MAG-TAXI na kayo, Perdita. Heto ang pamasahe," sabi ni Mrs. Laperal kinaumagahan. Nakabihis na sila ni Baby Andoy papunta sa address na nakuha niya sa mga gamit ni Venus. Ipiprisinta niya ang sanggol sa ama nito, umaasang mabuhay ang mother's instinct ng bading at kalingain ang baby. Kung totoong mabait si Ronaldo Pangan, walang dudang kakalingain nito ang anak. Hihilingin niyang siya pa rin ang mag-alaga sa bata dahil napamahal na ito sa kanya. Ang kailangan lang niya ay sustento dahil hindi stable ang trabaho niya.
"Nakakahiya naman ho," sabi ni Perdita.
"Sus, di bayaran mo na lang ako kapag binigyan ka na ng ama niyan."
Tumango na lang siya. Importanteng makakuha siya ng pera kay Ronaldo dahil dalawang buwan na siyang hindi nakakabayad sa boardinghouse at baon na siya sa utang sa mga kasamang boarders. Magastos magpalaki ng sanggol.
Hihingi siya ng yaya kay Ronaldo para makapagtrabaho pa rin siya. Sapat na siguro ang sampung libo isang buwan na sustento.
"Huwag ho kayong mag-alala, babayaran ko kayo," sabi niya. Inihatid pa sila ng ginang sa labas at ipinara sila ng taxi.
"Mag-iingat kayo," bilin pa ni Mrs. Laperal pagsakay nila.
"Magkikita na kayo ng tatay mo, baby. Hindi ka na magtitiis sa am at magiging imported na lahat ang gagamitin mong diapers. 'Yon daw kasi ang business ng ama mo. Huwag ka lang gagaya sa kanya na bading."
Para namang naintindihan siya ng sanggol; hindi ito umiyak habang nagbibiyahe sila. Hindi niya pinagsasawaang pagmasdan ang mukha nito. Walang dudang guwapo nga ang ama nito. Excited din siyang makaharap si Ronaldo; sa mga naiwang gamit ni Venus ay naghanap siya ng kahit isang picture nito pero wala siyang makita.
Sa tapat ng isang compound ng mga town houses sa Mandaluyong huminto ang taxi. Tama ang address pero hindi agad siya bumaba. Nagmasid-masid muna siya.
Pero nainip ang taxi driver. "Sigurado akong 'yan ang address, Misis," sabi nito.
Napilitan siyang magbayad na at bumaba. Sumilip muna siya sa grills ng gate. May pulang kotse sa driveway. Pipisilin na sana niya ang doorbell nang may lumabas na lalaki mula sa loob ng bahay. Naka-T-shirt na asul at shorts na puti ito, nakapaa lang. May dala itong basahan at plastic container; sinimulan nitong i-wax ang kotseng pula.
Hindi tugma ang description ni Venus na ama ni Baby Andoy sa hitsura ng lalaki. Hindi gaanong mataas ang nakikita niya, mas bata, at hindi mukhang executive. The man waxing the car seemed rugged at marahas ang mga kilos. Pero guwapo.
Kaya I therefore conclude na ikaw ang papa ng papa ng baby ko.
Pinisil ni Perdita ang doorbell. Napaigtad ang dyowa ng bading; nangunot ang noo nang makita siya pero itinigil ang ginagawa at lumapit sa gate.
BINABASA MO ANG
Señorito Series 2: Robertito COMPLETED (Published by PHR)
RomanceAng balak lang ni Perdita ay ipakilala ang anak ng yumaong kaibigan niya sa ama nito para mabigyan ng magandang kinabukasan ang bata. Pero hindi ganoon ang nangyari. She ended up agreeing to marry Ronald, the child's father. Pumayag lang siya sa pro...