"BUWISIT ka!" Binayo ni Perdita ng kamao ang ATM machine dahil ayaw niyong maglabas ng pera. "Kalawangin ka sana!" bulong pa niya at hinila ang card. Halata sigurong may tampuhan sila ng machine kaya pinagtinginan siya ng mga nakapila sa labas ng booth paglabas niya.
Ang totoo, alam niyang wala na talaga siyang pera sa bangko. Nagbaka-sakali lang siyang may masasaid pa roon o kaya ay nagkatopak ang mga computers at sinalinan ng milyones ang account number niya. Pero sa mga nobela lang talaga nangyayari ang ganoon.
Pumara siya ng jeep.
"Bayad ho, Lerma lang," sabi ni Perdita pagkasakay at hinintay ang sukling piso sa limang piso niya. Sa mga panahon ngayon, mahalaga ang kaliit-liitang kusing. "Sukli ko ho!"
Fifteen minutes later, umaakyat na siya sa overpass patungo sa boardinghouse na tinutuluyan. Isa 'yong "lumang bahay na mukhang guguho sa ihip ng hangin," sabi nga ng isang awitin.
Nakasalubong niya sa gate ang landlady, si Mrs. Laperal, may kargang sanggol na mukhang mauubusan na ng hininga sa kakaiyak. Si Baby Andoy.
"Mabuti't dumating ka na, hindi ko ito mapatahan. Wala nang gatas," sabi ng ginang; may katabaan ito at naka-rollers pa ang buhok. Ipinasa nito sa kanya ang sanggol.
"Sshh... tahan na, baby—" Isinayaw-sayaw ni Perdita ang dalawang linggong gulang na nilalang. "Am na lang ho ang ipapadede ko. Wala na talaga akong pera, eh."
"Ikaw ang bahala. Paano ngayon 'yan?"
"Wala na ho akong choice kundi iprisinta ito sa tatay niyang bading. Hindi ko ito kayang buhaying mag-isa," sabi niya at pinagmasdan ang maamong mukha ng sanggol. Medyo tumigil na ito sa pag-iyak. Ina na nga siguro ang turing nito sa kanya dahil simula pagkapanganak ay siya na ang nag-alaga rito.
"Mabuti pa nga. Ang alam ko, mayaman naman ang ama niyan. Dapat lang niyang sustentuhan ang batang 'yan. Kawawa naman si baby." Hinimas-himas ng ginang ang baba ng sanggol.
"Talaga!" Kanina pang nasa jeep si Perdita nang mapagdesisyunan niya ang bagay na iyon. Kung bumangon man sa libingan ang ina ng sanggol dahil sinuway niya ang huli nitong habilin, wala siyang pakialam. Hindi importante ang pride ngayon; ang mahalaga ay ang kapakanan ng sanggol.
"Papasok na ho kami, baka sipunin si Baby." Tumuloy siya sa loob ng bahay hanggang sa silid niya kung saan kasama niya dati ang ina ng sanggol.
Kasamahan din niya sa teatro si Venus, pero ang naging kutob niya nitong mga huling buwan ay may iba itong pinagkakakitaan. Natural lang naman sa mga kagaya nila ang mag-sideline dahil hindi naman malaki ang kita nila. Mahal lang nila ang kanilang trabaho.
Pero nahiwagaan siya sa mga nocturnal activities ng kaibigan. Hinintay niyang ito na mismo ang magtapat dahil matagal naman na ang pinagsamahan nila; college students pa sila nang maging magkaibigan sila at hindi uso sa kanila ang lihiman. Pero deadma si Venus sa mga mapagtanong niyang tingin, hanggang sa hindi na siya makatiis. Kinompronta niya ito. Pero ipinangako rin naman niya sa sariling kahit ano ang matuklasan, hindi niya ito iko-condemn.
She was so sure her friend was in the flesh trade.
Pero mas shocking ang ipinagtapat nito sa kanya. May nakilala raw itong binata, guwapo, at ubod ng yamang negosyante. Distributor daw ang lalaki ng imported diapers, at kung ano-ano pang negosyo. Inggit agad siya rito. Pero bigla itong tumawa.
"Bading siya," sabi ni Venus.
Ang inggit niya ay napalitan ng kuryosidad. Hinayaan niyang tapusin nito ang pagsisiwalat.
BINABASA MO ANG
Señorito Series 2: Robertito COMPLETED (Published by PHR)
RomanceAng balak lang ni Perdita ay ipakilala ang anak ng yumaong kaibigan niya sa ama nito para mabigyan ng magandang kinabukasan ang bata. Pero hindi ganoon ang nangyari. She ended up agreeing to marry Ronald, the child's father. Pumayag lang siya sa pro...