Part 12: Sad News

4.1K 146 2
                                    

SA IKALIMANG araw ng absence ni Gareth Montalvo ay binulabog naman ang Rayos ng isang masamang balitang itinawag ni Daniel kay Jasmin.

"Jas?" Napahinto si Connie sa pagdaan nang makita ang wala sa loob na pagkapit ni Jasmin sa mesa at ang nanghihinang pag-upo.

Pakiramdam ni Jasmin ay nanlamig ang buong katawan niya pagkarinig sa masamang balita.
"Si...Si Sir G, Connie..." halos wala nang tunog na sambit niya. Nagsimulang mamasa ang mga sulok ng kanyang mga mata.

Nagbalik sa isip ni Jasmin ang lahat ng kabutihang ginawa ni Sir G mula nang unang araw niya sa Rayos. Inalalayan siya nitong matuto sa sarili niyang paraan. Maraming beses siyang nakagawa ng mali bilang baguhan—ng bagay na hindi ayon sa nais mangyari ni Sir G—pero itinama nito ang mga pagkakamaling iyon sa pamamagitan ng constructive criticism. Sa limang taon ay maraming beses siyang napagsabihan pero ni minsan ay hindi naging personal ang atake ng kanyang boss. Pinuna nito at itinama ang maling trabaho niya, inihayag ang kanyang kahinaan, at itinuro kung paano iyon maitatama, kung paano mas mai-improve ang sarili sa trabaho.

Kung anuman siya ngayon ay utang niya iyon kay Sir G. Hinubog siya nito, hinasa ang kanyang kakayahan, at patuloy na dinagdagan ang kaalaman niya hanggang sa nagawa nang ipagkatiwala sa kanya ni Sir G ang ilang mahahalagang project na inaaprubahan na lang nito.

Hindi makapaniwala si Jasmin na hindi na niya maririnig pa ang boses ni Sir Gaelle Montalvo na nag-uutos o kaya ay pinupuri siya. Hindi na niya makikita ang mukha ng kanyang boss...

Ang sakit isiping hindi na magbabalik ang taong inaasahan nilang makikita uli sa Rayos. Iniwan na sila nang tuluyan ni Sir G.

Hindi namalayan ni Jasmin na nag-uunahan nang pumatak ang kanyang mga luha. Kaya pala ganoon ang naging pakiramdam niya noong huling gabing nakausap niya si Sir G. Nagpapaalam na pala talaga ito dahil hindi na sila babalikan kahit kailan.

Narinig ni Jasmin na tinawag ni Connie ang mga kasamahan na mula sa kanya-kanyang puwesto ay nagsilapit sa kanila.

"Ano'ng problema, Jas?" Ang nag-iisang lalaki sa team nila ang nagtanong, si Pop. "Bakit ka umiiyak?"

"May kausap siya kanina sa phone, mukhang bad news." Si Connie.

"Oh, G! I hate bad news!" Si Elvina.

"Wala na... wala na si Sir G, guys. Hindi na niya tayo babalikan..."

Pumuno sa buong marketing department ang magkahalong singhap at "no" mula sa mga kasamahan.

"Kahapon daw... three PM after two days of being in a coma."

Katahimikan na ang bumalot sa buong silid. Paisa-isang nawala sa tabi ni Jasmin ang mga nakapaligid sa kanya. Pag-angat niya ng tingin ay nasa kanya-kanya nang puwesto ang mga kasamahan, pare-parehong walang kakilos-kilos sa pagkakaupo.

Sina Elvina at Connie ay nahagip ng mga mata niyang umiiyak na rin.

Calle Amor PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon