Part 10: Patience

4.3K 155 3
                                    

MAY URGE si Jasmin na habulin ang papalayong kotse ni Daniel. Gusto na niyang umuwi at humilata sa kama, o kaya naman ay pakinggan ang tawanan ng mga kasama niya sa bahay sa bakery area, kaysa naroon siya sa bahay ni Sir G at makakasama pa sa mga susunod na oras ang anak nitong ipinaglihi yata sa sama ng loob.

Kinalma ni Jasmin ang sarili. Trabaho niyang gawin iyon at kailangan niyang gawin para kay Sir G. Mas hahabaan na lang niya ang pasensiya. Kakayanin niyang pagtiisan si Gareth Montalvo hanggang sa pagbabalik lang naman ng ama nito.

"Jasmin!" Masiglang tinig ang tumawag sa kanya.

Nilingon ni Jasmin ang main door. Naroon na si Anastacia, ang kasambahay ni Sir G. "Tascia" ang tawag sa kasambahay kaya iyon na rin ang tawag niya rito. Siguro, dahil walang ibang makausap sa malaking bahay kaya tuwang-tuwang si Tascia kapag kasama siyang umuuwi ni Sir G. Naging kaibigan na niya ang kasambahay, pati ang hardinerong asawa nito na madalas niyang kakuwentuhan pagkatapos ng trabaho. Naalala pa niyang maraming pagkakataong nagkukuwentuhan silang apat noon nina Sir G sa labas tuwing may buwan.

"Tascia, kumusta?"

Ngiting-ngiting bumaba ang babae at sinalubong siya ng yakap sa gitna ng sementadong hagdan patungo sa main door na binuksan na nito. "Na-miss kita!"

Tumugon ng magaang yakap si Jasmin.

"Ang tagal na mula no'ng huling punta mo dito."

"More than three months na."

"May nararamdaman na kasi si Sir G kaya hindi na niya kaya ang mahabang pagpupuyat sa trabaho. Parang lagi siyang pagod at nanghihina tuwing umuuwi, eh."

"Dati ba, hindi?"

"Okay naman siya dati, pero mula nang malaman niyang namatay sa aksidente ang dati niyang asawa—"

"Miss Lapuz!" Boses ni Gareth the Ugly Frog ang pumutol sa sinasabi ni Tascia.

Tinutop ng kasambahay ang bibig at ngumiwi. "Sige, 'kuwentuhan na lang tayo 'pag hindi ka na busy." At nagmamadali nitong iniwan si Jasmin para bumalik sa kabahayan.

"Saan ba kayo madalas magtrabaho ni Dad? Do'n ka na dumiretso, kukunin ko ang mga files na kailangan natin," sabi ni Montalvo the Ugly Frog.

Hindi sumagot si Jasmin. Itinuloy lang niya ang paghakbang patungo sa pinto. Hindi na niya sinundan ng tingin kung saang bahagi ng bahay tumuloy si Gareth. Dumiretso na siya sa maluwang na silid na parang extension na ng Rayos—ang Brainstorming room, iyon ang tawag ni Sir G sa silid na iyon.

Naghintay siya sa pagbabalik ni Gareth Montalvo subalit namuti na ang mga mata niya ay hindi na ito bumalik. Nakapag-dinner na siya kasabay si Tascia—na kinatok siya sa silid nang masilip na mag-isa siya—ay hindi pa rin bumababa ang magaling na lalaki. Patuloy siyang naghintay at nagtimpi ng inis ngunit pumatak na ang alas-dose ng hatinggabi ay wala pa rin si Gareth. Pinigil niyang humiyaw sa sobrang inis.

Hinahagod ang dibdib na lumabas ng silid si Jasmin para hanapin ang kanyang boss. Nasalubong niya ang naghihikab na si Tascia. "Saan ang room ni Mr. Montalvo, Tascia?"

Ilang segundong napatitig sa kanya ang babae, napansin yatang hindi maipinta ang mukha niya. Itinuro ni Tascia ang isang saradong silid sa itaas. "Ikaw na lang ang tumawag," napapangiwing sabi nito. "Hindi ko matantiya ang mood ng isang 'yon, eh. Malayong-malayo kay Sir G."

Hindi na sumagot si Jasmin. Sa mabibilis na hakbang ay tinungo niya ang silid na itinuro ng kasambahay. Kumatok siya sa pinto—kalmado pa siya. Pero nang nanakit na ang mga daliri niya at wala pa ring tugon mula sa loob ay kinalabog na niya ang pinto.

Naudlot ang pansampung hampas ni Jasmin nang biglang bumukas ang pinto. Tumambad sa kanya si Gareth Montalvo, hubad from the waist up, magulo ang buhok. Sa hula niya ay nakatulog ang lalaki o kaya ay sinadyang ginulo ang buhok para magpanggap na nakatulog. Buhay na buhay kasi ang dark na mga mata nito nang magtama ang mga mata nila; hindi iyon mga mata ng isang bagong gising.

"Sir," sarkastikong bigkas ni Jasmin, pinipigil humulagpos ang inis. "Sana naman, nilinaw mo sa akin kanina na pinapunta mo lang ako rito para sayangin lang ang oras ko." Kasinlamig ng yelo ang boses niya, pantay. Hindi siya kumurap nang salubungin ang mga mata ni Gareth.

"Nawala sa isip kong naghihintay ka sa 'baba," parang walang anumang sabi ni Gareth, bumalik sa loob, at nang lumabas uli ay bitbit na ang mga files na hinihintay niya. Nilampasan siya nito at mabibilis ang hakbang na naunang bumaba sa kanya.

Ngunit pagdating sa silid ay hindi rin nila napag-usapan ang dapat pag-usapan dahil hindi maawat ang pagri-ring ng cell phone ni Gareth. Sa bawat pag-ring ay naiiwan si Jasmine tuwing nakikipag-usap sa telepono ang boss niya. Hanggang sa tumawag na ang kanyang ama para itanong kung nasa bahay ba siya ng boss niya kaya hindi siya nakauwi; hanggang sa tumawag na si Daniel para itanong kung nasa bahay na siya kaya hindi na niya nagawang tumawag; pero wala silang naging matinong pag-uusap ni Gareth Montalvo.

Quarter to two ng madaling-araw ay sumuko na si Jasmin. Walang paalam na lumabas siya ng silid at dumiretso sa guest room na awtomatikong binubuksan na ni Tascia tuwing naroon siya. Salamat sa dalawang pares ng corporate attire na iniwan niya roon para sa mga pagkakataong hindi na siya nakakauwi. Makakapasok pa rin siya kinabukasan kahit mistulang nakalutang ang diwa niya sa puyat.

Hindi na nagbihis na ibinagsak ni Jasmin ang sarili sa kama pagkapasok sa silid. Ilang minuto lang ay nakatulog na siya.

Wala na sa bahay si Gareth Montalvo kinabukasan paggising niya.

Sa halip na pumasok sa opisina si Jasmine ay sa Calle Amor siya nagpahatid sa taxi. Kailangang humupa muna ang inis niya kay Montalvo. Baka makalimot siya at masaksak na lang niya ang lalaki ng bread knife mula sa pantry. Hindi na niya ito mapapatay ay makukulong pa siya, kaya dapat muna siyang magpalipas ng galit.


Calle Amor PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon