Chapter 9

10.3K 278 4
                                    

"ANONG oras tayo luluwas?" tanong ni Perdita kay Robertito. Akala niya, por que naligo at nakabihis na ang binata ay lalakad na sila. Pero nagpaalam itong may pupuntahan lang daw na binyagan. Saglit lang daw. Hintayin daw niya ito.

"Pagdating ko. After lunch na siguro. Nahihiya lang akong hindi pagbigyan 'yong nag-imbita. Ibinilin ko na kay Ansing na ipagluto ka ng lunch," sabi nito.

"Okay." Masama ang loob ni Perdita, hindi dahil na-postpone ang pagluwas nila. Laking tuwa niya kung sa isang linggo na sila babalik sa Maynila. Masama ang loob niya dahil hindi man lang yata naisipan ni Robertito na isama siya sa binyagang pupuntahan nito, when that was the most rational thing to do dahil magkaibigan naman sila. O hindi ba?

"Saglit lang ako. At hindi ka naman maiinip dito," sabi nito at bumaba na. Pagsakay ng binata sa kotse, binusinahan lang siya bilang paalam at nawala na ito sa paningin niya.

'Kainis! maktol niya. Bakit hindi siya nito isinama? Baka may ibang babae itong kasama. O kaya naman, may pinopormahan doon sa pupuntahan at natatakot itong mapagkamalang girlfriend siya nito?

Para mawala ang inis niya, naglakad-lakad na lang siya sa farm. Itatanim na niya sa memorya ang mga tanawin doon at baka matagalan bago siya makabalik doon.

Kahit paano naman ay nalibang doon si Perdita dahil nakakuwentuhan din niya ang ilang mga tauhan doon. Hindi nga lang siya makapagtanong ng mga personal na bagay tungkol kay Robertito dahil mukhang loyal na loyal sa binata ang mga tauhan nito; baka isumbong siya ng mga ito at baka kung ano pa ang isipin ng binata. Ang amining partly in love na yata siya sa binata ang huling bagay na papasok sa isip niya.

Pagbalik ni Perdita sa kubo ay naisipan niyang magwalis at maglampaso ng sahig sa kawalan ng magawa. Pati iyong mga maruruming damit na maayos namang naka-pile sa isang sulok ay pinagtripan niya at tiniklop isa-isa. Nang mahagip niya ang T-shirt na hinubad ni Robertito kaninang umaga ay hindi niya napigilan ang sariling amuyin iyon. Nakadikit pa roon ang amoy nito. At parang gusto niyang isilid sa bag niya ang damit ng binata para may souvenir siya; hindi niya lalabhan iyon.

On the second thought, bakit hindi na lang iyong briefs nito? Napangisi siya sa naisip at dinampot ang underwear ng binata, binulatlat.

Uy, walang nicotine! At di-hamak na mas kasya iyon sa bag niya. Tiniklop niya ang briefs at isinama sa iba bago pa siya matuksong isagawa ang maitim niyang balak. Gusto pa sana niyang amuyin din iyon kung hindi lang kahiya-hiya na sa sarili niya.

Alas-tres y medya na ng hapon nang bumalik si Robertito, kung kailan nakatulog na siya. Tuloy-tuloy ito sa silid, naupo sa kama.

"Lasing ka?" Amoy-beer ito at parang lantang gulay.

"Nakainom lang. Mayamaya na tayo lumuwas. Magpapahinga lang ako. Ang sakit ng ulo ko, eh," sabi nito at basta na lang nahiga, tutop ang noo.

"G-gusto mong hilutin ko?" suhestiyon niya.

"'Kay—" paungol nitong sabi.

Naupo si Perdita sa kama at naglagay ng unan sa kandungan. Pinaunan niya roon ang binata at sinimulang masahehin ang noo nito.

"Bakit ka kasi uminom? Alam mong magmamaneho ka," sabi niya. Kung nasasarapan ito sa ginagawa niya, mas nasasarapan naman ang pakiramdam niya. It felt good to take care of him.

"Nayaya lang. Natalo ako, eh—"

"Natalo?"

"Nagpunta ako sa sabungan. Talo," paungol pa rin nitong sabi.

Itinulak niya ang ulo nito. "Akala ko ba, eh, binyagan ang pinuntahan mo?" Pero sa kaibuturan ng puso niya, natutuwa siyang malaman kung bakit hindi siya nito isinama. Inayos uli niya ang ulo ng binata sa kandungan niya at muling minasahe ang noo nito.

"Kunwari lang. Baka hindi mo ako payagan kapag sinabi kong sa sabungan ang punta ko. May super hack fight kasi, hanggang mamayang gabi pa 'yon. Gusto ko lang namang malibang. Huwag ka nang magalit. Nalulungkot kasi ako."

"Bakit ka nalulungkot?"

"Basta nalulungkot ako," sabi nito at hindi na uli nagsalita. Hindi nagtagal ay tulog na ang binata sa kandungan niya. Kahit abutin pa ng magdamag, hindi siya tatayo roon because having him like that felt most wonderful.

Señorito Series 2: Robertito COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon