Chapter 11

10.5K 268 7
                                    

"MAS BAGAY sa 'yo 'yong may kamay. Bakit ka magbu-bus— Ano na nga 'yon?" In-start ni Robertito ang kotse at umatras sa parking area ng shop ng couturier na napili ng mama niya.

"Bustier," sabi ni Perdita.

"Bustier," pag-ulit niya. "Bakit ka magsusuot ng ganoon, eh, hindi naman 'yon maa-appreciate ng groom mo? Okay na 'yong may manggas, mukha kang virgin."

"Virgin naman talaga ako, ah!" paismid pero nagmamalaking sabi ng dalaga.

Shocked si Robertito. "Unbelievable!"

"Na virgin ako? Sapakin kaya kita?"

"Hindi 'yon— Kung ako nga—"

"Virgin ka? Utang-na-loob!"

"Oo. Noong seventeen ako." Kumambiyo si Robertito at pinandilatan ang dalaga. "Ang hindi ko mapaniwalaan is the fact na willing kang maging virgin habang-buhay. Nangangarap ka kung inaakala mong magha-honeymoon kayo ni Kuya!"

"Alam kong hindi at hindi ko 'yon inaasam. Alam ko ring hindi ako magkakaanak, puwera na lang kung pumayag si Ronald sa artificial na paraan."

Hinawakan niya ang likod ng ulo nito. "Kawawa ka naman."

"Marami naman akong pera." Umirap uli ito.

"Kahit na. Naaawa pa rin ako sa 'yo. Itanan na kaya kita?"

Biglang namula ang mga pisngi ni Perdita at natahimik ito. Hindi naman niya mabawi ang sinabi dahil kahit pabiro, iyon talaga ang gusto niyang gawin. He wanted her back at the farm kahit hindi siya sigurado sa dahilan.

"Ihatid mo na ako," hiling nito pagkatapos manahimik.

"Wala ka namang gagawin sa bahay. Mamaya na."

"Saan pa ba tayo pupunta?"

"Back to the bat cave." He shifted gears again.

"Hindi puwede! Baka magtaka na ang mama mo. Baka isipin pa niyang wala akong kuwentang ina dahil nagagawa kong basta na lang iwan ang anak ko."

"Mabuti nga 'yong magtaka sila at nang mag-isip naman sila paminsan-minsan. Tawagan mo si Kuya," sabi ni Robertito at ibinigay ang cell phone.

"Bakit? Ano'ng sasabihin ko?"

"Sabihin mo, bukas na kita maihahatid dahil napakompromiso ako sa sabungan. Hindi ko 'kamo binayaran ang kapustahan ko dahil wala na akong pera at nakaprenda ngayon ang sasakyan ko." Napahalakhak siya nang makitang ganoon na lang ang pangungunot ng noo ng dalaga.

"Maniniwala ba 'yon? At saka, sirang-sira ka na nga sa inyo, lalo mo pang sisirain ang papel mo."

"Hayaan mo sila sa gusto nilang isipin. Basta tawagan mo na si Kuya. Maniniwala 'yon."

Halatang duda pa rin si Perdita. "Puwede mo naman akong ihatid kahit wala kang sasakyan. May bus naman. At saka ano'ng sasabihin ko kapag tinanong ako kung nasaan tayo?"

"Alam mo, si Kuya, ni minsan, hindi pa naranasang mag-commute. Kaya ang alam niya, hindi rin ako sumasakay sa bus. Sosyal kami. Hindi kami nagbibiyahe, understand? Sabihin mo, nasa Cavite tayo. Bahala ka na."

Ilang sandali muna siyang pinagmasdan ng dalaga. Gusto na niyang matakot na baka hindi nito gawin ang gusto niya. Pero nakita niyang hinahanap na nito sa cell phone ang number ng kapatid niya, pinindot ang call button, at naghintay ng sasagot.

Napangisi si Robertito. Ibig sabihin, gusto rin siya nitong makasama.

May pag-asa. Puwede!

Hindi nagtagal ay kausap na ni Perdita ang kapatid niya at kahit panay ang buckle nito ay nasabi naman ang ipinasasabi niya. Siguro, kumbinsido na ang kuya niya at nadagdagan ang kumpiyansa ng dalaga; panay na ang ad lib nito and she could really act.

"Sandali lang," sabi ni Perdita at ipinasa sa kanya ang cell phone. "Kakausapin ka raw."

Hindi pa siya nakakapag-"Hello!" ay tinarayan na siya ng kapatid.

"Ano na namang kalokohan ang ginawa mo, Rob?"

"Wala 'to, Kuya. Huwag kang mag-alala, bukas na bukas din, ibabalik ko sa bahay si Perdita. Ikaw na ang magpaliwanag kina Mama."

Narinig niyang nagpawala ng buntong-hininga ang kapatid. "Ito na ang huling pagkakataong papayagan kitang maisama si Perdita. Hindi lang dahil sa nadadamay siya sa mga kalokohan mo kundi para sa delicadeza. Ano na lang ang iisipin nina Papa at ng ibang tao kapag nalaman nilang laging kayo ang magkasama?"

"Di iisipin nilang mabait akong bayaw."

"Hindi ako nagbibiro, Rob. Pagkatapos nito, better stay away from her."

"'Kay." Pinisil ni Robertito ang end button at ibinalik kay Perdita ang cell phone. "'Pag tumawag, 'wag mo nang sagutin."

"Bakit?"

"Dahil ayoko. Si Ansing na lang ang tawagan mo. Sabihin mo sa kanya, magluto siya ng tinola dahil darating tayo roon."

When she smiled, he knew instinctively that she did not mean to kaya agad nitong binura ang ngiti. But her eyes told him more. On impulse, hinagip niya ang kamay nito at ipinatong sa kambiyo. Hindi nito binawi ang kamay.

We're heading for trouble, lady.

Kumambiyo uli si Robertito at lalong tumulin ang sasakyan.

Señorito Series 2: Robertito COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon