasmin kahit alam niyang hindi sapat ang ipon niya.

"Sapat para maging partners kayo ng Kuya Joshua mo?"

Tumango agad si Jasmin. Hindi siya papayagan ng pride niyang umamin ng totoo. Mula pagkabata ay lagi na siyang talo ni Kuya Joshua sa maraming bagay. Hindi niya iyon matanggap kaya kahit anong paraan ay ginawa niya para matapatan ang kakayahan nito—na bigo naman siya lagi. Hanggang ngayon ba naman? "Ang gusto n'yo, hati kami ni Kuya Joshua, 'Pa?"

"Ganoon na nga. Kung hindi sapat ang savings mo, may ipon kami ng mama n'yo, ibibigay ko sa 'yo—"

"'Pa," putol ni Jasmin, "kung maglalabas ho ng pera si Kuya Joshua at gusto n'yong maging partners kami sa tunay na kahulugan ng salita, hayaan n'yong sa akin din manggaling ang perang isososyo ko." Saka na niya iisipin kung saan kukuha ng malaking halagang kailangan.

Noon pa man ay may pangarap na si Kuya Joshua para sa MJP—at hindi iyon simpleng pangarap. Kilala niya ang kapatid. Hindi ito maglalakas-loob na umuwi sa Pilipinas for good kung hindi sapat ang perang iuuwi. Mas pinili nga ng kuya niya na iwan ang girlfriend para mas makaipon pa. At ngayong nagdesisyon nang bumalik si Kuya Joshua, natitiyak niyang handa na ito. Ang tanong ngayon, handa na rin ba siya?

Hindi pa...
Ang sagot ng isip ni Jasmin. Mahigit thirty thousand lang ang savings niya na puwede niyang hugutin anumang oras. Ang kailangan niya ay at least a hundred thousand man lang, hindi na siya tatawanan ng kuya niya sa halagang iyon.

Hindi niya aaminin sa mga magulang na hindi sapat ang savings niya, lalo nang hindi sa kanyang kapatid. Kailangan niyang makakuha ng funds bago pa man umuwi sa Pilipinas si Kuya Joshua.

"Kailan ba uuwi si Kuya?"

"Pagkatapos ng dalawang buwan."

"Handa na ho ang pera pagdating niya." Mismo nang sandaling iyon ay nagsimula nang mag-isip si Jasmin kung paano makukuha sa isang iglap ang halagang kailangan niya...

Calle Amor PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon